ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | June 12, 2024
Sa pagdiriwang natin sa araw na ito ng ika-126 anibersaryo ng pagkadeklara ng kalayaan ng Pilipinas, napakahalagang maintindihan ng bawat Pilipino ang tunay na diwa ng Araw ng Kalayaan.
Muli nating ginugunita ang dakilang sakripisyo at pag-aalay ng buhay ng ating mga ninuno para sa kalayaan at magandang kinabukasan ng sambayanan. Ito ay sumasalamin din sa ating pagkakaisa saan man tayo naroroon.
Pero sa araw-araw nating pamumuhay sa modernong panahon, nariyan pa rin ang mga hamon para maipaglaban ang ating kalayaan at isapuso ang ating pagmamahal sa bansa at sa bawat Pilipino. Malaking pagsubok pa rin ang kahirapan, kakulangan sa trabaho, kakapusan sa kita, hindi pagkakapantay-pantay, karapatan sa malayang pagpapahayag at iba pa. Bilang isang lahi, kinakaharap din natin ngayon ang banta ng panghihimasok sa ating mga teritoryo at saklaw na karagatan.
Dahil sa mga hamong ito, dapat nating alalahanin na ang pagkakamit ng kalayaan ay nangangailangan ng paggunita sa nakaraan at patuloy na pakikipaglaban, pagkakaisa, at pagbabayanihan. Tulad ng mga bayani natin noon, sana ay patuloy nating isadiwa ang ating pagmamahal sa bayan, pagseserbisyo, at pagmamalasakit sa kapwa Pilipino sa araw-araw nating mga gawain.
Bilang chairman ng Senate Committee on Health, nais kong magbigay ng natatanging pagkilala sa lahat ng mga frontliner na nag-alay ng kanilang buhay noong panahon ng pandemya. Hanggang ngayon, nakikipaglaban pa rin sila para sa kaligtasan ng bawat Pilipino.
Nagbibigay-pugay rin ako sa ating OFWs na tinitiis na mapalayo sa kanilang mga mahal sa buhay kapalit ng magandang kinabukasan. Sumasaludo rin ako sa ating mga sundalo, pulisya at iba pang uniformed personnel na patuloy na iniaalay ang buhay para sa katatagan at kaligtasan ng bansa.
Higit sa lahat, bigyan din natin ng halaga ang sakripisyo ng bawat Pilipino na araw-araw ay patuloy na nagsisikap para sa kanilang pamilya. Kayo ang inspirasyon ko bilang Mr. Malasakit Senator Kuya Bong Go para ilapit pang lalo ang serbisyo at malasakit ng gobyerno sa ating mga kababayan lalo na ang mga pinakanangangailangan. Kaya nitong nakaraang mga araw, walang tigil ang ating pagseserbisyo sa abot ng ating makakaya.
Bilang chairman ng Senate Committee on Sports, kasama si Quezon City Councilor Mikey Belmonte ay nilahukan natin ang Mikey Belmonte Cup 2024 na ginanap sa Brgy. Payatas, Quezon City noong June 9. Naging daan tayo upang mapondohan ang naturang palaro kasama ang Philippine Sports Commission upang mai-promote ang grassroots sports development sa komunidad. Lagi kong ipinapayo sa mga kabataan: ‘get into sports, stay away from drugs, and to keep them healthy and fit.’
Binisita naman natin ang ating mga kababayan sa Pasig City noong June 10 at personal na pinangunahan ang pamamahagi ng dagdag na tulong sa 1,000 residenteng nawalan ng hanapbuhay. Nakatuwang natin dito sina Vice Mayor Dodot Jaworski at mga konsehal na sina Bel Asilo, Kiko Rustia, Eric Gonzales at Volta Delos Santos. Ang mga kuwalipikadong benepisyaryo ay mabibigyan din ng pansamantalang trabaho.
Naging guest of honor and speaker din tayo sa 51st Commencement Exercises ng Philippine Christian University-Dasmariñas Cavite branch. Idinaos ang seremonya para sa 849 graduates sa Philippine International Convention Center sa Pasay City. Dito natin inengganyo ang mga kabataan na pahalagahan ang sakripisyo ng kanilang mga magulang at guro, huwag matakot mangarap at paghirapang marating ang kanilang mga inaasam sa buhay, at higit sa lahat, gamitin ang bawat oportunidad upang makatulong sa kapwa, makapagserbisyo sa bayan, at magmalasakit sa isa’t isa. Go lang nang go tungo sa mas magandang kinabukasan dahil kayong mga kabataan ang pag-asa ng bayan!
Dinalaw naman natin kahapon, June 11, ang ating mga kababayan sa Cavite at binisita ang itinayong Super Health Center sa Imus City. Matapos ito ay pinangunahan natin ang pamamahagi ng tulong sa 2,000 benepisyaryo na binubuo ng mga barangay health workers, barangay nutrition scholars, at mga mahihirap doon. Bukod sa naipagkaloob ng aking opisina, nakatanggap din ang mga benepisyaryo ng tulong pinansyal mula sa programang ating isinulong kasama si Mayor AA Advincula. Nag-inspeksyon din tayo sa ginawang bypass road doon na ating isinulong na mapondohan noon.
Masaya ko ring ibinabalita na sa nakaraang mga araw ay sinaksihan ng aking tanggapan ang turnover ceremony ng itinayong Super Health Center sa Sta. Josefa, Agusan del Sur; gayundin ang inagurasyon ng Super Health Center sa San Jose, Tarlac na ating isinulong upang ilapit ang pangunahing serbisyo medikal sa mga komunidad.
Hindi rin tumitigil ang aking Malasakit Team sa paghahatid ng tulong sa mga komunidad tulad ng para sa 1,000 mahihirap sa Echague, Isabela katuwang si Mayor Kiko Dy; at 726 sa Dapa, Surigao del Norte kaagapay si Mayor Abeth Matugas. Ang mga benepisyaryo ay nakatanggap din ng tulong pinansyal mula sa gobyerno.
Naalalayan din natin ang 31 mahihirap na residente ng Tabaco City, Albay katuwang si Mayor Krisel Lagman-Luistro kung saan ang mga benepisyaryo ay nabigyan din ng tulong pangkabuhayan ng pamahalaan.
Naabutan din ng tulong ang 106 nawalan ng hanapbuhay sa Calapan City, Oriental Mindoro kaagapay si Mayor Malou Morillo. Kuwalipikado rin sila sa programang pansamantalang trabaho mula sa DOLE.
Naniniwala ako na ang pagmamalasakit sa kapwa ay munting paraan para panatilihing buhay ang diwa ng kalayaan at pagmamahal sa ating bansa. Patuloy akong magseserbisyo sa bawat Pilipino dahil bisyo ko ang magserbisyo, at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Nawa’y isapuso natin ang tunay na diwa ng ating kalayaan ngayong araw at ipagpatuloy natin ang ating pagmamahal at pagmamalasakit sa ating kapwa Pilipino. Unahin natin ang interes ng bayan dahil maaari nating maialay ito sa mga susunod pang henerasyon.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.