ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | July 31, 2024
Gaya ng laging sinasabi ng inyong Senator Kuya Bong Go, inilaan natin ang pagdinig kahapon, July 30, ng Senate Committee on Health, na tayo ang Chairperson, para may boses ang ating mga kababayan tungkol sa kanilang mga hinaing at matinding pangangailangang medikal.
Mga mahihirap na pasyente man o magigiting nating healthcare workers o HCW, ginagawa natin ang lahat ng ating makakaya para siguraduhing nakakarating sa kanila ang serbisyo ng gobyerno. Kaya naman maliban sa Health Emergency Allowance o HEA na marami pa ring HCWs ang naghihintay na mabigyan na, binusisi rin natin sa pagdinig kung nabibigyang prayoridad ba ang kalusugan ng mahihirap na mga Pilipino. Idiniin natin na ang pondong nakalaan para sa kalusugan ay dapat na gamitin para sa kalusugan!
Sa anunsyo ng Department of Finance na ibabalik sa national treasury ang P90 bilyon na unused o sobrang government subsidy para sa PhilHealth, simple lang ang mga tanong ng taumbayan: Tama at legal ba ang ginawa ng DOF at PhilHealth? Saan ito gagamitin? Para ba sa mahihirap o para sa projects? May kinalaman pa rin ba sa health ang paggagamitan o wala?
Legally, baka nga naman may sagot kayo o lulusot ito. Pero morally, para sa akin ay hindi ito katangap-tanggap kung hindi ito gagamitin para rin sa kalusugan.Napakasakit malaman na napakaraming pasyente natin ang naghihingalo at hindi malaman kung saan kukuha ng pambayad sa ospital, tapos sobra pala ng bilyun-bilyong piso ang pondo ng PhilHealth na hindi nagagamit?
Puwede pa sanang magamit ang pondo para mas palawakin at palakasin pa ang benefit packages ng PhilHealth. Makakatulong ito sa marami nating mga kababayan para sa kanilang dialysis benefit, mental health, at mga malalang sakit, konsulta, libreng gamot, dental services at maraming pang iba. Idagdag pa rito na marami ring ospital ang hindi pa nababayaran ng PhilHealth.
Malayo pa tayo sa pagkakamit ng full implementation ng Universal Health Care Law kung saan bawat Pilipino ay ginawang miyembro ng PhilHealth. Nanawagan tayo sa administrasyon na sana ay gamitin nang maayos ang pondo sa pagpapalawak ng mga benepisyo. At kung sobra naman ang pera ng gobyerno, baka puwedeng huwag munang mangolekta ng contributions mula sa OFWs, o huwag munang magtaas ng contributions para sa mga direct contributors na mahihirap.
To our finance managers, alam kong ginagawa lang ninyo ang trabaho ninyo. But please prioritize health! Ang kalusugan ay katumbas ng buhay ng bawat Pilipino. Aanhin natin ang pondo kung patay na ang Pilipino! Samantala, tuluy-tuloy naman ang ginagawa nating paglalapit ng serbisyo sa ating mga kababayan.
Nasa Laguna tayo noong July 29 at personal na sinaksihan ang inagurasyon ng itinayong Pila Municipal Hall na napondohan sa ating inisyatiba bilang Vice Chair ng Senate Committee on Finance.
Pinangunahan natin ang pagkakaloob ng tulong sa 500 na nawalan ng hanapbuhay kasama si Mayor Egay Ramos at DOLE. Nagpapasalamat din tayo dahil kinilala tayo bilang adopted son ng Pila.
Nakapag-abot din tayo ng tulong sa 2,500 mahihirap na residente ng Sta. Cruz katuwang si Gov. Ramil Hernandez. May tulong pinansyal tayong isinulong na naipagkaloob sa kanila mula sa lokal na pamahalaan.
Ang aking Malasakit Team ay dumalaw naman sa mga komunidad para hatiran ng tulong ang mga naging biktima ng Bagyong Carina. Namahagi tayo ng food packs, damit at iba pang tulong sa mga binaha tulad ng 100 residente ng bayan ng Magalang at dagdag na higit 1,000 pa para sa iba’t ibang bayan ng Pampanga; halos 500 sa Siniloan, Laguna; higit isang libo sa iba’t ibang mga bayan ng Bulacan; 200 sa Quezon City; at dagdag 200 pa sa Manila City at 150 sa Pasig City bukod sa natulungan na natin nang bumisita tayo noong nakaraang linggo.
Nabigyan din ang higit isang libong nabahaan sa Malabon City; 400 sa Caloocan City; 300 sa Navotas City; mahigit 1,000 din sa iba’t ibang bayan ng Rizal; 100 sa Valenzuela City; 250 sa Pasay City; higit 1,150 sa Marikina City; at 950 sa San Juan City.
Maliban sa mga naapektuhan ng bagyo, naayudahan natin ang 1,516 mahihirap na residente ng Digos City katuwang si Gov. Yvonne Cagas; at 800 sa Carranglan, Nueva Ecija kaagapay si Cong. GP Padiernos.
Binalikan din natin at binigyan ng tulong ang mga nawalan ng tahanan sa Negros Occidental kabilang ang 139 sa Valladolid, at tatlong pamilya sa La Carlota City. Nakatanggap din sila ng emergency housing assistance mula sa National Housing Authority sa ilalim ng programang ating isinulong.
Hindi natin kinaligtaan ang mga nawalan ng hanapbuhay gaya ng 181 sa La Castellana sa Negros Occidental katuwang si Mayor Mhai Nicor; 358 sa Santa Fe, Nueva Vizcaya kasama sina Vice Mayor Jonathan Tindaan, Councilor Lovely Petonio at ilang mga barangay officials; at 123 sa Castillejos, Zambales katuwang si Mayor Jeffrey Khonghun. Sa ating inisyatiba, sila ay nabigyan ng DOLE ng pansamantalang trabaho.
Inalalayan natin ang mga naging biktima ng sunog kabilang dito ang 23 sa Malabon City; 10 sa Cebu City; at 18 sa Marikina City. Nagbigay din tayo ng dagdag na tulong sa ating 79 TESDA scholars sa Lamitan City, Basilan.
Bilang inyong “Mr. Malasakit,” patuloy akong magseserbisyo sa abot ng aking makakaya dahil bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.