ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | Marso 9, 2024
Sa aking pag-iikot sa buong bansa ay nakikita ko kung gaano kahirap ang kalagayan ng mga kababayan nating nagiging biktima ng insidente ng sunog at iba pang sakuna at kalamidad. Kaya naman personal natin silang dinadaluhan at tayo mismo ang naglalapit ng ating serbisyo at tulong sa kanila nasaan man sila sa ating bansa sa abot ng ating makakaya at kapasidad. Iyan ang aking ipinangako sa inyo. Kahit saang sulok kayo ng Pilipinas, pupuntahan ko kayo basta kaya ng aking katawan at panahon.
Umabot na ako ng Batanes at Aparri hanggang Jolo, at noong March 7 ay nasa Bongao, Tawi-Tawi naman tayo at naghatid ng tulong para sa 331 residente na naging biktima ng insidente ng sunog sa kanilang lugar. Bukod sa tulong na ipinagkaloob ng ating opisina, nakatanggap din ang mga kwalipikadong benepisyaryo ng tulong mula sa National Housing Authority sa ilalim ng programang ating isinulong noon para may pambili sila ng pako, yero, semento at iba pang materyales sa pagtatayong muli ng kanilang tahanan.
Ipinaalala rin natin sa kanila, at maging sa lahat nating kababayan, na maging maingat at mapagmatyag sa mga posibleng maging sanhi ng sunog lalo ngayong Fire Prevention Month para hindi na maulit ang naganap na sakuna. Sabi ko nga, mahirap masunugan.
Sa bawat bahay na nasusunog ay damay ang kapitbahay. Gayunpaman, tandaan natin na ang gamit ay nabibili at ang pera ay kikitain natin. Pero ang perang kikitain natin ay hindi po mabibili ang buhay. A lost life is a lost life forever. Pangalagaan natin ang buhay na ibinigay sa atin ng Panginoon.
Habang nasa Tawi-Tawi ay binisita rin natin ang Malasakit Center na nasa Datu Halun Sakilan Memorial Hospital. Nagbigay tayo ng libreng lugaw sa mga pasyente at frontliners sa ospital at iba pang tulong tulad ng bisikleta at sapatos. Bilang Vice Chair ng Senate Finance Committee, naisulong rin nating mapondohan ang mga dagdag na pasilidad sa ospital noong nakaraang mga taon. Nagpapasalamat tayo sa local government sa pangunguna nina Governor Yshmael Sali, Mayor Jimuel Que at ilan pang opisyal dahil sa kanilang mainit na pagtanggap sa atin sa isla.
Matapos ito ay bumiyahe tayo sa Davao City para daluhan ang isinagawang Basic Orientation Course ng mga Barangay Newly Elected Officials ng Lupon, Davao Oriental.
Pagkatapos ay naging guest speaker tayo sa 15th Mindanao Island Conference Fellowship Dinner ng Provincial Board Members League of the Philippines na ginanap sa Dusit Thani Hotel. Iba-iba man ang aming posisyon sa gobyerno, iisa ang aming hangarin na makapaglingkod sa bayan at sa mga nangangailangan.
Personal din tayong naghatid ng tulong para sa 200 naging biktima ng insidente ng sunog sa Barangay Cupang, Muntinlupa City noong March 6. Nakatanggap din ang mga ito ng tulong mula sa NHA upang maipaayos ang kanilang mga bahay.
Kahapon, March 8, ay nasa Davao Occidental tayo at sinaksihan naman ang paglulunsad ng ika-160 Malasakit Center sa Davao Occidental General Hospital.
Personal din nating pinangunahan ang pagkakaloob ng tulong sa 220 residente ng Malita na ang kabuhayan ay naapektuhan ng bagyong Paeng. Nakatanggap din ang mga ito ng tulong mula sa national government. Dumalo rin tayo sa ginanap na Provincial Youth Summit kung saan nagsama-sama ang 105 Sangguniang Kabataan chairpersons ng Davao Occidental.
Dinaluhan rin ng aking opisina ang groundbreaking ceremony ng Super Health Center sa Brgy. San Simon, Cagayan de Oro City kung saan namahagi rin tayo ng ilang food packs para sa mga residente doon.
Ang aking Malasakit Team naman ang naghatid ng tulong para sa iba pa nating kababayan na naging biktima rin ng magkakahiwalay na insidente ng sunog gaya ng 29 residente ng Barangay Panacan, Davao City; 456 sa Brgy. 310, Sta. Cruz, Maynila; 37 sa Coron, Palawan; at 54 sa Brgy. Tinago, Cebu City. Bukod pa rito ang mga nasunugan na nakatanggap ng tulong mula sa aking opisina at sa NHA gaya ng 26 sa Butuan City; at 135 sa Brgy. Tatalon, Quezon City.
Bukod sa mga nasunugan, hindi natin kinaligtaan ang mga kababayan nating ang kabuhayan ay naapektuhan ng nakaraang mga bagyo kabilang ang halos 200 sa Jose Abad Santos, at 218 sa Don Marcelino, mga lugar sa Davao Occidental; 22 sa Tarragona, at isa sa Lupon, mga lugar sa Davao Oriental; at 32 sa Sarangani, Davao Occidental.
Nakatanggap din ang mga ito ng tulong mula sa NHA.
Natulungan din natin, kasama ang The Pioneer Group of Senior Citizens, ang 220 residente ng Brgy. 598, Sta Mesa, Maynila na nawalan ng hanapbuhay. Nabigyan din ang mga ito ng DOLE ng pansamantalang trabaho. Nagkaloob din tayo ng dagdag na tulong sa halos isang libong mahihirap na residente ng Gapan City, Nueva Ecija katuwang si Cong. GP Padiernos; at higit 5,000 sa Malabon City katuwang sina Mayor Jeannie Sandoval at Vice Mayor Ninong dela Cruz.
Sa ating paghahatid ng tulong at serbisyo sa ating mga kababayan saan mang sulok ng ating bansa sila naroroon ay inabutan din tayo ng lindol, putok ng bulkan, buhawi, bagyo, baha at sunog. Wala pong nakapipigil sa ating pagseserbisyo at pinupuntahan ng opisina ko iyan para makatulong sa abot ng aming makakaya, makapagsulong ng mga proyekto’t programang magpapaunlad sa lugar, mapakinggan ang kanilang mga hinaing, at makapag-iwan ng ngiti sa oras ng inyong pagdadalamhati.
Bisyo ko na ang magserbisyo kaya patuloy akong magseserbisyo sa inyo. Naniniwala rin ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo iyan sa Panginoon.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.