ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | August 9, 2023 Mariin nating kinukondena ang naging aksyon ng Chinese Coast Guard na binugahan ng water cannon ang barko ng ating Philippine Coast Guard na magdadala sana ng supplies sa ating mga sundalo sa Ayungin Shoal. Nangyari ang insidente noong Sabado, August 5, at naibalita ito maging ng international media.
Ang pakiusap natin sa China, stop bullying us! Hindi pork’t maliit tayong bansa ay gaganunin na lang tayo. Respeto ang kailangan dito. Sa loob ng anim na taon ay sobra-sobra ang respeto na ibinigay ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kanila at naging mabuti ang ating gobyerno noong nakaraang administrasyon sa China.
Maganda naman sana ang ating relasyon sa China kaya hindi natin inaasahan na magkakaroon ng ganitong pambu-bully sa karagatan na sakop ng ating exclusive economic zone.
Sa katunayan, noong may personal na lakad si dating Pangulong Duterte sa China kamakailan lamang ay naimbitahan pa siya bilang isang kaibigan ni President Xi Jinping sa isang pagpupulong.
Nandoon si Tatay Digong dahil sa imbitasyon ng isang eskwelahan na ipinangalan ang isang gusali sa kanyang inang si Soledad Duterte. Ibinahagi rin ng dating pangulo sa kasalukuyang Pangulong Bongbong Marcos, Jr. ang napag-usapan nila ng presidente ng China. Pareho ang hangarin ng ating dating Pangulong Duterte at ni Pangulong Marcos — ang maipaglaban ang interes ng Pilipinas at maproteksyunan ang kapakanan ng mga Pilipino.
Sa aking naging manipestasyon noong Lunes, August 7, sinusugan ko ang privilege speech ni Senate President Juan Miguel Zubiri tungkol sa insidente at binigyang-diin ko na ang buong bansa ay dapat na maging matatag at malakas sa harap ng mga ganitong sitwasyon. Hinikayat ko ang bawat Pilipino na pangalagaan ang ating sovereign rights sa West Philippine Sea. Ang atin ay atin.
Kung ano ang para sa Pilipino ay para sa Pilipino. What is ours is ours!
Kailangang manatili tayong consistent sa ating foreign policy na “friend to all, enemy to none”.
Gayunpaman, kailangan nating manindigan sa pagprotekta sa ating karapatan bilang isang malayang bansa.
Umapela rin ako sa kasalukuyang administrasyon na tiyakin ang kaligtasan ng bawat Pilipino.
Malaki ang tiwala ko sa Pangulo na ipaglalaban niya ang ating karapatan sa WPS sa tulong na rin ng ating international partners. Maraming beses na itong nai-bring-up noon ni dating Pangulong Duterte. Panalo tayo sa arbitral ruling pagdating sa teritoryong atin naman dapat talaga. Pero ang tanong, who will enforce? And who can enforce the ruling?
Bilang vice chair ng Senate Committee on National Defense, tiwala ako sa dedikasyon ng ating Armed Forces of the Philippines at Coast Guard na pangalagaan ang ating interes sa WPS.
Suportado ko mula noon hanggang ngayon ang modernization efforts ng ating military.
Isinumite ko rin ang Senate Bill 2112, na kung makapapasa at magiging ganap na batas, ang layunin ay ang modernisasyon ng Philippine Coast Guard.
Gaya ng sabi ko noon, kahit maliit lang tayo na bansa, huwag tayong apihin dahil kilala ang mga Pilipino na matatapang, lumalaban, at ipinaglalaban ang ating karapatan.
Samantala, dahil bisyo ko ang magserbisyo, sa kabila ng ating pagiging abala sa mga gawain sa Senado ay patuloy ang aking tanggapan sa pag-alalay sa mga komunidad at kababayan nating nahaharap sa iba’t ibang krisis.
Kahapon, August 8, katuwang ang tanggapan ng lokal na pamahalaan ng Cavite City ay namahagi tayo ng tulong sa 158 mahihirap na residente. Pinagaan natin ang dalahin ng 20 nasunugan sa San Fernando City, Pampanga.
