ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | November 8, 2023
Noong November 4 ay tinanggap na ng Senado ang House Bill No. 8980, o ang General Appropriations Bill for 2024 mula sa House of Representatives.
Ngayong linggo ay sisimulan nang talakayin sa plenaryo ang 2024 national budget na nagkakahalaga ng halos anim na trilyong piso. Sa halagang ito, mainam na suriin saan planong gamitin ang pondo upang masigurong magkakaroon ng benepisyo ang taumbayan at walang masasayang ni piso sa paggamit nito.
Sa parte ko, lalo na bilang Chair ng Senate committees on Health at on Sports at Vice Chair ng Senate Committee on Finance, suportado natin ang panukalang budget para sa susunod na taon.
Dapat ay gawing prayoridad ang mga programang makatutulong sa mga mahihirap, hopeless, helpless at walang malalapitan maliban sa pamahalaan, at ang mga inisyatiba para mas mapaganda pa ang paghahatid ng serbisyong pangkalusugan at sports sa buong bansa lalo na sa malalayong lugar.
Gusto kong bigyang-diin na ang prayoridad ko ay ang mga programang makatutulong sa mga mahihirap at tiyakin na walang Pilipino na magugutom. Magtutulungan kami ng mga kapwa ko mambabatas na ilapit ang serbisyo medikal at ang iba pang serbisyo ng gobyerno sa ating mga kababayan. Huwag na nating hintayin na sila pa ang lalapit sa atin para magmakaawang humingi ng tulong. Sino ba naman ang magtutulungan kundi tayo na kapwa natin Pilipino? Ang mga walang-wala na umaasa sa gobyerno ang dapat nating unahin na maramdaman ang mga programa na ating inilaan para sa kanila.
Pagdating sa kalusugan, isusulong ko kung ano ang makakabuti sa ating healthcare system gaya ng pagtiyak na ang ating healthcare workers ay nakatatanggap ng sapat na suporta mula sa gobyerno. Itong ating healthcare workers ay walang tigil sa pagtupad sa kanilang tungkulin lalo pa noong pandemya kaya labis ang ating pasasalamat sa kanilang sakripisyo. Kailangan nating mag-invest sa ating healthcare workforce, mapabuti ang ating mga pasilidad, at dagdagan ang accessibility ng ating mga kababayan sa mga essential medicines at primary care upang hindi na lumubha ang kanilang mga karamdaman.
Dapat ding mapalakas ang implementasyon ng Universal Health Care Act (UHC) na nagkakaloob ng abot-kaya at de-kalidad na serbisyong pangkalusugan. Tiwala ako na mas magagampanan ng ating healthcare workers ang kanilang trabaho kung maayos na naipatutupad ang mga batas pangkalusugan. Kaya mahalaga na tiyakin na ang mga layunin ng UHC ay naisasakatuparan.
Isa rin sa ating mahalagang inisyatiba ang Senate Bill No. (SBN) 427, o ang Barangay Health Workers Compensation Bill. Kung maisabatas, layunin nito na magkaloob ng tamang kumpensasyon at mga benepisyo sa BHWs lalo pa at may mahalagang papel silang ginagampanan sa paghahatid ng primary healthcare services sa kanilang komunidad.
Isinumite rin natin sa Senado ang SBN 191, o ang Advanced Nursing Education bill, na naglalayon na mas mapalawak pa ang kaalaman at kakayahan ng ating nursing professionals kung maisabatas.
Sa pamamagitan ng pag-i-invest sa advanced nursing education, makatitiyak tayo sa mas mataas na pamantayan sa pangangalaga at kahandaan sakaling may sumulpot na panibagong krisis pangkalusugan.
Kung sakaling maihain ang panukalang Salary Standardization Law 6 (SSL 6) at masigurong may sapat na pondo para rito ay susuportahan ko ito para mas maitaas ang suweldo ng mga manggagawa sa gobyerno kabilang ang mga medical professionals na nagtatrabaho sa public sector. Isa po tayo sa may-akda at co-sponsor ng naunang Salary Standardization Law 5 (SSL 5).
Kaisa ako ng gobyerno sa paghahangad na mapagkalooban ng panibagong dagdag na sahod ang mga nasa public sector kabilang ang ating healthcare workers.
Titiyakin din natin ang patuloy na operasyon ng Malasakit Center sa mga kuwalipikadong ospital ng pamahalaan sa buong bansa. Isa ito sa ating itinaguyod noon para mapabilis ang pagkakaloob ng medical assistance sa mga pasyente dahil nasa iisang bubong na ang mga ahensya ng pamahalaan na kanilang lalapitan at hindi na sila magpapalipat-lipat pa. Batas na ito sa pamamagitan ng Republic Act No. 11463, na tayo ang principal author at sponsor. Sa kasalukuyan ay mayroon ng 159 Malasakit Centers, at batay sa datos ng DOH ay nakapaghatid na ng tulong sa mahigit pitong milyon na pasyenteng benepisyaryo.
Tuluy-tuloy rin ang ating pagsulong sa pagpapatayo ng mga Super Health Center, na isa rin sa ating mga inisyatiba, para maihatid ang pangunahing serbisyong medikal sa mga liblib na lugar.
Kabilang sa mga serbisyong hatid nito ang database management, out-patient, birthing, isolation, diagnostic (laboratory: X-Ray, ultrasound), pharmacy, at ambulatory surgical unit. Nagkakaloob din ito ng eye, ear, nose, and throat (EENT) service; oncology centers; physical therapy and rehabilitation center; at telemedicine kung saan puwedeng magpakonsulta ang pasyente sa pamamagitan ng pagtawag sa telepono. Sa pangunguna ng DOH at sa tulong ng mga kapwa ko mambabatas, napondohan ang pagpapatayo ng 307 SHCs noong 2022, at 322 ngayong 2023. Sana ay madagdagan pa ito.
Samantala, patuloy rin tayo sa ating mga gawain bilang lingkod bayan. Kahapon, November 7, ay dumalo tayo sa 36th Founding Anniversary ng Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) sa Century Park Hotel Manila para magbigay ng keynote speech bilang pagsuporta sa mga programang pangkalusugan at sa ating health workers.
Nagkaloob naman ng tulong ang aking tanggapan para sa 87 mahihirap na residente ng Brgy. Baliwasan, Zamboanga City, at sa 63 naging biktima ng insidente ng sunog sa Brgy. Ilaya, Las Piñas.
Naalalayan din natin ang 36 na maliliit na negosyante ng Puerto Princesa City, Palawan.
Nagbigay tayo ng dagdag na suporta sa kanila bukod sa livelihood kits mula Department of Trade and Industry sa programa nilang ating isinulong noon.
Nagbigay rin tayo ng dagdag na tulong sa 153 na manggagawa sa San Juan City katuwang ang tanggapan ni Congresswoman Belle Zamora, bukod sa pansamantalang trabaho na ibinigay ng Department of Labor and Employment.
Sa lahat ng ating pagsisikap na makapaghatid ng serbisyo ay malinaw ang ating adhikain — ibalik sa mga tao ang pera ng gobyerno at wala dapat pinipiling tulungan lalo na pagdating sa mga pinakanangangailangan. Tiyakin natin na walang magugutom na Pilipino, at siguraduhin na nararamdaman ng ating mga kababayan ang mga programa ng pamahalaan.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.