ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | April 13, 2024
Masayang-masaya ako dahil ngayong linggong ito ay nakapag-ikot tayo sa Luzon, Visayas at Mindanao para bisitahin ang mga Super Health Center sa iba’t ibang komunidad.
Ang iba ay naitayo na at ang iba naman ay sisimulan na ang pagtatayo. Isa ito sa ating mga inisyatiba bilang chair ng Senate Committee on Health, kasama ang mga kapwa ko mambabatas, lokal na mga pamahalaan, at Department of Health upang mapalakas pa ang ating healthcare system, at bahagi ng ating obligasyon na maihatid ang serbisyo medikal ng gobyerno sa mga tao kahit sa pinakamalayong lugar sa ating bansa.
Isinulong natin at ipinaglaban ang pagpopondo sa mga Super Health Center dahil alam ko kung gaano kailangan ng ating mga kababayan lalo na ang nasa malalayong lugar na mapalapit sa kanila ang serbisyong medikal ng gobyerno, kaya naman tayo na ang gumawa ng paraan upang hindi na kayo lumayo pa para magpatingin at magpagamot.
Simula nang pumutok ang pandemya, nagulantang talaga ang ating healthcare system. Hindi tayo naging handa at nahirapan tayo. Kaya naman itong mga Super Health Centers ay isang paraan para mapagaan natin ang trabaho ng ating mga ospital at mapunan ang mga pangangailangang pangkalusugan sa mga komunidad.
Sa ating pagbisita sa Bataan noong April 10, nag-inspeksyon tayo sa itinayong Super Health Center sa Hermosa, personal na sinaksihan ang turnover ceremony ng isa pa sa Samal, at dumalo sa groundbreaking ceremony ng isa ring itatayo naman sa Limay. Bukod dito, nag-inspeksyon din tayo sa itinayong Super Health Center sa Pototan, Iloilo noong April 11, at sinaksihan ang groundbreaking ng itatayo naman sa Tagoloan, Misamis Oriental noong April 12.
Samantala, marami pa rin sa ating mga kababayan ang apektado ang kabuhayan ng iba’t ibang krisis at hindi pa tuluyang nakababangon mula sa pandemya kaya kasabay ng ating mga gawain sa labas ng Senado kapag bumibisita tayo sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa ay personal din tayong naghahatid ng tulong sa kanila sa abot ng ating makakaya at kapasidad.
Habang nasa Bataan noong April 10 ay sinaksihan natin ang ribbon cutting ceremony ng bagong tayong public market sa Samal, gayundin ang groundbreaking ng itatayong sports complex sa lugar na ating sinusuportahan. Pinangunahan natin ang pamamahagi ng tulong sa 500 nawalan ng hanapbuhay sa Samal, 500 din sa Hermosa, at 500 pa sa Limay. Ang mga benepisyaryo ay nabigyan naman ng pansamantalang trabaho ng DOLE. Nagpapasalamat din ako sa mga bayan ng Samal at Hermosa sa pagdedeklara sa akin bilang adopted son. Naideklara rin akong adopted son ng Limay noong nakaraang taon.
Suportado natin ang malawak na sektor pangkalusugan kaya dumalo tayo sa ginanap na Philippine Pharmacists Association Inc. (PPHA) Annual National Convention Opening Ceremonies sa Iloilo Convention Center, Iloilo City noong April 11. Pinasalamatan natin ang mga pharmacist sa kanilang pagkakaloob sa mga Pilipino ng kanilang expertise, at sa pagpapalakas sa kakayahan ng mga Filipino pharmacists.
Nakibahagi rin tayo sa ginanap na Philippine Councilors League (PCL) Visayas Island Congress sa Iloilo City. Mensahe natin sa mga konsehal, unahin laging pagserbisyuhan ang mga mahihirap nating kababayan lalo na ang mga hopeless, helpless at walang malalapitan maliban sa pamahalaan. Hindi naman natin kinaligtaang magbigay ng tulong sa 500 residente ng Pototan, Iloilo na nawalan ng hanapbuhay, na nabigyan din ng DOLE ng pansamantalang trabaho; habang 70 naman na biktima ng Bagyong Egay ang nabigyan natin ng tulong pampaayos ng bahay katuwang ang NHA.
Tuluy-tuloy rin tayo sa pagmo-monitor ng Malasakit Centers program para matulungan ang ating mga kababayan sa kanilang hospital bills. Masaya kong ibinabalita na kahapon, April 12, sinaksihan natin ang paglulunsad ng ika-162 Malasakit Center na nasa First Misamis Oriental General Hospital sa Medina, Misamis Oriental.
Pinangunahan din natin ang pagkakaloob ng tulong sa 500 residente ng Medina na nawalan ng hanapbuhay. Nabigyan ang mga ito ng pansamantalang trabaho ng DOLE. Dumiretso tayo sa Villanueva at sinaksihan naman ang inagurasyon ng Northeastern Misamis General Hospital sa Villanueva, Misamis Oriental na ating sinuportahan na maipagawa sa paanyaya ni Cong. Bambi Emano. Matapos ito, namahagi tayo ng tulong sa 455 residente ng Villanueva na nawalan din ng hanapbuhay. Nabigyan din ang mga ito ng pansamantalang trabaho ng DOLE.
Sa abot ng ating makakaya at kapasidad, wala ring tigil ang ating pagtulong sa mga kababayan nating nagiging biktima ng mga sakuna at kalamidad. Namahagi ng tulong ang aking Malasakit Team sa mga naging biktima ng magkakahiwalay na insidente ng sunog kabilang ang 109 sa Talomo District, Davao City; anim sa Calamba City, Laguna; at 26 sa Tacloban City, Leyte.
Natulungan din ang mga naging biktima ng nakaraang mga bagyo at mga insidente ng sunog gaya ng 154 sa Zamboanga City; 56 sa Buenavista, Jordan, Nueva Valencia at San Lorenzo, mga bayan sa Guimaras; at anim sa Miagao, Iloilo. Nakatanggap din ang mga ito ng tulong mula sa NHA.
Naayudahan naman natin ang 76 na nawalan ng hanapbuhay sa Brgy. Tambo, Parañaque City katuwang si Brgy. Chairman Jenn Quizon; at 500 displaced workers mula sa Iloilo City katuwang si Mayor Jerry Treñas, kung saan nakabenepisyo rin sila sa programa mula sa DOLE.
Nakapag-abot din tayo ng tulong sa 180 mahihirap na residente ng Cateel, Davao Oriental, katuwang sina Mayor Emilio Nunez, Councilor Cynthia Steinl at Councilor Michael Rosalia; at sa 1,067 benepisyaryo sa Laur, Nueva Ecija, kasama si Congressman GP Padiernos. Nakatanggap din ang mga ito ng tulong sa national government.
Bilang inyong Mr. Malasakit, patuloy akong magseserbisyo sa abot ng aking makakaya dahil bisyo ko ang magserbisyo sa inyo. Naniniwala rin ako na ang serbisyo sa tao, serbisyo ‘yan sa Diyos. Magtulungan tayo upang mailapit ang serbisyo publiko sa mga kababayan nating higit na nangangailangan sa ating pagsisikap na walang maiwan sa pag-unlad ng ating bansa.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.