ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | August 10, 2024
Malaking karangalan sa bawat Pilipino ang makasaysayang double gold Olympic medal ng gymnast na si Carlos Yulo. Idagdag pa riyan ang bronze medals na iuuwi ng ating mga boksingerong sina Nesthy Petecio at Aira Villegas. Saludo ang buong bansa sa husay na ipinamalas at patuloy na ibinubuhos ng ating mga pambato sa 2024 Paris Olympics.
Umaasa ang inyong Senator Kuya Bong Go na maraming Pilipino pa ang mahihikayat ngayon na mabigyan ng importansya ang sektor ng sports at ang papel nito sa paghubog ng ating sambayanan. Bukod sa inspirasyong hatid ng ating mga atleta, puwedeng maging motibasyon sa marami ang kanilang magandang pangangatawan. Sabi ko nga lagi, “Get into sports, stay away from illegal drugs, to keep us healthy and fit!”
Konektado ang sports at kalusugan. Kaya laging tugma ang ating mga isinusulong na programa bilang chairperson ng mga Senate Committees on Health, on Sports, at pati on Youth.
Prayoridad ko ang kalusugan ng bawat Pilipino lalung-lalo na ang mga kababayan nating mahihirap at mga kabataan. Ginagawa natin ang ating makakaya para mailapit ang serbisyo medikal ng pamahalaan sa malalayong komunidad, dahil ang kalusugan ay katumbas ng buhay ng bawat Pilipino.
Kaya naman ikinatuwa natin ang pag-apruba sa ikalawang pagbasa ng Senado sa ilang local hospital bills na tayo ang pangunahing nag-sponsor. Ang pag-apruba sa mga naturang panukala ay nakatuon sa upgrading at pagpapatayo ng mga pasilidad na pangkalusugan para matugunan ang pangangailangan ng mga residente.
Kabilang dito ang pagpapatayo ng Victorias City General Hospital sa Negros Occidental; pagdadagdag ng bilang ng kama sa Teodoro B. Galagar District Hospital gayundin sa Cong. Simeon G. Toribio Memorial Hospital, parehong sa Bohol; ang paglilipat sa pagtatayuan ng St. Bernadette Children and Maternity Hospital sa San Jose del Monte City, Bulacan; at ang upgrading ng Bangui District Hospital sa Ilocos Norte, at ng Dr. Catalino Gallego Nava Provincial Hospital sa Guimaras.
Dahil sa leksyon ng pandemya, kailangan ang agaran at mabilisang pagpapatayo at pagpapalakas ng healthcare facilities ng gobyerno. Nabulaga tayo noon at nakita natin kung paano naging extension ng ward ang mga hospital corridor pati parking area. Sa ibang ospital, umabot sa 400 percent ang bed occupancy rate at pinagkasya ang mga pasyente sa iisang kama.
Hindi natin alam kung kailan muling may susulpot na krisis pangkalusugan kaya tungkulin ng pamahalaan na masolusyunan ang kakulangan sa health facilities, equipment at maging sa mga tauhan sa mga ospital.
Nananawagan tayo sa ehekutibo na gawing prayoridad ang pagpapalakas sa ating healthcare system. Tulad ng isyu sa sobrang P90 bilyong pondo ng PhilHealth na planong ibalik sa ating National Treasury, hindi katanggap-tanggap na may sobrang pondo samantalang napakaraming Pilipino ang naghihingalo at walang pambayad sa ospital.
Muling panawagan natin sa PhilHealth: taasan ang case rates, i-expand ang benefit packages, at irekomendang babaan ang kontribusyon ng mga miyembro. Ang pondo para sa kalusugan ay dapat na magamit sa mga programang pangkalusugan.
Samantala, panauhing tagapagsalita tayo sa ginanap na Universidad de Manila 26th Commencement Exercises noong August 7. Nagpapasalamat tayo sa oportunidad na makapagbigay ng inspirasyon sa 1,083 college graduates at faculty na ating binigyan din ng suporta tulad ng graduation food packs.
