ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | October 11, 2023
Madalas kong sabihin na napakaimportante sa akin na walang magugutom na Pilipino.
Kaya naman sa harap ng patuloy na pagtaas ng presyo at lumalaking gastusin ng ating mga kababayan, nanawagan tayo sa Department of Trade and Industry, Department of Social Welfare and Development at Department of Health na tutukan ang mga isyung ito na may malaking epekto sa kabuhayan at kalusugan ng ating mga kababayan.
Ang ating panawagan ay kasunod ng resulta ng lumabas na survey na nagpapakita kung gaano na nahihirapan ang mga pamilyang Pilipino sa kasalukuyan.
Batay sa isinagawang survey ng Pulse Asia mula September 10-14, 2023, ang 95% ng pamilyang Pilipino ay nadagdagan ang ginagastos para sa kanilang pagkain sa nakalipas na tatlong buwan.
Gayunpaman, kahit lumaki ang kanilang nagagastos, ang 53% ng mga pamilyang ito ay napilitan pang magtipid sa kanilang pagkain.
Kaya ang pakiusap ko sa mga ahensya ng ating pamahalaan, unahin natin ang kapakanan ng mga mahihirap. Huwag nating kaliligtaan ang ating mga minimum wage earners. Ang bawat piso ay napakahalaga para sa kanila.
Ang apela ko sa DTI na dapat ay nasa unahan sila ng ating pagprotekta sa ordinaryong consumers. Kailangan ng agarang interventions para hindi malubhang tumaas ang presyo ng mga bilihin. I-monitor ang mga presyo ng mga produkto at serbisyo at maglatag ng mga hakbang para mapagaan ang epekto nito sa buhay ng mga mahihirap nating kababayan.
Umapela rin tayo sa DSWD na ipagpatuloy at mas palawakin pa ang kanilang mga programa na tumutulong sa kuwalipikadong mahihirap na pamilya at biktima ng iba’t ibang krisis na makaraos ang mga ito sa pamamagitan ng agarang tulong pinansyal.
Sabi ko nga sa DSWD, nand’yan naman ang pera at mga programa na aprubado ng Kongreso kaya dapat ay gamitin para mapakinabangan ng higit na nangangailangan.
Wala dapat pinipiling tulungan. Basta gamitin nang maayos at tama ang pondo para sa mga mahihirap, hopeless, helpless at walang malalapitan maliban sa pamahalaan.
Bilang chair ng Senate Committee on Health, umapela rin tayo sa DOH na tutukan ang nutrisyon ng ating mga kababayan lalo ngayong nagtitipid ang maraming Pilipino sa pagkain. Ayokong nakokompromiso ang aspeto ng nutrisyon. Naniniwala ako na ang kalusugan ng bawat Pilipino ay mahalaga dahil katumbas nito ay isang malusog at masaganang buhay.
Sa parte ko, sinuportahan natin ang mga panukalang budget at programa para sa 2024 ng DTI, DSWD at DOH noong natalakay ito sa budget hearings sa Senado. Basta lang makabenepisyo sana ang mga ito sa mga pinakanangangailangan.
Patuloy rin tayo sa ating misyon na ilapit ang serbisyo at tulong mula sa gobyerno sa iba’t ibang sektor na nahaharap sa krisis at hirap.
Noong October 7 ay nasa Cebu City tayo para mamahagi ng pagkain sa mga pasyenteng pumipila sa Malasakit Center sa loob ng Cebu City Medical Center. Pinangunahan din natin ang pamamahagi ng tulong sa 72 pamilyang nasunugan sa Bgy. Tejero.
Matapos ito ay bumiyahe tayo sa Aklan at sinaksihan ang groundbreaking ng itatayong Balete Super Health Center. Binisita rin natin ang itinatayong evacuation center sa Bgy. Fulgencio na ating sinulong na mapondohan. Dumiretso tayo sa Makato at namahagi ng tulong sa 900 indigents at sa 600 na biktima ng bagyo. Sinaksihan din natin ang pagsisimula Sto. Niño Ati-Atihan Festival sa Kalibo. Nakasama natin sina Cong. Ted Haresco, Governor Joen Miraflores, Vice Governor Reynaldo Quimpo, Kalibo Mayor Juris Sucro, Balete Mayor Dexter Calizo, Ibajay Mayor Miguel Miraflores at iba pang mga lokal na opisyal.
