ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | February 17, 2024
Sa pormal na paglulunsad ng Cancer Warrior PH Campaign noong February 6 ay tumanggap tayo ng pagkilala bilang isang “cancer warrior.”
Ang inisyatibang ito na pinangunahan ng GeneLab PH at suportado ng iba’t ibang sektor ay naglalayon na itaas ang kamalayan at isulong ang early detection ng sakit na kanser sa buong bansa.
Bilang Chair ng Senate Committee on Health, pinagtitibay natin ang ating paninindigan na hindi tayo basta-basta magpapatalo sa kanser. Simbolo ito ng ating pagkakaisa at determinasyong magbigay ng mas mataas na kalidad ng buhay sa bawat Pilipino.
Nakatuon ito sa pagpapalawak ng edukasyon sa kanser at pagpapahusay ng mga pamamaraan sa screening ng ganitong sakit.
Kaugnay nito, naging panauhing pandangal rin tayo sa ika-5 anibersaryo ng National Integrated Cancer Control Act (NICCA) noong February 15 sa SMX Convention sa Lanang, Davao City kung saan inilunsad ang Philippine Integrated Cancer Control Strategic Framework para sa taong 2024 hanggang 2028. Sa aking talumpati, binanggit ko na ang Republic Act 11215 o ang NICCA Law ay isa sa landmark legislations ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kung paano malalabanan ang sakit na kanser.
Ang kanser ay isang salot sa ating lipunan na nagdudulot ng matinding pasakit, hindi lamang sa mga pasyente, kundi pati na rin sa kanilang mga pamilya at mahal sa buhay.
Isa ito sa mga pinakamapanganib na sakit. At ang kanser sa katawan ay kanser rin sa bulsa ng sinumang Pilipino, kasama ang mayayaman at lalo na sa mga mahihirap. Kaya sa nakalipas na limang taon ay sinubukan nating gawing mas accessible ang mga serbisyong pangkalusugan lalo na sa paglunas sa kanser sa pamamagitan ng Cancer Medicine Access Program para maging mas abot-kaya ang pagpapagamot.
Pinagtibay din natin ang Cancer Assistance Fund na naglalayong palawakin ang saklaw ng tulong pinansyal para sa pangangailangan ng ating mga kababayang may kanser.
Pero marami pa tayong dapat gawin, lalo na ang paghahatid ng dekalidad na serbisyong medikal sa malalayong lugar at sa mahihirap nating kababayan. Mahalaga ang pag-i-invest sa kalusugan, at masiguro na ang mga mahihirap ang pinakamakikinabang.
Madalas kasi, nagdadalawang-isip silang magpa-check-up o magpagamot dahil sa gastos. Kaya importante na ilapit sa kanila ang serbisyong pangkalusugan na abot-kaya kung hindi man libre. Ito ang pinakadahilan kaya lagi kong isinusulong ang dagdag na budget para sa National Integrated Cancer Control Program. Noong 2021 at 2023, nakapagdagdag tayo ng P500 milyon para sa programang ito. Ngayong 2024, naaprubahan ang P1.25 bilyon para sa Cancer Assistance Fund na makatutulong para sa mga kailangang gamot ng mga pasyenteng may kanser.
Patuloy din tayo sa pagsusulong ng mga programa at inisyatiba na ang layunin ay gawing mas accessible ang healthcare services gaya ng Malasakit Centers na ating isinulong sa ilalim ng Republic Act 11463 na ating pangunahing inisponsor at iniakda sa Senado. Sa ngayon, may 159 operational Malasakit Centers na sa buong bansa at natulungan na ang halos 10 milyon nating kababayan ayon sa datos ng DOH.
Sa pakikipagtulungan ng aking mga kapwa mambabatas, ng DOH sa pamumuno ni Sec. Ted Herbosa at ng LGUs, naisulong natin na mapondohan ang pagpapatayo ng mahigit 700 Super Health Center sa buong bansa, lalo na sa malalayong komunidad. Ito ay para mapalakas ang primary care, pagkonsulta, at early disease detection sa mga pamayanan.
