ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | December 13, 2023
Bahagi ng ating layunin bilang chair ng Senate Committee on Health na mapalakas ang ating healthcare system at mapaganda ang kalagayan ng ating mga healthcare workers — kabilang dito ang mga nasa sektor ng medical technology.
Noong simula ng Disyembre ay isinumite natin sa Senado ang Senate Bill No. (SBN) 2503, o ang magiging “Philippine Medical Technology Act of 2023”. Kung maisabatas, layunin nito na mas makasabay ang ating medical technologists sa global practices and standards ng kanilang larangan, maisulong ang kanilang kapakanan, at ma-update ang mga kasalukuyang umiiral na batas na ilang dekada nang nand’yan, partikular ang Republic Acts No. 5527 at 6138, gayundin ang Presidential Decrees No. 498 at 1534 na gumagabay sa sistema ng medical technology sa ating bansa.
Sa ginanap na 59th Annual Convention of the Philippine Association of Medical Technologists Inc. (PAMET) noong December 5 kung saan naimbitahan tayo bilang panauhing pandangal kasama si Sen. JV Ejercito, binigyang-diin natin na napakaimportante na kilalanin ang napakahalagang papel na ginagampanan ng medical technologists. Malapit sila sa puso ko dahil sa malaking ambag ng mga MedTechs sa paglaban natin sa mga sakit at hamon sa kalusugan ng ating mga mamamayan.
Ibinahagi ko sa kanila na ang SBN 2503 ay naglalayong sagutin ang kanilang mga hinaing na ipinarating nila sa aking tanggapan. Kabilang dito ang pagkakaroon ng mas komprehensibong paglilinaw kung anu-ano ang sakop ng trabaho ng medical technologists gaya ng iba’t ibang laboratory procedures and techniques, gayundin ang pagtuturo at pamamahala sa mga estudyante sa mga educational institutions na nag-o-offer ng Medical Technology courses.
Mahalagang bahagi ng SBN 2503 ang panukala na mapataas ang kanilang suweldo, madagdagan ang mga benepisyo, at naproteksyunan sila laban sa mga banta na kasama sa kanilang trabaho.
Dapat din ay magkaroon sila ng maayos na lugar sa kanilang pagganap sa kanilang tungkulin, at magkaroon ng oportunidad para sa kanilang professional growth. Hangad din ng ating panukala ang pagtatatag ng Professional Regulatory Board of Medical Technology, sa ilalim ng pangangasiwa ng Professional Regulation Commission.
Sa mga MedTechs, bukas palagi ang aming opisina para pakinggan kayo at hingin ang inyong mga opinyon upang masiguro na makakabenepisyo kayo sa anumang batas na aming ipapasa para sa inyo.
Patuloy nating itinataas ang pamantayan sa medical practice sa ating bansa. Bukod sa SBN 2503, isinumite rin natin ang SBN 191, o ang “Advanced Nursing Education Act of 2022,” na layuning maparami ang educational opportunities para sa ating nurses, at matiyak na taglay nila ang mga skills at kaalaman para matugunan nila ang pangangailangan ng ating healthcare sector.
Samantala, tuluy-tuloy ang ating pagseserbisyo para sa iba’t ibang sektor sa buong bansa upang matulungan ang ating mga kababayan lalo na ang mga mahihirap sa abot ng aking makakaya.
Pinangunahan natin ang panunumpa ng bagong class officers ng Public Safety Officers Senior Executive Course (PSOSEC) Class 2023-07 noong December 9 sa Davao City. Ipinaalala ko na buo ang aking suporta sa ating kapulisan, kasundaluhan at iba pang uniformed personnel na nangangalaga sa kaligtasan ng ating bansa.
Nasa Oriental Mindoro naman tayo noong December 10 at dumalo tayo sa ginanap na Araw ng Pasasalamat sa Calapan City, kung saan opisyal na idineklara tayo bilang Adopted Son ng lalawigan. Nagpapasalamat tayo kay Governor Bonz Dolor, Vice Governor Ejay Falcon, sa Sangguniang Panlalawigan, mga alkalde, bise-alkalde, mga konsehal, barangay captains, at SK officials. Isang malaking karangalan po ito para sa akin na maging inyong kalalawigan. Naroon din si Senator Win Gatchalian na ginawaran din ng pagkilala bilang Adopted Son din ng lalawigan. Matapos nito ay personal kong sinaksihan ang inagurasyon ng itinayong Super Health Center sa Bansud kasama sina Mayor Ronnie Morada at Vice Mayor Rico Tolentino. Mahigit 600 na Super Health Centers ang napondohan sa sa taong 2022 at 2023, sa tulong ng aking mga kapwa mambabatas, DOH at LGUs, para mailapit ang pangunahing serbisyo medikal sa taumbayan lalo na sa mga liblib na lugar.Nakarating naman ang aking Malasakit Team para maghatid ng tulong sa iba’t ibang komunidad. Naayudahan natin ang 99 na biktima ng insidente ng sunog sa Brgy. 732 at Brgy. 739 sa Malate, Maynila. Natulungan din ang 1,000 mahihirap na residente sa Hermosa, Bataan.Nabigyan din ang 25 na naapektuhan ng bagyong Paeng sa Malapatan, Sarangani Province, bukod pa ang natanggap din na housing assistance na mula sa NHA sa pamamagitan ng programang ating isinulong noon para makabili ng pako, yero at iba pang materyales na pampaayos ng bahay ang mga biktima ng sakuna.Nagbigay rin tayo ng dagdag suporta at tulong sa mga nawalan ng hanapbuhay gaya ng 177 sa Hermosa, Bataan katuwang si Board Member Tony Roman; 196 sa Ronda, Cebu kasama si Mayor Terence Blanco; 278 sa Pontevedra kasama si Mayor Joemar Alonso at sa Bago City kasama si Vice Governor Jeffrey Ferrer sa Negros Occidental; 513 sa Roxas City, at 250 sa Pilar, mga lugar sa Capiz katuwang si Governor Fredenil "Oto" Castro. Nabigyan din ang mga ito ng pansamantalang trabaho mula sa DOLE.Naayudahan din ang 200 hog owners and raisers sa Tangalan, Aklan na ang negosyo ay naapektuhan ng African Swine Flu, katuwang si Governor Joen Miraflores; 70 miyembro ng Guindulman Women’s Association for Progress and Advancement sa Guindulman, Bohol kasama ang kanilang presidente na si Marivic Golosino; 50 miyembro ng iba’t ibang asosasyon sa Kalinga katuwang si Governor James Edduba; at 30 miyembro ng iba’t ibang sektor sa boli, South Cotabato kasama si Councilor Swain de Groot. Nakatanggap din ang mga benepisyaryo ng hiwalay na tulong pangkabuhayan mula sa gobyerno.Nakapag-abot din tayo ng dagdag na pamaskong handog para sa ilang residente ng Quezon City, katuwang si Councilor Mikey Belmonte.Ngayong panahon ng Kapaskuhan, bigyan natin ng dagdag na importansya ang pagmamalasakit sa kapwa. Pangalagaan din natin ang ating kalusugan upang masigurong ligtas ang ating pamilya at komunidad. Higit sa lahat, isapuso natin ang diwa ng Pasko sa pamamagitan ng pagtulong sa kapwa sa abot ng ating makakaya, dahil ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.