Nagkaloob naman ang aking tanggapan ng tulong para sa 685 mahihirap na residente ng Cebu City; 563 na naging biktima ng sunog sa Zamboanga City; 37 sa Cagayan de Oro City; at sa 174 sa Caloocan City.
Nasa Sultan Kudarat naman tayo noong October 9 at sinaksihan ang groundbreaking ng itatayong Esperanza Super Health Center kasama si Mayor Charles Ploteña at iba pang local officials. Nag-inspekyon din tayo sa kinonkretong Junctional National Highway mula Barangay Saliao hanggang Purok Masagana na natulungang mapondohan sa ating pamamagitan.
Nagpapasalamat tayo sa pamahalaang panlalawigan ng Sultan Kudarat sa pamumuno ni Governor Datu Pax Ali Mangudadatu na sa bisa ng isang resolusyon ng Sangguniang Panlalawigan na kanilang ipinasa ay idineklara tayo bilang “adopted son” ng probinsya.
Isa itong malaking karangalan na nais kong masuklian sa pamamagitan ng aking pagseserbisyo.
Dumiretso naman tayo sa North Cotabato at sinaksihan ang ribbon cutting ceremony ng itinayong Makilala Public Market. Natulungang mapondohan din ito sa ating pamamagitan.
Sinaksihan din natin ang turnover ceremony ng kanilang New Municipal Hall — na ating sinulong na mapondohan noon. Personal din nating pinangunahan ang pamamahagi ng ayuda sa 481 mahihirap na residente sa lugar kasama sila Governor Lala Taliño-Mendoza, Mayor Armando Quibod at iba pang mga opisyal.
Binisita rin natin ang ating mga sundalong miyembro ng 39th Infantry Battalion 10ID sa Bgy. Poblacion at sinaksihan ang ceremonial turnover ng ipinagkaloob nating 485 pail of goodies at ilang mga bola. Dinaluhan din natin ang PNPA Sinaglaya Class 2002 Oath Taking na ginanap sa Orange Grove Hotel, Buhangin, Davao City noong gabing iyon.
Masaya ko ring ibinabalita na sa araw na iyon ay nagkaroon na ng groundbreaking para sa itatayong Super Health Centers sa Claveria, Misamis Oriental at Albuera, Leyte.
Kahapon, October 10, ay dumalo tayo sa ginanap na 5th National Convention of the Public Attorney’s Office Rank and File Employees, sa imbitasyon ni PAO Chief Atty. Persida Acosta.
Ito na ang ikalawang pagkilala sa akin ng PAO. Sabi ko nga, with or without award ay magseserbisyo ako sa aking mga kapwa Pilipino.
Samantala, kasabay ang pamamahagi ng ayuda pambili ng materyales sa bahay ng National Housing Authority ay namigay rin ng dagdag na tulong ang aking opisina sa pitong benepisyaryo sa Gingoog City, Misamis Oriental.
Nagkaloob din tayo ng dagdag na tulong sa 190 displaced workers sa Silay City, Negros Occidental, at sa 120 sa Lebak, Sultan Kudarat. Ang mga benepisyaryong ito ay natulungan rin ng Department of Labor and Employment upang mabigyan ng pansamantalang trabaho.
Gaano man kahirap ang sitwasyon, dapat gawing prayoridad nating mga nasa gobyerno ang kapakanan ng mga mahihirap nating kababayan. Bawat hakbang ay mahalaga mula sa pagbantay sa mga presyo ng bilihin, pagkakaloob ng sapat na tulong at pagtiyak na mayroon silang tamang nutrisyon. Huwag nating kalilimutan na ang katatagan ng isang bansa ay nakasalalay sa kalusugan ng mamamayan.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.