Bilang miyembro ng Commission on Appointments, sinuportahan din natin ang kumpirmasyon kay Sec. Sonny Angara na bagong kalihim ng Department of Education.
Nasa Cavite tayo noong August 8 at sinaksihan ang groundbreaking ceremony ng itatayong Cavite Municipal Hospital sa Maragondon, na ating sinuportahang mapondohan kasama ang lokal na pamahalaan. Pinangunahan din natin ang pamamahagi ng tulong para sa 2,500 mahihirap na residente sa lugar, na sa ating inisyatiba ay nakatanggap din ng tulong pinansyal katuwang si Mayor Lawrence Arca. Nagpapasalamat din ako sa pagdedeklara sa akin bilang adopted son ng Maragondon, bukod sa pagiging adopted son na ng CALABARZON region.
Kahapon, August 9, sinaksihan ng aking opisina ang turnover ceremony ng itinayong Super Health Center sa Lingig, Surigao del Sur.
Tuluy-tuloy din ang aking Malasakit Team sa pag-alalay sa ating mga kababayang nangangailangan ng tulong sa iba’t ibang bahagi ng bansa tulad ng mga naging biktima ng sunog kabilang ang 91 sa Mandaue City, at 41 sa Cordova, Cebu.
Namahagi rin tayo ng tulong para sa mga nawalan ng hanapbuhay katuwang ang DOLE para masuportahan ang 50 sa Taytay, Rizal katuwang si Vice Mayor Pia Cabral; 565 sa Besao, Mountain Province kasama sina Mayor Bacwaden, Vice Mayor Elizabeth Buyagan at kanilang mga konsehal; 53 sa Olongapo City, Zambales kaagapay si Councilor Gina Perez; 149 sa Naval, Biliran katuwang si Vice Governor Brigidio Caneja; 56 sa Dauis, Bohol kasama si Vice Mayor Miriam Sumaylo; at 43 sa San Isidro, Northern Samar kasama si Councilor Joel Sampayan.
Dagdag pa rito ang mga mahihirap na manggagawang ating tinulungan tulad ng 90 sa Tinglayan, Kalinga katuwang si Mayor Sacrament Gumilab; 136 sa Lamut, Ifugao kasama si VG Glenn Prudenciano; 75 sa Surigao City kaagapay si Mayor Paul Dumlao; 88 sa Orani, Bataan katuwang si Board Member Tony Roman; 153 sa Sorsogon City at Bulan, Sorsogon kasama si VG Jun Escudero; 78 sa Buluan, Maguindanao del Sur kaagapay si VM Rhamla Mangudadatu Kadalim; at 609 sa Tarragona, Davao Oriental katuwang si Mayor Sammy Uy.
Nagbigay din tayo ng tulong sa 333 mahihirap sa Davao City katuwang ang tanggapan nina Sen. Francis Tolentino at Councilor Che Justol. Natulungan din ang 605 mula sa Libungan at M’lang sa Cotabato kasama si Governor Lala Mendoza. Sa Tarragona, Davao Oriental ay 1,666 ang nakatanggap ng tulong mula sa aking opisina, dagdag pa ang tulong pinansyal na ating isinulong katuwang si Mayor Sammy Uy.
Inalalayan naman natin ang 78 maliliit na negosyante ng Iriga City, Camarines Norte na naging biktima ng sunog, at sa ating inisyatiba ay napagkalooban sila ng tulong bukod pa sa suportang pangkabuhayan ng DTI na ating isinulong.
Patuloy akong magseserbisyo sa abot ng aking makakaya upang mapangalagaan ang kalusugan at kapakanan ng mga kababayan lalo na ang mga maysakit, mga kabataan, at mga mahihirap. Bisyo ko na ang magserbisyo, at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.