Tayo rin ang principal sponsor at isa sa may akda ng RA 11959, o ang Regional Specialty Centers Act. Layunin nito na magpatayo ng specialty centers sa mga piling ospital ng DOH sa buong bansa.
Sa pamamagitan ng Regional Specialty Centers, maraming Pilipinong may sakit, kabilang na ang mga may kanser na nasa probinsya ang mapagkakalooban ng specialized treatment nang hindi na kinakailangan pang lumuwas sa Maynila.
May cancer center na rin sa Southern Philippines Medical Center sa Davao City. Isa lang ito sa ating pagsisikap na mapaganda pa ang serbisyong pangkalusugan sa Mindanao.
Nasuportahan natin ang pagtatayo ng 300-bed infectious disease building at ng ambulansyang kumpleto sa equipment para sa SPMC.
Masaya ko namang ibinabalita na nagkaroon na ng groundbreaking ang itatayong Super Health Center sa Ipil, Zamboanga Sibugay noong February 14, gayundin sa Dumingag, Zamboanga Del Sur na parehong dinaluhan ng aking tanggapan.
Matapos ang ating partisipasyon sa NICCA 5th Anniversary noong February 15 ay binisita natin ang Malasakit Center Building 1 and 2 sa SPMC. Nagpakain tayo ng lugaw sa mga pasyente at frontliners ng ospital. Sinabi ko sa kanila na prayoridad natin ang proteksyunan ang kanilang kalusugan dahil katumbas ito ng buhay ng bawat Pilipino.
Sinaksihan natin ang inagurasyon ng Cardiac Catheterization Laboratory I sa paanyaya ni SPMC Chief Dr. Ricardo Audan. Hindi na kailangang bumiyahe ng mga pasyente sa Philippine Heart Center sa Maynila dahil kumpleto na ang CatLab dito at mayroon na ngayong kapasidad ang SPMC na mag-opera sa puso o magpa-angiogram ang mga pasyente.
Dumalo rin tayo sa 4th Provincial Indigenous People Mandatory Representative Assembly ng Surigao del Sur Chapter na ginanap sa Royal Mandaya Hotel sa Davao City sa imbitasyon ni Provincial Board Member Jimmy Guinsod.
Kahapon, February 16, ay dumalo rin tayo sa 17th Mindanao Development Authority Board of Directors Meeting. Bilang miyembro ng MinDA board, palagi kong isusulong ang kapakanan ng aking kapwa Mindanaoans.
Sumama rin ang aking tanggapan sa inagurasyon ng Betwagan Bridge sa Sadanga, Mountain Province kasama si Mayor Engr. Adolf Ganggangan. Ang naturang proyekto ay tinulungan nating maisulong at mapondohan noon.Natulungan din ng Malasakit Team ang mga nasunugan sa Pasay City kabilang ang 68 residente ng Brgy. 96 at 35 sa Brgy. 184.
Nabigyan ng tulong ang mga taga-Negros Occidental na ang mga bahay ay naapektuhan ng Bagyong Egay, gaya ng 38 residente ng Pontevedra, 294 sa Don Salvador Benedicto, at 30 sa Cadiz City. Nakatanggap din ang mga ito ng tulong mula sa NHA sa ilalim ng programang aking sinimulan noon para may pambili ng pako, yero, semento at iba pang materyales ang mga benepisyaryo sa pag-aayos ng kanilang tahanan.
Nagkaloob tayo ng tulong sa mahihirap na estudyante ng Zamboanga del Sur at nabenepisyuhan ang 400 sa Dumingag at 1,530 sa Pagadian City. Natulungan din ang 100 TESDA graduates sa Danao City, Cebu katuwang ang Call Center Academy.
Bilang inyong Mr. Malasakit, naniniwala ako na sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos at dedikasyon, mas maraming Pilipino ang maililigtas sa iba’t ibang sakit kabilang ang kanser. Patuloy tayong magtulungan para sa mas ligtas, malusog at masaganang Pilipinas. Tutulong ako sa abot ng aking makakaya dahil bisyo ko ang magserbisyo sa inyong lahat.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.