ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | May 25, 2024
Saan man may Pilipinong nangangailangan, gumagawa ang inyong Senator Kuya Bong Go ng paraan sa abot ng aking makakaya na mapuntahan at makapaghatid ng tulong sa ating mga kababayan. Wala nang mas nakakapawi pa ng pagod maliban sa mga ngiting isinusukli sa atin ng mga ating natutulungan.
Nakakabilib talaga ang tibay ng Pilipino. Anumang pagsubok sa buhay, kaya nating salubungin ng ngiti at halakhak. Naalala ko tuloy nang minsang nasa Cebu tayo at may isang kapwa Bisaya na lumapit sa akin. Abot-tenga ang kanyang ngiti pero napansin ko — wala na siyang ngipin! Naawa naman ako, kaya nangako akong tutulungan ko siyang magpagamot at magkapustiso.
Napasubo ako nang aking malaman na sa ilalim ng kasalukuyang mga regulasyon ng medical assistance programs ng gobyerno, hindi kabilang ang pagbibigay ng pustiso. Nakakalungkot ito. May kasabihan nga na ang ngipin ng isang tao ay mas mahalaga pa kaysa diyamante. Kaya naman kung ang bilang ng mga Pilipinong walang ngipin ang pagbabasehan, masasalamin ang estado ng pamumuhay sa bansa.
Nakakagulat malaman na pito sa bawat 10 Pilipino ay may dental health issues — katumbas ito ng 73 milyong mga kababayan natin. Naisiwalat ito ni Sen. Raffy Tulfo sa public hearing ng Senate Committee on Health na ang inyong Kuya Bong Go ang chairman.
Sa aming pagtatalakay, kabilang ang mga kabataang Pilipino sa mga hindi nakatatanggap ng angkop na dental care sa buong mundo. Base rin daw sa pag-aaral, tumataas ang tsansa na tamaan ng stroke o ibang malubhang sakit kapag hindi maganda ang oral health ng isang tao.
Isang mungkahi na natalakay sa pagdinig ng ating komite ay isama ang comprehensive dental services sa Medical Assistance for Indigent Patients (MAIP) program na pinangangasiwaan ng Department of Health para magkaloob ng tulong pinansyal sa mga pasyenteng hindi kayang magpagamot.
Nakakabahala na marami sa ating mga kababayan ang hindi nagpapakonsulta sa dentista dahil walang pambayad. Kapag masakit ang ngipin, apektado ang kabuhayan at ang gawain sa araw-araw. Kaya naman umaapela tayo sa DOH na gawing prayoridad ang komprehensibong dental care, kasama na ang pagbibigay ng pustiso, sa mga libreng serbisyong medikal na maibibigay ng gobyerno.
Kung hindi kabilang sa implementing rules and regulations ang pagkakaloob ng kahit murang pustiso, maaari sigurong ikonsidera na amyendahan ito dahil para naman sa mga mahihirap ang naturang programa.
Ang good news, kasama ang dental care sa mga serbisyong matatagpuan sa mga Super Health Centers sa iba’t ibang sulok ng bansa na ating isinulong noon at patuloy na sinusuportahang maipatayo. Sa tulong ng DOH, LGUs, at kapwa natin mambabatas, higit kumulang 700 Super Health Centers na ang napondohan sa nakaraang tatlong taon upang ilapit ang primary care, medical consultations at early disease detection sa mga komunidad.
Tandaan natin na ang kalusugan ay katumbas ng buhay ng bawat Pilipino. Alalahanin din natin na ang maayos na dental health ay susi sa matamis na ngiti na kilalang-kilala ang mga Pilipino!
Ang importansya ng serbisyong pangkalusugan ay tinalakay din natin nang maging guest of honor tayo sa annual convention ng Association of Medical Social Workers of the Philippines, Incorporated. Ginanap ang okasyon noong May 22 sa City of Manila. Pinahalagahan natin ang papel ng social workers sa paglalapit ng serbisyo ng gobyerno sa mga tao lalo na pagdating sa kalusugan.
