ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | June 23, 2024
Ang pinakamalaking karangalan sa buhay ng inyong Senator Kuya Bong Go ay ang pagkakataong makapagserbisyo sa kapwa Pilipino.
Ito ang paulit-ulit kong mensahe lalo na kung may mga nagpapasalamat dahil sa patuloy nating paglalapit ng serbisyo ng gobyerno sa mga may kailangan nito. Hindi ninyo kailangang magpasalamat sa akin. Sa totoo lang, ako ang dapat na magpasalamat dahil binigyan ninyo ako ng pagkakataon na magserbisyo.
Gaya ng parati kong sinasabi na itinuro rin sa akin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, “There is always a time for everything.” Naniniwala ako na ito ang panahon para mas lalong unahin ang kapakanan ng ating mga kababayan lalo na at napakaraming pagsubok ang kinakaharap ng ating bansa.
Noong isang araw, nagkasama kami muli ng ating itinuturing na Tatay Digong, at muli niyang ipinaalala sa akin ang number one advice niya mula pa noong nagsimula ako bilang assistant niya sa Davao City: “Magtrabaho ka lang at kapag inuna mo ang kapakanan ng iyong kapwa lalo na ang mga mahihirap ay hinding-hindi ka magkakamali.”
Ito ang aking isinasapuso sa aking araw-araw na paglilingkod sa kapwa. Gawin lang ang tama, gampanan ang tungkulin sa bayan, at unahin ang interes ng mga Pilipino.
Kaya patuloy akong magmamalasakit at magseserbisyo sa ating kapwa. Higit sa lahat, patuloy kong ipaglalaban ang karapatan ng bawat Pilipino. Kaya naman hindi tayo tumitigil sa ating ipinangakong paghahatid ng serbisyo sa mga kababayan nasaan man sila sa mundo sa abot ng ating makakaya.
Noong June 19, personal nating pinangunahan ang pagkakaloob ng tulong sa 3,166 mahihirap na residente sa Governor Generoso, Davao Oriental. Nakatanggap din ang mga ito ng tulong pinansyal sa ating pakikipagtulungan katuwang ang local at national government. Naging keynote speaker din tayo sa araw na iyon sa ginanap na Philippine Association of Local Government Accountants 16th Mindanao Geographical Conference sa Mati City.
Sinaksihan naman ng aking opisina ang inagurasyon ng dalawang itinayong Super Health Center sa Kidapawan City, North Cotabato upang ilapit ang pangunahing serbisyo medikal sa mga komunidad doon.
Noong Biyernes, June 21, ay naging panauhin tayo sa ginanap na Liga ng mga Barangay-Leyte Chapter Provincial Congress sa paanyaya ni Gov. Jericho Petilla at ni Liga President Ma. Martina Gimenez, na idinaos sa Pasay City. Dito natin pinahalagahan ang papel ng ating mga opisyal ng barangay sa paghahatid ng serbisyo sa mga tao.
Nakasama naman natin sa araw ding iyon ang mga atletang Pilipino na lalahok sa 2024 Paris Olympics sa isang pagtitipon na ginanap sa opisina ng Philippine Sports Commission (PSC) sa Maynila para lalo pang iangat ang kanilang kumpiyansa at magbigay ng dagdag na motibasyon. Naibigay na rin ang pangakong financial support mula sa PSC na isinulong natin bilang Senate Sports Committee Chair — P500,000 kada Olympian ang ating ipinamahagi sa kanila.
Tulad ng sabi ni Nesty Petecio on behalf ng ating Olympians, ang importante sa kanila ay ang karangalan na dinadala nila para sa bansa na higit sa anumang pinansyal na suporta o insentibo na kanilang natatanggap. ‘Yun ay hindi nabibili ng anumang halaga. Ang karangalan na ito ay habang buhay na nilang dala-dala na alay nila sa bawat Pilipino.
Kaya bilang sports enthusiast at kapwa atleta rin, buo palagi ang ating suporta sa ating mga atleta at ngayon pa lang, malaking karangalan na ang hatid nila sa ating bansa. Laban, Pilipinas! Go for gold!
Nakarating naman ang aking Malasakit Team sa iba’t ibang komunidad at umalalay sa mga kababayan nating nangangailangan ng tulong tulad sa 15 residente ng Taguig City na naging biktima ng sunog. Natulungan din natin ang mga mahihirap na residente kabilang ang 125 sa Tubod, Lanao del Norte katuwang si Vice Governor Allan Lim; 2,000 sa Gabaldon and Llanera, Nueva Ecija kasama si Cong. GP Padiernos; at 437 sa Roxas, Oriental Mindoro kaagapay si Mayor Leo Cusi.
Sumuporta rin tayo sa mga nawalan ng hanapbuhay at napagkalooban ng tulong ang 73 sa Pasay City katuwang si Councilor Tonya Cuneta; at 54 sa Iba, Zambales kasama si Board Member Rundy Ebdane. Ang mga ito ay nabigyan din ng pansamantalang trabaho sa ating pakikipag-ugnayan sa DOLE.
Minsan lang tayong daraan sa mundong ito. Kung anong kabutihan o tulong na puwede nating gawin sa ating kapwa, gawin na natin ngayon dahil hindi na tayo babalik sa mundong ito. Bilang inyong Mr. Malasakit na ang tanging bisyo ay magserbisyo, patuloy akong magtatrabaho para sa ikabubuti ng mga kapwa ko Pilipino dahil naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.