ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | September 20, 2023
Ang problema natin sa ilegal na droga ay isang salot na patuloy na nagpapahirap sa ating lipunan. May responsibilidad tayong lahat na gawin ang ating makakaya para iligtas ang bawat pamilyang winawasak nito, bawat adik na tinatanggalan nito ng magandang kinabukasan, at bawat komunidad na nilulunod nito sa hirap.
Isinusulong ko ang tatlong estratehiya na kailangan nating pagtuunan ng pansin sa paglaban sa ilegal na droga. Nar’yan ang law enforcement, rehabilitation, at prevention.
Una sa lahat, suportado ko ang anumang hakbang ni Pangulong Bongbong Marcos sa laban na ito. Sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, malawakan niyang inaksyunan ang problema sa droga. Ngayon naman ay may sarili ring estratehiya ang kasalukuyang administrasyon na nagbibigay importansya sa rehabilitasyon. Ang mahalaga ay hindi tayo tumitigil sa paglaban sa salot na ito. Kasi alam natin na, kapag bumalik ang droga, babalik din ang korupsyon at kriminalidad sa bansa. Delikado tayo d’yan.
Buo ang suporta ng pamahalaan sa law enforcers in line of duty, hindi lang dapat sila magaling kundi tapat din sa kanilang tungkulin. Kaya naman hinihikayat ko ang mga nasa hanay ng Philippine National Police, Philippine Drug Enforcement Agency, at National Bureau of Investigation na paigtingin pa lalo ang kampanya nila laban sa ilegal na droga. Kaugnay nito, mayroon akong isinusulong na Senate Bill No. 422, na naglalayong magbigay ng libreng legal assistance sa mga uniformed personnel, kung sakali mang maakusahan sila ng mali o hindi patas habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.
Ang layunin nito ay hindi lamang para protektahan ang law enforcers, kundi para rin tiyakin na ang bawat aksyon na kanilang ginagawa ay naaayon sa batas at may sapat na legal protection.
Pangalawa, sa aspeto ng rehabilitation, karamihan sa mga gumagamit ng droga ay biktima lamang din. Dapat ay bigyan natin sila ng pagkakataon na magbagumbuhay.
Kaya mayroon din akong panukalang batas, ang SB No. 428, na naglalayong magtatag ng Drug Rehabilitation and Treatment Centers sa bawat probinsya sa buong bansa.
Kasama na rin dito ang SB No. 2115, na naglalayong magbigay ng technical-vocational education at livelihood program para sa mga na-rehabilitate na drug dependents kung maisabatas.
Pangatlo, sa prevention, lalo na sa mga kabataan, ineengganyo natin sila na pumasok sa mga produktibong gawain, katulad ng sports, para maging disiplinado at responsable kaysa malulong sa masasamang bisyo. Turuan natin sila na huwag maligaw ng landas.
Ika nga, get into sports, stay away from drugs! And of course, to keep them healthy and fit, importante rin po sa akin bilang chair ng Senate Committee on Sports at Health, dapat magkarugtong ang dalawang ito.
Dahil para sa akin kapag fit and healthy ka katumbas nito ay isang malusog at mahabang buhay sa bawat mamamayang Pilipino.
Bilang chair ng Senate Committee on Sports, patuloy akong nagsusulong ng mga sports-related programs, projects, at initiatives sa bansa para masuportahan ang estratehiyang ito. Isa na rito ang National Academy of Sports na ating iniakda at naging co-sponsor sa Senado at naisabatas sa ilalim ng administrasyong Duterte. Ito ay itinayo sa New Clark City, Capas, Tarlac at nagbibigay ng specialized secondary education program na nakatuon sa sports para sa ating mga aspiring athletes. Wala po silang masasakripisyo dito. Makakapag-aral sila habang nagti-training.
At alinsunod sa ating adbokasiya, nakasama ko nitong September 17, ang ilang kabataang lumalahok sa Philippine ROTC Games matapos akong imbitahan bilang guest speaker sa opening ceremony ng Luzon Qualifying Leg sa Cavite State University, Indang Campus sa Indang, Cavite. Kasama si Senator Francis Tolentino, Philippine Sports Commission Chair Richard Bachmann, Commission on Higher Education Chair Prospero de Vera III, at iba pang opisyal, hinikayat namin ang mga kabataan na ipamalas ang kanilang pagmamahal sa bayan sa pamamagitan ng ROTC, makilahok sa sports, at lumayo sa bisyo tulad ng droga.
Noong Setyembre 18, dumalo naman tayo sa send-off ceremony sa Philippine International Convention Center sa Pasay City para sa ating mga atletang lalahok sa 19th Asian Games at 4th Asian Para-Games sa Hangzhou City, China. Sa aking mensahe, inihayag ko ang aking patuloy na suporta sa mga atleta sa kanilang darating na mga kompetisyon. Naniniwala ako na ang tagumpay nila ay tagumpay din ng bawat Pilipino kaya nararapat lamang natin silang suportahan.
Samantala, habang nagsusulong tayo ng mga inisyatiba kontra ilegal na droga, patuloy din ako at ang aking opisina sa pakikisalamuha sa ating mga kababayan at namamahagi ng tulong sa mga pinakanangangailangan nito.
Noong September 16, dumalo tayo sa groundbreaking ng Super Health Center sa Manolo Fortich, Bukidnon. Bumisita rin tayo sa bayan ng Damulog, kung saan nagkaroon tayo ng inspeksyon ng mga proyektong sinusuportahan ko doon, tulad ng isang trading center, road concreting project, evacuation center, solar street lights, at isang multipurpose building.
Dinaluhan din natin ang ika-25 anibersaryo ng Philippine National Police Public Safety Basic Recruit Course (PSBRC) Class 1998-Alpha sa Acacia Hotel sa Davao City.
Nagbigay rin ng tulong ang aking opisina sa 65 biktima ng sunog sa Bacolod City, Negros Occidental; at 98 sa Cebu City. Nagbigay din tayo ng tulong sa 75 TESDA graduates sa Victorias City, Negros Occidental.
Ang laban natin kontra sa ilegal na droga ay hindi lamang tungkol sa pagtulong natin sa mga nawawala sa tamang landas, kundi sa pagbuo ng isang lipunan na mas ligtas, mas maayos, at makatarungan para sa lahat.
Sa laban na ito, walang iwanan. Sa laban na ito, walang susuko. Sa laban na ito, tanging ang pagkakaisa, pagmamalasakit, at pagtutulungan ang magdadala sa atin sa tagumpay tungo sa mas magandang kinabukasan para sa ating mga anak.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.