ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | November 29, 2023
Napakaimportante para sa akin lalo na sa panahon ngayon na mas mapalakas at mapaganda ang mga pangkalusugang pasilidad sa buong bansa lalo na sa malalayong komunidad.
Nakita naman natin ang naging epekto ng pandemya sa ating bansa. Nabulaga tayo dahil hindi naman natin inaasahan na darating ang ganitong pandaigdigang krisis sa ating buhay. Nahirapan ang ating mga healthcare worker, nagsiksikan ang mga pasyente sa mga ospital, at kinulang tayo sa mga kagamitan at pasilidad.
Gaya ng madalas kong sabihin bilang chair ng Senate Committee on Health, dapat tayong mag-invest sa ating healthcare system para maging mas handa tayo sa anumang krisis pangkalusugan. Tandaan natin na ang maayos na kalusugan ay katumbas ng mas ligtas at masaganang buhay para sa bawat Pilipino sa ating komunidad.
Hindi lang natin pinalalakas ang ating healthcare system, kundi inilalapit din natin mismo sa mga tao ang mga serbisyong medikal ng gobyerno. Sa 18th Congress ay naging principal sponsor tayo ng 69 na batas para sa pagpapaayos o pagpapatayo ng mga pampublikong ospital sa ating bansa.
Bilang vice chair ng Senate Committee on Finance naman, isinulong natin na mapondohan ang pagpapalawak pa ng mga pasilidad pangkalusugan sa iba’t ibang sulok ng bansa. Isa rito ang rehabilitasyon ng Sorsogon Provincial Hospital na ating binisita noong November 24. Mas pinalaki, pinaganda at nabigyan ng mga bagong medical equipment ang ospital dahil sa pondong ating isinulong noon. Itinayo rin doon ang Sorsogon Cancer Treatment Center na atin ding isinulong noon at binisita noong araw na iyon.
Sa pamamagitan naman ng Republic Act (RA) 11463 o ang Malasakit Centers Act of 2019 na tayo ang principal author at sponsor, itinatatag ang Malasakit Center sa mga ospital na nasa ilalim ng Department of Health at iba pang kuwalipikadong pampublikong ospital. Isa itong one-stop shop kung saan pinagsama-sama na sa iisang bubong ang mga ahensya ng pamahalaan na nilalapitan ng ating mga kababayan kapag humihingi ng tulong pangmedikal sa pamahalaan.
Ang target ng Malasakit Center ay matulungan ng DSWD, DOH, PhilHealth at PCSO ang hospital bill ng pasyente. Kaya huwag kayong mahihiyang lumapit sa Malasakit Center dahil para sa inyo iyan.
Sa ngayon ay mayroon na tayong 159 Malasakit Centers sa buong Pilipinas, at batay sa datos ng DOH ay humigit-kumulang na 10 milyong benepisyaryo na ang nakinabang sa programang ito -- at patuloy pa sana itong madagdagan.
Sa suporta naman ng aking mga kapwa mambabatas, ng local government units at ng DOH, isinusulong din natin ang pagpapatayo ng mga Super Health Center sa buong bansa. Sa Super Health Center, inilalapit natin ang primary care, makakapagpakonsulta sa doktor ang mga may karamdaman, at maagang matutuklasan kung ano ang kanyang sakit para maiwasan ang tuluyang paglala nito. Noong 2022 ay napondohan ang pagpapatayo para sa 307 Super Health Centers, at 322 naman ngayong taon sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Isa rin tayo sa may akda at principal sponsor sa Senado ng RA 11959, o ang Regional Specialty Centers Act. Layunin nito na magtayo ng Regional Specialty Centers sa mga existing DOH regional hospitals. Ang mga specialty hospitals gaya ng Philippine Heart Center, Lung Center of the Philippines, Children’s Hospital at ang National Kidney and Transplant Institute ay karamihan ay nasa Metro Manila.
Ang mga pasyenteng taga-probinsya ay kinakailangan pang lumuwas para magpagamot. Dagdag pa sa iisipin nila ang pamasahe at kung saan sila tutuloy, gayundin ang gastusin sa araw-araw habang nasa siyudad. Ngayon, inilapit na natin ito sa kanila. Kung ano ang serbisyo, kakayahan, at kagamitan na mayroon sa mga specialty center sa Metro Manila, gayundin sana ang maipagkakaloob ng mga regional specialty center na itatayo sa bawat rehiyon sa pamamagitan ng batas na ito.
Bukod sa serbisyong pangkalusugan, patuloy rin nating inilalapit sa tao ang iba pang serbisyo at tulong mula sa gobyerno lalo na para sa mga komunidad na apektado ng krisis at sakuna. Basta kaya ng aking katawan at panahon, nais kong bumaba sa mga komunidad para makasama ang aking mga kababayan at tumulong sa abot ng aking makakaya.
Dumalo tayo noong November 25 sa ginanap na 95th National Assembly of the League of Vice Governors of the Philippines (LVGP) sa Pasay City sa paanyaya ni Vice Governor Katherine Agapay, ang kanilang national president. Magkaiba man kami ng posisyon sa gobyerno, nagpahayag ako ng aking suporta sa aming iisang hangarin na makapagserbisyo sa kanilang mga nasasakupan. Pinaalalahanan ko ang mga kapwa ko lingkod bayan na huwag pababayaan ang ating mga kababayan lalo na ang mga mahihirap.
Masaya ko ring ibinabalita na kahapon, November 28, ay nagkaroon na ng soft opening ang New Public Market Building sa Pili, Camarines Sur. Ang naturang proyekto ay isinulong nating mapondohan noon.
Nakarating naman ang aking opisina sa iba’t ibang lugar para alalayan ang mga komunidad na nangangailangan. Nagbigay kami ng tulong sa 49 residente ng Brgy. Calarian, Zamboanga City na naging biktima ng sunog kamakailan.
Nagbigay rin kami ng dagdag na tulong at suporta sa 300 mahihirap na residente ng Sarangani katuwang si Governor Ruel Pacquiao, bukod sa livelihood grants na natanggap nila mula sa DSWD.
May 650 na benepisyaryo rin sa Calapan City, Oriental Mindoro na ating tinulungan katuwang si Councilor Atty. Jelina Magcusi.
Naabutan din namin ng dagdag na tulong ang mga maliliit na negosyante gaya ng 20 sa Calasiao, Pangasinan kasama si Mayor Kevin Macanlalay. Nakatanggap din sila ng livelihood kits mula sa DTI mula sa programa nilang ating isinulong noon.
Patuloy nating ilapit ang mga serbisyo ng gobyerno sa mga Pilipino lalo na sa higit na nangangailangan ng tulong. Huwag nating pabayaan ang mga mahihirap nating mga kababayan na walang ibang malalapitan maliban sa pamahalaan. Bilang inyong lingkod-bayan, patuloy kong ipaglalaban ang kalusugan, kapakanan at kaligtasan ng bawat Pilipino sa abot ng aking makakaya.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.