ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | February 7, 2024
Naniniwala ako na ang edukasyon ay isa sa mga susi para sa magandang bukas. Sa panahon ngayon, napakaimportante na patuloy tayong matuto para makaagapay sa mabilis na mga pagbabago sa mundo at hamon na ating hinaharap.
Ang mga estudyante ay may mahalagang papel sa paghubog sa kinabukasan ng ating bayan. Lagi kong ipinapayo sa kanila na gamitin nila ang mga natutunan upang magdala ng positibong pagbabago, hindi lamang sa kanilang sarili, kundi pati na rin sa buhay ng iba. Gaya ng sinabi ng aking idolong si Dr. Jose Rizal, nasa kabataan ang pag-asa ng bayan.
Noong February 5, naging panauhing pandangal tayo sa Scholars’ Recognition Day sa University of Perpetual Help System DALTA sa Calamba City, Laguna. Sa aking inisyatiba, nabigyan ng scholarship ang 118 estudyante mula sa Tulong Dunong Program ng Commission on Higher Education.
Pinuri natin ang mga scholar sa kanilang dedikasyon at pagpupursige. Hindi lamang ito bunga ng kanilang sariling pagsusumikap, kundi pati na rin ng kanilang mga pamilya, guro at komunidad na patuloy na sumusuporta sa kanilang paglalakbay. Huwag din nilang kalimutang pasalamatan ang mga magulang na halos nagpapakamatay magtrabaho mapaaral lang sila.
Bilang senador at isang magulang din, lagi akong nakahanda na magbigay ng suporta sa mga kabataan sa abot ng aking makakaya lalo na pagdating sa kanilang pag-aaral.
Tandaan natin na sa bawat iskolar na makakapagtapos, isang buong pamilya ang nabibigyan natin ng pag-asang makaahon sa kahirapan.
Noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, naisabatas ang RA 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act. Napakalaking tulong nito na magkaroon ng libreng tuition sa local universities and colleges at sa mga state-run technical vocational institution. Pero hindi rito nagtatapos ang ating nagkakaisang layunin na mapaunlad ang bawat Pilipino sa pamamagitan ng edukasyon. Naging co-sponsor at co-author din ako nitong 19th Congress ng Senate Bill No. 1360 para mapalawak ang sakop ng Tertiary Education Subsidy sa pamamagitan ng pag-amyenda sa RA 10931.
Naging co-author at co-sponsor tayo ng Senate Bill 1359, o ang No Permit, No Exam Prohibition Act. Layunin nito na ihinto ang polisiya ng ilang educational institutions na nagbabawal sa mga estudyante na makakuha ng exams kung hindi pa nakabayad ng matrikula at iba pang school fees dahil sa kanilang kahirapan. Kung maisabatas, mabibigyan sila ng palugit upang makaraos sa paraang hindi naman malulugi ang mga eskuwelahan.
Co-author at co-sponsor din tayo ng Senate Bill No. 1864 o ang Student Loan Payment Moratorium During Disasters and Emergencies Act, na pumasa sa ikatlo at pinal na pagbasa sa Senado. Layunin nito na magkaloob ng tulong sa mga estudyanteng may pagkakautang sa school at hindi agad makabayad sanhi ng hindi inaasahang kalamidad o sakuna, kung naisabatas.
Co-author din tayo ng RA 11510 na nagsabatas sa Alternative Learning System (ALS) para mapagkalooban ng edukasyon ang “underserved and disadvantaged students” kabilang ang indigenous students, at maging ang may physical and learning disabilities.
Tayo rin ang co-sponsor at isa sa author ng batas na nagbuo ng National Academy of Sports. Sa NAS, puwede nang mag-aral ang estudyanteng atleta at mag-training nang walang masasakripisyo dahil sabay na niya itong magagawa sa loob ng eskuwelahan na nasa New Clark City sa Capas, Tarlac. At bilang chair ng Committees on Health, and on Sports, isa sa ating layunin ang ilayo ang mga kabataan sa ilegal na droga. Get into sports, stay away from drugs and to keep us healthy and fit. Kapag tayo ay fit and healthy, hahaba ang ating buhay.
Samantala, matapos nating magkaloob ng tulong sa mga scholar ay nag-inspeksyon tayo sa Calamba City Super Health Center na layuning ilapit ang primary healthcare sa komunidad na ating prayoridad bilang chair ng Senate Health Committee. Namahagi tayo ng tulong sa mga barangay health worker at mga residente sa lugar.
Noong February 3, naging panauhing pandangal tayo sa ginanap na 1st Warden’s Rapid Chess Tournament sa Abreeza Mall sa Davao City.
Kahapon, February 6, dinaluhan natin ang Access to Medicines (AtM) Summit 2.0 sa Maynila. Inilahad ko ang aking layunin na ilapit ang serbisyo medikal sa mga mahihirap at patuloy ang ating pagsisikap para mabigyan ng sapat at abot-kayang medisina ang mga nangangailangan.
Sinaksihan ng ating tanggapan ang paglulunsad ng Cancer Warrior PH Campaign sa National Kidney and Transplant Institute sa Quezon City. Inihayag ko na patuloy tayo sa pagpapalawak ng mga programa para sa cancer patients. Isa na rito ang pagsusulong ng sapat na pondo para sa Cancer Assistance Fund at ang pagtataguyod ng specialty centers sa bawat rehiyon sa pamamagitan ng Regional Specialty Centers Act na ating pangunahing inisponsor at isa sa may akda sa Senado na ganap na batas na ngayon.
Naghatid ng tulong ang aking Malasakit Team sa mga kababayang nahaharap sa iba’t ibang krisis. Agad nating tinulungan ang mga biktima ng sunog, kabilang ang 15 residente ng Lupon, Davao Oriental; at tatlo pa sa Purok 63, Talomo Proper, Davao City.
Tinulungan din natin ang 50 mahihirap na miyembro ng iba’t ibang sector, na nabigyan ng tulong pangkabuhayan ng gobyerno sa General Santos City kasama si Vice Mayor Rosalita Nuñez. Natulungan din ang 450 manggagawa sa Zamboanga City na nawalan ng hanapbuhay at napagkalooban ng DOLE ng pansamantalang trabaho. Naalalayan din ang ilang mahihirap na residente ng Quezon City katuwang si Councilor Mikey Belmonte.
Muli, sama-sama nating tulungan at magmalasakit tayo sa mga kapwa Pilipino.
Pahalagahan at proteksyunan natin ang kinabukasan ng ating mga anak. Bigyan natin sila ng pag-asa gamit ang edukasyon. Isa lang ang maipapayo ko at natutunan ko ito kay ex-P-Duterte: Mahalin natin ang ating kapwa Pilipino, unahin natin ang kapakanan nila at hinding-hindi tayo magkakamali.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.