ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | August 19, 2023
Kapag naghahatid tayo ng mga serbisyo ng gobyerno at nagkakaloob ng tulong sa ating mga Kababayang mahihirap at nahaharap sa iba’t ibang krisis, lagi kong ipinapayo sa mga benepisyaryo na gamitin sa tama ang tulong na natatanggap mula sa pamahalaan.
Sa katunayan, kapag namamahagi tayo ng tulong tulad ng emergency housing assistance program o EHAP ng National Housing Authority, isang programang nasimulan natin noong panahon pa ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at patuloy na sinusuportahang mapondohan ngayon para maipagpatuloy upang matulungan ang mga biktima ng sunog na makabili ng materyales para sa bahay tulad ng yero, pako, semento, at iba pang kagamitan — lagi kong ipinapaalala sa kanila na ang tulong na kanilang matatanggap ay gamitin para sa tama ayon sa hangarin ng programang pinanggalingan nito.
Hindi kasi maiiwasan kung minsan na may mga kababayan tayo na kapag nakatanggap ng tulong ay nag-iiba na ang desisyon, at sa halip na sa pangangailangan ng pamilya gamitin ang pera ay sa kung anong hilig ng katawan inaaksaya tulad ng masasamang bisyo. Hindi tama iyan.
Isa ito sa mga dahilan kaya suportado ko ang panukala na alisin sa listahan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) iyang mga mapapatunayang ginamit ang pondo sa sugal o droga. Sabi ko nga, pinaghihirapan nating mapondohan ang mga programang makakatulong na maiahon mula sa hirap ang ating mga kababayan tapos masasayang lang sa masasamang bisyo kaysa mapakinabangan ng pamilya. Kaysa ilagay sa listahan ng 4Ps beneficiaries, dapat ilagay sila sa listahan ng dapat ma-rehab para matulungang magbago.
Sa halip na ibili ng pagkain ng mga anak o baon ng mga ito sa eskwelahan ang matatanggap na pera mula sa gobyerno, sariling pagsira pa ng buhay ang paglalaanan.
Ang dami pong naghihirap na Pilipino, huwag ninyong aksayahin ang pondo para mas maghirap pa ang kapwa ninyo. Kaysa sayangin ng iilan, puwede sana iyang mapakinabangan ng karamihan. Maging parte po tayo ng solusyon kaysa dumagdag sa problema ng lipunan.
Galit na galit po talaga ako sa droga. Alam ninyo, ‘pag pumasok kayo sa droga, ‘pag may kahit isa lang na durugista sa pamilya, masisira ang buong pamilya at madadamay ang komunidad.
Talagang pilay na ang pamilya basta may isang pumasok sa droga. Iwan ninyo ang pitaka ninyo, bukas o kahit mamaya lang ay nanakawin na iyan para may magamit sa kanyang bisyo. Habang sinisikap ng gobyerno na maiahon sa hirap ang mga nangangailangan, mas lalo lang inilulubog sa hukay ng iilang durugista ang kanilang buhay, damay pa ang buhay ng kanilang pamilya.
Sama-sama nating labanan ang droga. Kaya bilang chairman ng Senate Committee on Sports, ineengganyo ko lagi ang ating mga kabataan to get into sports, stay away from drugs.
Marami namang ibang mas produktibong paraan upang sumaya na hindi nakakaperhuwisyo ng kapwa. Lumayo tayo sa masasamang bisyo at piliin na lang ang makapagserbisyo sa kapwa tao.
Ako naman, bilang bisyo ko ang magserbisyo, patuloy ako sa mga aking mga gawain sa loob at labas ng Senado para makapaghatid ng tulong sa iba’t ibang komunidad sa abot ng makakaya.
Kahapon, August 18, nasa Davao City tayo at dinaluhan ang “Responsible Real Estate Marketing: Accurate Representation for Sustainable Public Trust” sa paanyaya ng kanilang organisasyon.
Sinaksihan din natin nang araw na iyon ang pagdating dito ng Naismith Trophy para sa FIBA Basketball World Cup 2023 Trophy Tour. Ipagkakaloob ang trophy sa magkakampeon sa gaganaping World Cup. Guest speaker tayo sa okasyon bilang tayo ang chair ng Senate Committee on Sports.
Muli naman nating binisita ang ating mga kapwa-Batangueño noong August 17 at sinaksihan ang blessing and opening ceremony ng itinayong Malaquing Tubig Bridge sa Bgy. Poblacion 4, San Jose sa Batangas. Nag-inspeksyon din tayo sa ginawang Barangay Palanca to Barangay Natunuan Provincial Road. Ang mga proyektong ito na ating sinuportahan noon na maisakatuparan ay malaking ginhawa ang maihahatid sa mga residente, mga biyahero at negosyante, at magpapasigla sa kalakalan ng mga komunidad.
Personal din nating pinangunahan ang pamamahagi ng tulong sa mahihirap na residente ng San Jose kung saan 558 ang naging benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program ng DOLE, at 1,000 naman mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program ng DSWD — mga programang nakakatulong sa mahihirap na ating patuloy na isinusulong.
Muli namang nag-ikot ang aking opisina sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa at inalalayan ang mga kababayan nating nahaharap sa iba’t ibang krisis. Sa ilalim ng ating isinulong na pamamahagi ng EHAP ng NHA ay nabigyan natin ng pambili ng materyales para sa pagsasaayos ng kanilang tahanan ang 391 benepisyaryo sa Bgy. Sta Maria, Zamboanga City at 79 sa Ipil, Zamboanga Sibugay.
Napagaan din natin ang dalahin ng mahihirap nating kababayan at nakapag-iwan tayo ng ngiti sa mga taga-Nueva Ecija kabilang ang 939 sa Cabanatuan City, at 42 sa Cabiao.
Hindi rin natin kinaligtaan ang mga taga-Cebu City at napasaya ang 150 miyembro ng iba’t ibang sektor sa Moalboal. Namahagi rin tayo ng tulong pangkabuhayan sa 65 residente ng Bgy. Basak, San Nicolas; at 30 sa Bgy. Capitol Site at Guadalupe sa tulong ng Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa (PPG) program ng Department of Trade and Industry na atin ding isinulong noon at patuloy na sinusuportahan ngayon. Sa mga benepisyaryo, palaguin ninyo ang inyong negosyo.
Kapag lumago ang inyong negosyo, dalhin ninyo po ang mga kita sa inyong mga pamilya. Mas masarap sa pakiramdam kapag pinagpawisan at pinaghirapan ninyo po ang inyong pagnenegosyo upang makaahon sa hirap.
Napagkalooban din natin ng tulong ang 250 mahihirap na residente ng Mendez, Cavite; 250 sa Siniloan, Laguna; 205 Kadayawan Performers mula sa IGACOS, Davao Del Norte; at 200 pa sa Nagcarlan, Laguna.
Bilang chair ng Senate Committee on Sports, suportahan po natin ang ating national basketball team na sasabak sa 2023 FIBA World Cup. Dahil maraming bibisita sa ating bansa dahil sa palarong ito, ipakita natin ang ating tapang sa harap ng mga pagsubok, at ang ating pagmamalasakit sa kapwa. Ipamalas natin ang ating mga katangian na tapang at malasakit sa ating hangaring umunlad ang bansa at maitaas ang bandera ng Pilipinas sa buong mundo.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.