ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | December 27, 2023
Sa nalalapit na pagtatapos ng isa na namang masayang panahon ng Kapaskuhan, nais kong ipahayag ang aking taos-pusong pasasalamat sa bawat Pilipinong patuloy na nagpapakita ng malasakit at pagkakaisa sa kabila ng mga pagsubok na ating hinaharap.
Ang Pasko ay sumasalamin sa ating kultura na puno ng pagmamahal, pag-asa, at kasiyahan. Sa bawat handaan, awitan, at palitan ng regalo, tandaan natin ang tunay na diwa ng panahong ito sa pamamagitan ng ating serbisyo, pagtulong at pagmamalasakit sa isa’t isa.
Isa pang inaantabayanan sa panahon ngayon ay ang Metro Manila Film Festival (MMFF).
Bilang miyembro ng Executive Committee ng MMFF mula 2019, ineengganyo ko ang kapwa Pilipino na tangkilikin ang sariling atin lalo na pagdating sa sining at kultura. Ang MMFF ay hindi lamang isang tradisyon tuwing panahong ito, kundi isang mahalagang bahagi ng ating industriya ng pelikula na nagbibigay daan sa pagpapakita ng husay, talento, at malikhaing galing ng mga Pilipino.
Ang bawat pelikula sa MMFF ay sumasalamin sa ating mga karanasan, kasaysayan, at mga pangarap. Bukod sa pagpapasaya sa pamilya, ang mga ito ay nagbibigay inspirasyon at nag-uugnay sa atin sa pamamagitan ng sining. Ang suporta natin sa MMFF ay hindi lamang suporta sa mga artista at filmmakers, kundi pati na rin sa pagpapalaganap ng ating kultura at pagpapalakas ng ating lokal na ekonomiya.
Sa panahon ngayon, higit kailanman, mahalaga ang ating suporta sa lokal na industriya ng pelikula.
Ang pandemya ay nagdulot ng malaking hamon sa ating industriya. Ngunit sa ating pagtangkilik, maipapakita natin ang ating kakayahan na muling bumangon at lumago.
Ang bawat ticket na ating binibili ay isang pamumuhunan sa kinabukasan ng ating sining at kultura.
Sa aking kapasidad naman bilang isang senador at miyembro ng Senate Committee on Public Information, aking isinusulong ang Senate Bill No. 1183, o ang “Media and Entertainment Workers Welfare Act”. Kung maisabatas, ang komprehensibong panukalang ito ay naglalayong magbigay ng pinahusay na proteksyon, seguridad, at mga insentibo para sa media workers sa bansa, anumang platform silang nabibilang.
Kasama sa panukalang batas ang mga probisyon para sa karagdagang coverage ng health insurance, overtime at night differential pay, hazard pay, at iba pang benepisyo para pangalagaan ang mga karapatan at kapakanan ng ating media workers.
Kamakailan rin lamang ay ini-sponsor sa plenaryo ng Senado ang “Eddie Garcia bill” bilang pagkilala sa yumaong aktor at bilang pagsuporta sa mga movie at television industry workers. Bilang co-author nito, suportado natin ang hangarin ng panukala.
Ngunit mahalaga rin lang na mapakinggan ang boses ng mga producer sa industriya pagdating sa magiging final version ng panukalang batas. Importante na bumalik ang sigla ng industriya at protektado ang mga manggagawa nito.
Habang tayo ay papalapit sa pagtatapos ng taon, nawa’y manatili ang ating pagmamahal at suporta para sa ating mga lokal na artista at kanilang mga obra. Sa pagtangkilik natin sa MMFF, ipinapakita natin ang ating pagpapahalaga sa ating pagkakakilanlan bilang mga Pilipino.
Nais ko ring gamitin ang pagkakataong ito upang hikayatin ang bawat isa na patuloy na magpakita ng pagmamalasakit sa kapwa lalo na sa mga higit na nangangailangan. Ipakita natin ito hindi lang sa Pasko kundi sa ating araw-araw na pamumuhay.
Samantala, sa gitna ng Kapaskuhan, hindi tayo tumigil na makisalamuha sa ating mga kababayan upang kahit papaano ay makapagdala ng tulong sa kanila sa abot ng ating makakaya at makapag-iwan ng ngiti sa kanilang pagdiriwang ngayong taon.
Noong December 23, nagtungo tayo sa Lupon, Davao Oriental para daluhan ang isang Christmas celebration na inorganisa para sa ating mga barangay health workers doon kasama ang ibang mga local officials ng Davao Oriental. Sa aking mensahe sa kanila, binigyan diin natin ang kahalagahan ng mga kanilang papel noong nakaraang pandemya at sa patuloy na pagtataguyod sa kalusugan ng bawat Pilipino.
Sa naturang event, namahagi tayo ng ilang regalo para sa 483 na barangay health workers na dumalo. Ipinahayag ko na isinusulong natin ang Senate Bill No. 427, o ang BHW Compensation Act, na naglalayong magbigay ng monthly honorarium sa ating mga barangay health workers at dagdag na benepisyo bilang suporta sa kanila.
Dumalo rin ang ilang barangay officials mula sa limang munisipalidad ng ikalawang distrito ng Davao Oriental. Ibinalita rin natin sa kanila na patuloy nating isusulong ang Senate Bill No. 197, o ang Magna Carta for Barangay, na naglalayong magbigay ng karampatang suporta at benepisyo sa kanila bilang sukli sa kanilang serbisyo sa komunidad kung maisabatas.
Napadaan din tayo sa Rizal Park sa may Davao City Hall kamakailan at nakilala natin ang ilang mga photographers sa lungsod. Nakakabilib dahil nakilala natin ang isa sa pinakamatandang photographer na si Felomino Gamboa, 96, na hanggang ngayon ay naghahanapbuhay pa rin. Namahagi rin tayo ng mga grocery packs sa kanila pang Noche Buena.
Muli, isang maligayang Pasko at mapagpalang Bagong Taon sa ating lahat. Maraming salamat sa inyong walang-sawang suporta at pagmamahal. Sa ating patuloy na pagkakaisa at pagtutulungan, naniniwala ako na makakamit natin ang isang ligtas, masagana at maunlad na bansang ating inaasam.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.