Sa araw ding iyon ay isinagawa ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa Culasi, Antique na sinaksihan ng aking opisina kasama si Mayor Jose Lomugdang, bukod pa ang itatayo sa San Enrique, Iloilo katuwang naman si Mayor Trix Fernandez.
Noong May 23 naman, personal nating pinangunahan ang pagkakaloob ng tulong sa 1,000 residente ng Maynila na nawalan ng hanapbuhay katuwang ang tanggapan nina Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo Nieto. Ang mga kuwalipikadong benepisyaryo ay nabigyan din ng DOLE ng pansamantalang trabaho.
Binisita naman natin ang ating mga kababayan sa Lucena City, Quezon kahapon, May 24 at pinangunahan ang pagkakaloob ng tulong sa halos 2,000 mahihirap na residente, na nakatanggap din ng pinansyal na tulong sa pamamagitan ng ating pakikipagtulungan sa kanilang local government. Sinuportahan din natin ang 500 residenteng nawalan ng hanapbuhay, bukod pa ang tulong na ibinigay sa kanila ng DOLE.
Sa araw ding iyon, sinaksihan ng aking Malasakit Team ang inagurasyon ng itinayong Super Health Center sa San Jose, Romblon at ang turnover ng isa pang Super Health Center sa San Jose, Dinagat Islands.
Hindi rin tumitigil ang aking Malasakit Team sa pag-alalay sa mga kababayan nating nasunugan tulad sa Iloilo City at Banate sa Iloilo kung saan nahatiran natin ng tulong ang 42 biktima.
Tinulungan din natin ang mahihirap na residente sa iba’t ibang komunidad tulad ng 34 sa Lavezares, Northern Samar katuwang si Provincial Board Member Quintin Saludaga; 1,000 sa Cauayan, Isabela kasama si Mayor JC Dy, at 1,000 pa kaagapay naman si Vice Governor Bojie Dy; 650 sa Trece Martires City, Cavite kasama ang Sangguniang Panlungsod; at 500 sa Cabiao, at 538 sa San Isidro, Nueva Ecija katuwang si Cong. GP Padiernos.
Nagkaloob din ang aking opisina ng dagdag na suporta sa mga benepisyaryo ng programang pangkabuhayan ng gobyerno, tulad ng 50 sa Gutalac, Zamboanga del Norte kasama si Mayor Justin Quimbo; 30 sa San Francisco at 39 sa San Ricardo na mga bayan sa Southern Leyte kasama sina Governor Damian Mercado, San Ricardo Mayor Roy Salinas, at San Francisco Mayor Benedicto Tiaozon; at 28 sa Masbate katuwang sina Mayor Socrates Tuason at Provincial Board Member Allan Cos.
Hindi rin natin kinaligtaang tulungan ang mga nawalan ng hanapbuhay kabilang ang 500 sa Malabon City katuwang si Cong. Jaye Lacson Noel; at 177 sa Zambales katuwang si Cong. Bing Maniquis.
Binalikan naman natin at muling tinulungan ang 575 residente ng Zamboanga City, na nakatanggap din ng tulong sa NHA mula sa programang isinulong natin noon para may pambili ang mga benepisyaryo ng pako, yero, semento at iba pang materyales sa pagpapaayos ng kanilang tahanan.
Patuloy nating ilapit ang serbisyo ng gobyerno sa mga nangangailangan at sama-sama nating pangalagaan ang kalusugan ng bawat Pilipino.
Bisyo ko na ang magserbisyo sa inyong lahat. Kaya hanggang kaya ng aking katawan at panahon, tutulong ako sa abot ng aking makakaya upang maiahon sa hirap ang ating mga kababayan, maalalayan ang mga mahihirap na pasyente, maisulong ang mga proyekto’t programang makakapagpaunlad ng inyong komunidad, at makapag-iwan ng ngiti sa oras ng inyong pagdadalamhati.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.