ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | Nov. 2, 2024
Tuwing sasapit ang Undas na isa sa mahalagang okasyon ng maraming mga Pilipino, nagkakaroon tayo ng pagkakataon na pansamantalang makapagpahinga sa ating mga gawain, makapiling ang ating pamilya at maisagawa ang tunay na layunin ng tradisyon na ito — ang makapagdasal at mabisita ang puntod ng mga pumanaw nating mahal sa buhay.
Bukod dito, marami sa atin ang nagsasakripisyong umuwi ng probinsya para samantalahin din ang pagkakataong makasama ang mga kamag-anak na matagal nang hindi nakikita, mabisita ang mga kaibigan, at makapag-“recharge” bago sumabak muli sa ating mga hanapbuhay.
Anuman ang ating relihiyon o paniniwala, ngayong All Saints’ Day, ang pinakaimportante ay ang paghingi ng gabay mula sa mga santo at martir na nagsisilbing inspirasyon sa ating pananampalataya. Isapuso natin ang mga aral ng kabutihan at serbisyo na diwa ng okasyong ito. Tularan natin ang mga santo at martir bilang mga ehemplo ng pagseserbisyo at pagmamalasakit sa kapwa. Sa atin namang paggunita sa alaala ng ating mga yumao sa All Souls’ Day, gawin din nating maayos at mapayapa ang pagdiriwang bilang respeto sa sagradong okasyon.
Bilang chairperson ng Senate Committee on Health, paalala ko sa bawat isa na ingatan ang ating mga sarili habang nasa biyahe at pahalagahan ang maayos na kalusugan. Tandaan natin na ang kalusugan ay katumbas ng buhay ng bawat Pilipino.
Higit sa lahat, huwag nating kalimutan ang tunay na diwa ng mga okasyong ito kung kailan ipinapamalas natin ang ating pagmamahal at pagmamalasakit sa ating kapwa habang pinahahalagahan ang ating pananampalataya. Kaya tuluy-tuloy naman tayo sa paghahatid ng serbisyo sa abot ng ating makakaya dahil ako’y naniniwala na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Noong October 30, namahagi tayo ng dagdag na suporta para sa 23 kooperatiba na ikalawang batch mula sa NCR na nakabenepisyo sa ‘Malasakit sa Kooperatiba’ na programang ating isinulong kasama ang Cooperative Development Authority. Kaakibat natin ang mga kooperatiba tungo sa pag-unlad kaya bilang supportive legislator awardee sa ginanap na CDA Gawad Parangal 2024 noong nakaraang araw, patuloy kong susuportahan ang mga inisyatibang tulad nito.
Dumalo rin tayo sa Rising Tigers Charity Ball sa Makati City, kung saan pinarangalan tayo bilang isa sa mga Public Servants of the Year at natatanging senador na binigyan ng parangal. May award man o wala, patuloy akong magseserbisyo sa inyo sa abot ng aking makakaya dahil iyan na ang aking bisyo — ang magserbisyo!
Namahagi naman ang aking Malasakit Team ng tulong para sa 118 na nawalan ng tirahan sanhi ng kalamidad sa Brgy. Lapasan, Cagayan de Oro City. Binalikan naman natin at muling pinagkalooban ng tulong ang tatlong residenteng nawalan ng tirahan sa Tolosa, Leyte. Ang mga pamilya ay nakatanggap ng emergency housing allowance mula sa National Housing Authority sa ilalim ng programang ating isinulong para may pambili sila ng materyales sa kanilang nasirang tahanan.
Nabigyan natin ng tulong ang 45 residenteng naging biktima ng sunog sa Butuan City, Agusan del Norte. Namahagi rin tayo ng relief goods at iba pang tulong para sa mga naging biktima ng Bagyong Kristine lalo na sa Sorsogon, Albay, Catanduanes at Camarines Sur.
Natulungan din ang 400 mahihirap na residente ng Biñan City, Laguna katuwang ang kanilang Sangguniang Panlungsod at Sangguniang Panlalawigan ng Laguna.
Nagbigay din tayo ng tulong sa 56 residente ng Cagayan de Oro City na nawalan ng hanapbuhay, na sa ating pakikipagkapit-bisig sa DOLE ay nabigyan din ng pansamantalang trabaho.
Ngayong Undas — at kahit anumang okasyon o araw — sana ay maging halimbawa tayong lahat kung ano ang tunay na pagmamalasakit at pagseserbisyo sa kapwa. Patuloy tayong magdasal at isama natin sa ating mga panalangin ang mabilis na pagbangon ng ating mga kababayan na nasalanta ng mga nagdaang kalamidad.
Mga kababayan, minsan lang tayo daraan sa mundong ito. Kung anumang kabutihan o tulong na puwede nating gawin sa ating kapwa ay gawin na natin ngayon dahil hindi na tayo babalik sa mundong ito. Patuloy akong magseserbisyo sa inyo dahil bisyo ko ang magserbisyo at ako ay naniniwala na ang serbisyo sa tao ay serbisyo ‘yan sa Panginoon!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.