ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | Nov. 20, 2024
Ang ating pambansang bayani at isa sa aking mga idolo na si Dr. Jose P. Rizal ang nagsabing “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan.”
Kaya bilang chairman ng Senate Committee on Youth, prayoridad ko ang edukasyon ng ating mga kabataan na pundasyon ng kanilang mga pangarap. Ito ang susi sa kanilang magandang kinabukasan.
Ito rin ang mensahe ko nang maghatid ako ng tulong sa mga scholars sa University of Perpetual Help System Dalta-Calamba noong November 15: “Mag-aral nang mabuti dahil kayo ang susunod na lider ng bansa.” Nanawagan din ako ng pagkakaisa at pakikipagtulungan upang maisulong ang mga inisyatiba para sa kabataan.
Para maipagpatuloy ng mga kabataan — lalo na ng mga mahihirap — ang kanilang pag-aaral, sinusuportahan natin ang scholarship programs ng gobyerno. Tumutugon ito sa misyon natin na mapagkalooban sila ng inclusive and quality education.
Sa ating adhikain na mas maraming kabataan at estudyante ang matulungan, tayo rin ang isa sa mga may-akda at co-sponsor ng Republic Act No. 11510, na nag-institutionalize sa Alternative Learning System (ALS) para mas mapaganda ang paghahatid ng basic education sa mga pinakamahihirap na estudyante at higit na nangangailangan. Nariyan din ang RA 11984, o ang “No Permit, No Exam Prohibition Act”, na nagbabawal sa mga educational institutions na tanggihan ang mga estudyanteng may pagkakautang na makakuha ng pagsusulit.
Isinulong din natin ang RA 12006, o ang “Free College Entrance Examinations Act”, kung saan hindi na kailangang singilin ng entrance exam fees ng mga pribadong kolehiyo at unibersidad ang mga kuwalipikadong estudyanteng nangunguna sa kanilang klase. Para naman sa mga guro sa pampublikong paaralan, nariyan ang RA 11997, o ang “Kabalikat sa Pagtuturo Act,” na nagtaas sa kanilang teaching supply allowances.
Isa rin ako sa co-author at co-sponsor ng Senate Bill No. 1360 na kung maisabatas ay naglalayon na mapalawak ang sakop ng subsidiya para sa tertiary education sa pamamagitan ng pag-amyenda sa RA 10931, o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act, na naisabatas noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Co-author at co-sponsor din tayo ng SBN 1864, o ang Student Loan Payment Moratorium During Disasters and Emergencies Act, para naman mabigyan ng palugit ang mga estudyanteng may pagkakautang pero hindi makabayad dahil tinamaan ng kalamidad at iba pang sakuna kung maisabatas.
Isinusulong din natin sa Senado ang pagpasa ng SBN 1786, na nag-aatas sa mga pampublikong Higher Education Institutions (HEIs) na magkaroon ng Mental Health Offices sa kanilang campus. Kaugnay ito ng ating adhikain bilang chairperson ng Senate Committee on Health na ang mental health ay dapat bigyan ng sapat na atensyon tulad ng inilalaan natin sa physical health.
At bilang chairperson ng Senate Committee on Sports, payo ko sa mga kabataan ay: “Get into sports and stay away from illegal drugs to keep us healthy and fit!” Matagumpay nating naisulong ang National Academy of Sports sa New Clark City, Capas, Tarlac bilang isa sa mga may-akda at co-sponsor ng RA 11470. Sa NAS, mapagsasabay ng student-athlete ang pag-aaral at pag-eensayo ng walang masasakripisyo.
Principal sponsor at author naman tayo ng SBN 2514, o ang panukalang Philippine National Games (PNG) Act, na naglalayong ma-institutionalize ang isang national sports program para makatuklas ng mga kabataang atleta mula sa mga kanayunan kung maisabatas.
Bilang vice chair ng Senate Finance Committee, isinusulong ko rin ngayon ang dagdag na pondo para sa youth programs upang matulungan ang mga kabataan na magtagumpay sa larangang kanilang pinili at mabigyan ng oportunidad na makapagserbisyo rin sa kapwa.
Samantala, bumisita tayo sa Cagayan de Oro City at pinangunahan ang feeding initiative para sa mga pasyente at staff ng Northern Mindanao Medical Center noong November 16. Kasabay nito ang palugaw at pagbibigay ng tulong ng aking Malasakit Team sa mga pasyente sa JR Borja General Hospital.
Binalikan natin at binigyan ng tulong ang 116 residente na naapektuhan ng kalamidad sa Brgy. Puntod, Cagayan de Oro City noong November 16. Nakatanggap din sila ng emergency housing assistance mula sa NHA na ating isinulong para may pambili sila ng materyales na pampaayos ng kanilang tahanan. Sinaksihan din natin ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa Brgy. Kauswagan sa CDO pa rin.
Sa araw ding iyon, dumalo ang aking opisina sa ginaganap na sportsfest sa MSU sa General Santos City. Ang pagdaraos ng naturang palaro ay nasuportahan natin kasama ang Philippine Sports Commission.
Sinaksihan din ng aking opisina noong November 16 ang sportsfest sa Pamantasan ng Lungsod ng Muntinlupa na sinuportahan namin ng PSC. Dumalo rin tayo sa ginanap na SK Basketball and Volleyball League sa Basista, Pangasinan na proyekto ni SK Chair Irra Parazo.
Sa imbitasyon ni Mayor Bernie Palencia, sinaksihan ng aking opisina noong November 18 ang ginanap na South Cotabato Provincial Athletic Association Meet sa Polomolok, South Cotabato.
Kahapon, November 19, personal nating pinangunahan ang pagbibigay ng tulong sa 203 maliliit na negosyante sa Tondo, Maynila na sa ating inisyatiba ay nakatanggap din ng livelihood kits mula sa DTI. Pinangunahan din ng ating tanggapan ang pamamahagi ng tulong para sa 800 mahihirap sa Tanjay City, Negros Oriental na sa ating inisyatiba ay nabigyan ng tulong pinansyal katuwang si Mayor Jose Orlino.
Naging panauhin din tayo sa ginanap na Gawad Pilipino Lingkod Bayan Awards sa paanyaya ni President Dr. Danilo Mangahas. Nagpapasalamat tayo sa ipinagkaloob nila sa atin na parangal bilang isa sa mga Outstanding Senator. With or without award, patuloy lang akong magseserbisyo sa aking mga kapwa Pilipino.
Hindi rin tumitigil ang aking Malasakit Team sa pagbibigay tulong sa ating mga kababayan. Naalalayan natin ang 27 pamilyang nabiktima ng sunog sa Brgy. Tumaga, Zamboanga City.
Sa ating pakikipagkapit-bisig sa DOLE, nabigyan ng tulong at pansamantalang trabaho ang 110 displaced workers sa Isulan, Sultan Kudarat katuwang natin si Mayor Marites Pallasigue.
Nag-abot din tayo ng tulong sa ginanap na Patient Convention: Peace Tayo sa NKTI katuwang si Executive Director Dr. Rose Marie Liquette.
Bilang inyong Mr. Malasakit, patuloy akong magseserbisyo sa mga kapwa ko Pilipino sa abot ng aking makakaya dahil bisyo ko ang magserbisyo, at ako ay naniniwala na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.