ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | April 24, 2024
Naging masigla, masaya at makabuluhan ang mga isinagawang sportsfest noong nakaraang mga linggo na isinagawa sa iba’t ibang unibersidad at rehiyon sa bansa.
Bilang chair ng Senate Committee on Sports, pinupuri natin at pinasasalamatan ang mga nasa likod ng sportsfest na idinaos sa Bulacan State University noong April 2-4, na sinundan ng Carmen Campus ng Cebu Technological University noong April 14-17, at sa University of Makati noong April 20-21. Ang pagpapalaganap ng grassroots sports development sa ating mga kabataan ay isa rin sa ating mga pangunahing adbokasiya.
Sa pamumuno ni Senator Sonny Angara, kasama si Senator Pia Cayetano at ang inyong lingkod, idinaos ang mga palarong ito sa hangaring ilapit sa mga kabataan ang sports at mailayo sila sa masasamang bisyo. Gaya ng aking laging payo, ‘get into sports, stay away from drugs to keep us healthy and fit.’
Ang sports ay hindi lamang isang paraan para manatiling maayos ang pangangatawan, ngunit ito ay mahalaga rin sa paghubog ng karakter at disiplina ng mga kabataan tungo sa pagiging produktibong mamamayan. Sa pamamagitan ng sports, natututunan natin ang kahalagahan ng teamwork, camaraderie, sportsmanship, at katatagan sa pagharap sa mga hamon ng buhay. Kaya hinihikayat natin ang bawat isa na aktibong lumahok, suportahan ang ating mga kabataang atleta, at ipakita ang tunay na diwa ng palakasan — ang pagkakaisa, integridad, at kasiyahan.
Tayo ang may-akda at nag-co-sponsor sa Senado ng Republic Act No. 11470, na nagtatag sa National Academy of Sports (NAS) sa New Clark City, Capas, Tarlac. Ang NAS ay isang government-run educational institution na nag-o-offer ng secondary education program na naka-integrate ang special sports curriculum na binuo katuwang ang Department of Education at ang Philippine Sports Commission. Ang naging layunin natin dito ay magkaloob sa ating student-athletes ng maayos na environment kung saan mapagsasabay nila ang kanilang edukasyon at sports. Walang masasakripisyo dahil habang nag-aaral sila ay nakapagsasanay rin sila. Pangarap natin ito noon para sa ating mga kabataang atleta, at naisakatuparan na ngayon.
Isinusulong din natin ang Senate Bill No. 2514, o ang panukalang Philippine National
Games Act na tayo ang isa sa may-akda at principal sponsor. Layunin nito na palawakin at ma-institutionalize ang national games kabilang ang mga inisyatiba para sa grassroot sports development upang mas mabigyan ng oportunidad ang mga atleta sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Matagumpay rin nating naisulong ang karagdagang pondo para sa PSC upang masuportahan ang paghahanda, pagsasanay at paglahok ng mga atletang Pilipino sa mga darating na international sports competitions, at epektibong maipatupad ang mga programa para lalo pang mahasa ang kakayahan ng ating mga batang atleta sa grassroots level.
Bagaman at napakainit ng panahon ngayon, tuloy tayo sa paghahatid ng serbisyo at sa iba pa nating gawain sa loob at labas ng Senado.
Guest of honor tayo noong April 20 sa orientation course ng Barangay Newly Elected Officials (BNEO) Governor Generoso, Davao Oriental sa paanyaya nina Mayor Juanito Inojales at Vice Mayor Katrina Orencia na ginanap sa Davao City. Pagkatapos ay nakasama rin tayo sa isang pagtitipon ng mga midwives sa Regional Conference ng Philippine Society of Private Midwife Clinic Owners at ng Integrated Midwives Association of the Philippines. Panauhing pandangal tayo sa ginanap na University of Mindanao Samahang Mag-aaral ng Pulitika Timon Festival 2024 sa paanyaya nina SMP President Rod Hijara at Richard Algabre. Anumang sektor ang ating nirerepresenta, iisa ang hangarin natin na mailapit sa tao ang serbisyo ng gobyerno.
Kahapon, April 23, dumalo tayo sa ginanap na Commission on Higher Education (CHED) 2nd Annual National Tertiary Sports Leaders Congress sa Quezon City sa paanyaya ni CHED Chairperson Prospero de Vera. Dito natin inilahad ang mga plano’t programa pagdating sa sports na makakabenepisyo ang mga kabataang atleta.
Masaya ko ring ibinabalita na sa araw na ito ay nagkaroon na ng turnover ng Super Health Center sa Banga, South Cotabato.
Nakarating naman ang aking Malasakit Team sa iba’t ibang komunidad sa ating bansa para mamigay ng tulong sa ating mga kababayang nahaharap sa iba’t ibang krisis.
Nabigyan natin ng tulong ang mga naging biktima ng magkakahiwalay na insidente ng sunog kabilang ang 64 na residente ng Minglanilla, Cebu; 190 sa San Juan City; at 23 sa Baguio City.
Binalikan naman natin at muling binigyan ng tulong ang mga naging biktima ng sunog gaya ng 53 mula sa iba’t ibang barangay sa Cordova, at 54 mula naman sa iba’t ibang barangay sa Talisay City sa Cebu. Ang mga ito ay nakabenepisyo rin sa programa ng National Housing Authority na ating isinulong noon at patuloy na tinutulungang maimplementa para may pambili ang mga biktima ng pako, yero, semento at iba pang materyales sa pagsasaayos ng kanilang tahanan.
Natulungan din ang 200 mahihirap na residente ng Jiabong, Samar katuwang si Mayor Julie Sereno; at 102 naman sa probinsya ng Marinduque katuwang si Vice Governor Lyn Angeles, na nakatanggap naman ng tulong mula sa national government. Maging ang 100 residenteng nawalan ng hanapbuhay sa Pulupandan, Negros Occidental katuwang si Mayor Miguel Peña ay ating sinuportahan, na dagdag sa pansamantalang trabaho na nabigay sa kanila ng DOLE.
Nakapagbigay rin tayo ng tulong sa 25 scholars sa ginanap na TESDA orientation sa Malabon City; at sa 33 newlywed couples sa isinagawang Kasalang Bayan katuwang si Quezon City Councilor Mikey Belmonte.
Minsan lang tayong dadaan sa mundong ito. Kung anong kabutihan o tulong na puwede nating gawin sa ating kapwa tao, gawin na natin ngayon dahil hindi na tayo babalik sa mundong ito. Bilang inyong Mr. Malasakit, patuloy akong magseserbisyo sa inyo sa abot ng aking makakaya dahil bisyo ko na ang magserbisyo, at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo ‘yan sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.