ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | August 21, 2024
Binigyang parangal at kinilala natin ang naging tagumpay ng ating mga atletang Pilipino na lumahok sa 2024 Olympics at nag-uwi ng karangalan para sa ating bansa.
Bilang chairperson ng Senate Committee on Sports, noong August 19, kasama ang aking mga kapwa senador, pinagkalooban ang ating Olympians ng parangal, at ang mga medalist ay nabigyan din ng cash incentives at ng prestihiyosong Senate Medal of Excellence.
Nangunguna sa mga pinarangalan si Golden Boy Carlos Yulo para sa kanyang makasaysayang double-gold medal win sa gymnastics. Binigyang pugay rin ng Senado ang Filipino boxers na sina Nesthy Petecio at Aira Villegas na parehong nakapag-uwi ng bronze medals. Binati at pinapurihan din natin ang buong delegasyon ng Pilipinas, ang Philippine Olympic Committee, at ang Philippine Sports Commission sa kanilang pakikiisa upang makapag-uwi ng karangalan sa bansa.
Sa araw na iyon, nag-sponsor din tayo ng Senate Bill No. 2789 na naglalayon na amyendahan ang Republic Act No. 10699 upang madagdagan ang incentives ng ating para-athletes. Ang ating para-athletes ay parehas na nag-aalay din ng pagod at hirap para mabigyan ng dangal at honor ang bansa. Suportahan natin sila lalo na ang mga sasabak sa Paris Paralympics sa susunod na linggo.
Dapat lang na taasan ang suporta at incentives para sa para-athletes. Bigyan natin sila ng tamang pagpapahalaga na nararapat sa kanilang mga sakripisyo at tagumpay.
Samantala, binisita ako sa aking opisina ng ating Filipina golfer at Olympian na si Dottie Ardina upang makipagtulungan kung paano mas maisasaayos ang preparasyon at suporta para sa mga atletang sumasabak sa international competitions.
Kung matatandaan, ang ating golfers, sa kasamaang palad ay naglaro sa Paris Olympics ng walang nararapat na uniporme. Malaking bagay ang uniporme kasi nandoon ang bandila ng Pilipinas. Ito ang sumisimbolo sa bansa at sumasalamin sa sambayanang kanilang nirerepresenta.
Sabi ko sa kanya, bukas ang Senate Committee on Sports na ating pinamumunuan para sa hinaing ng ating mga atleta. Kung gusto nating maging sports powerhouse muli sa Asya ang Pilipinas, sagarin na natin ang ating suporta, hindi lang sa usapin ng pondo kundi sa lahat ng klaseng suporta na puwede nating ibigay.
Magpapatawag din tayo ng post evaluation hearing para malaman kung ano pa ang makakatulong sa ating mga atleta sa kanilang preparasyon hanggang performance, at kung paano rin makakatulong ang ibang sektor ng lipunan.
Hindi natin nais magsisihan. Ang gusto lang natin ay maibigay ang sapat na suporta sa ating mga magigiting na atleta na bitbit ang dangal ng ating bansa. Once in a lifetime lang ang mga oportunidad na ito na makasali sa Olympics at iba pang international competitions. Ibigay na natin ang buong suporta na nararapat! Go, go, go for gold!
Samantala, tuluy-tuloy pa rin tayo sa paghahatid ng serbisyo at malasakit sa ating mga kababayan. Dumalo tayo sa ginanap na Liga ng mga Barangay National Congress Cluster 2 noong August 17 na idinaos sa Pasay City. Nakiisa tayo sa 40th Anniversary ng El Shaddai at sa pagdiriwang ng ika-85 kaarawan ni Brother Mike Velarde sa Quirino Grandstand sa Manila.
Nakiisa naman tayo noong August 18 sa mga kapwa natin Dabawenyo sa pagdiriwang ng 39th Kadayawan Festival sa Davao City kasama sina Mayor Sebastian “Baste” Duterte, Vice Mayor Jay Quitain at iba pang opisyal. Dinaluhan din natin ang 58th Founding Anniversary and 37th Biennial National Convention ng Gamma Phi Omicron Fraternity and Sorority sa Davao City.
Noong August 19, binisita natin ang mga kababayan sa Meycauayan City, Bulacan at personal na pinangunahan ang pamamahagi ng suporta para sa 1,936 residente na tinamaan ng Bagyong Carina katuwang si Mayor Henry Villarica. Sa ating inisyatiba ay nakatanggap din sila ng tulong pinansyal mula sa lokal na pamahalaan. May karagdagang 564 benepisyaryo rin ang natulungan sa sumunod na araw.
Sa araw ding iyon ay sinaksihan ng aking opisina ang groundbreaking ng Super Health Center sa Anda, Pangasinan.
Kahapon, pinangunahan natin ang pagdinig ng Senate Health Committee ukol sa estado ng serbisyong pangkalusugan sa ating bansa. Idiniin natin na ang pondo para sa kalusugan ay dapat gamitin para proteksyunan ang kalusugan at buhay ng bawat Pilipino, lalo na ang mga mahihirap.
Hindi rin tumitigil ang aking Malasakit Team sa pag-alalay sa ating mga kababayang nangangailangan tulad ng 139 residente mula sa Cagayan de Oro City na naging biktima ng sunog na ating tinulungan.
Nagbigay tayo ng dagdag na suporta sa mga nawalan ng hanapbuhay bukod sa ating isinulong na pansamantalang trabaho mula gobyerno para sa 104 sa Marinduque katuwang si VG Lyn Angeles; 149 sa Borongan City, Eastern Samar kaagapay si VG Maricar Sison; 453 sa Talisay City, Negros Occidental kasama si Mayor Neil Lizares; 106 sa Dinalupihan, Bataan katuwang sina Councilor Gary David at ABC President Jose Salonga; 531 sa Cabanatuan City, Nueva Ecija katuwang si Mayor Myca Vergara; 134 sa Lumban, Laguna kaagapay sina Mayor Rolando Ubatay at VM Belen Raga; 107 sa Butuan City, Agusan del Norte kasama si Aries Myra; 1,000 sa General Santos City katuwang sina Mayor Lorelie Pacquiao; at 66 sa President Quirino, Sultan Kudarat kaagapay si VM Ian Aradanas.
Nag-abot din tayo ng tulong sa mga mahihirap na residente sa Samar, katuwang si Gov. Sharee Ann Tan tulad ng 517 sa Jiabong; 517 sa San Sebastian; 1,268 sa Villareal; at 1,089 sa Calbiga. Nabigyan din ang 500 na miyembro ng iba’t ibang sektor sa Catubig, Northern Samar katuwang si Cong. Harris Ongchuan; at 250 sa Valenzuela City kaagapay si Kagawad Michael Mayol.
Naalalayan din ang 260 kababaihan sa Banaybanay, Davao Oriental kaagapay si Cong. Nelson Dayanghirang, bukod pa ang tulong pangkabuhayan mula sa DTI na ating isinulong.
Minsan lang tayong dadaan sa mundong ito. Kaya anumang tulong ang puwede nating ibigay sa kapwa, o anumang karangalan ang puwede nating ialay sa bansa ay gawin na natin ngayon. Bilang inyong senador, patuloy akong magseserbisyo sa abot ng aking makakaya dahil bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.