Sa Parañaque City, nagbigay tayo ng dagdag na suporta sa 58 benepisyaryo ng emergency housing assistance ng National Housing Authority. Ang programang EHAP ay isinulong ko noon at patuloy na sinusuportahan ngayon para may maibili ng housing materials ang mga nasunugan gaya ng yero, pako, semento at iba pa.
Nitong Lunes, bumisita tayo sa Pasay City at dumalo sa kanilang flag raising ceremony kasama sina Mayor Emi Calixto-Rubiano, Cong. Antonino Calixto at Vice Mayor Ding Del Rosario, at iba pang opisyal. Ipinagdiwang rin namin doon ang kaarawan ni Mayor Emi at ng kanilang Urban Development and Housing Office Head Ian Vendivel. Matapos nito, personal tayong namahagi ng tulong sa 2,000 TODA members ng lungsod.
Bilang Chair ng Senate Committee on Sports, dumalo tayo sa imbitasyon ni Pangulong Marcos sa ginanap na “Konsyerto sa Palasyo” bilang pagbibigay-pugay sa ating mga atletang Pilipino sa Malacañang noong August 6.
Nasa Cotabato City naman tayo noong August 5, at sinaksihan ang blessing and ribbon cutting ceremonies ng two-storey na Malasakit Center Building kasama sina Congresswoman Bai Dimple Mastura, Maguindanao del Norte Governor Abdulraof Macacua, Cotabato City Mayor Mohammad Ali "Bruce" dela Cruz Matabalao, Matanog Mayor Zohria Bansil-Guro, at Sultan Kudarat Vice Mayor Shameem Mastura. Nasa 647 mga pasyente at 2,535 medical frontliners ang ating natulungan doon. May hiwalay ring pinansyal na tulong ang DSWD sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
Sinaksihan din natin ang inagurasyon ng itinayong Super Health Center sa Libungan, Cotabato.
Tayo naman ang nagbukas at nagbigay ng mensahe sa ginanap na inter-barangay championship game bilang bahagi ng pagdiriwang ng 62nd founding anniversary at 8th Katambolit Festival sa imbitasyon ni Mayor Angel Rose Cuan. Personal din nating pinangunahan ang pamamahagi ng ayuda sa 1,000 mahihirap na residente ng Libungan.
Dumiretso tayo sa Midsayap, at sinaksihan ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center doon, at pagkatapos ay nagkaloob ng tulong sa 1,000 mahihirap na residente sa lugar katuwang ang tanggapan ni Mayor Rolando Sacdalan. Nakasama rin natin sina Congresswoman Samantha Santos, Vice Governor Efren Piñol, at iba pang opisyal. Nagpapasalamat tayo sa suporta ng lokal na pamahalaan ng North Cotabato sa pamumuno ni Gov. Lala Taliño-Mendoza.
Nakarating naman ang aking opisina para mamahagi ng food packs sa iba pang sinalanta ng Typhoon Egay. Nakapagbigay tayo ng tulong sa 4,000 benepisyaryo sa Pampanga, bukod pa ang 500 sa Minalin, at 500 sa Arayat. Nakapamahagi rin sa 500 sa Bauang, La Union, at 700 para sa mga taga-Calumpit, Bulacan.
Naghatid din tayo ng food packs para sa 2,500 biktima ng bagyo sa Santa Praxedes, Claveria, Sanchez Mira, Pamplona at Abulog, mga bayan sa Cagayan. Sa Ilocos Norte, namahagi tayo ng 1,500 food packs sa mga bayan ng Pasuquin, Laoag City at Marcos, habang nagbigay ng karagdagang tulong ang DSWD sa kanila.
Hangad ko pa rin ang mapayapang solusyon sa isyu sa West Philippine Sea. Ayaw natin ng gulo. Pero mahalagang manindigan tayo para sa pambansang interes at pagtataguyod ng mapayapang resolusyon sa mga alitan sa teritoryo, at igiit kung ano ang sa atin. Wala tayong dapat isuko ni katiting na bahagi ng ating bansa!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.