top of page
Search

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | Oct. 19, 2024



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go

Hindi nagsisinungaling ang datos. Noong panahon ng panunungkulan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, 55 porsyento o halos anim sa bawat 10 barangay sa buong bansa ang naging drug-free. Resulta ito ng pagkumpiska sa lampas P76 bilyong halaga ng droga na pakalat-kalat noon sa ating mga lansangan.


Base rin sa datos, 79 porsyento o halos walo sa bawat 10 Pilipino ang sumuporta sa kampanya kontra ilegal na droga ng Duterte administration. Sa unang limang taon naman ni Pangulong Duterte sa puwesto, 76 porsyento ang ibinaba ng crime rate sa buong bansa. Bukambibig noon ng ating mga kababayan kung gaano sila kapanatag lumabas sa mga lansangan dahil alam nilang ligtas sila at ang kanilang mga anak.


Dapat lang na maipagpatuloy ang magagandang nagawa noon kung saan ang mga kriminal ang takot at tinutugis, at ang mga inosente ay nabubuhay nang tahimik.


Kaya naman noong October 17, inihain natin ang Senate Resolution No. 1217 para magsagawa ng sariling imbestigasyon ang Senado tungkol sa anti-illegal drugs campaign ni dating Pangulong Duterte.


Layunin nito na suriin ang mga polisiya laban sa droga noon at ngayon, at makagawa ng mga bagong batas na kinakailangan upang maisulong ang drug abuse prevention, mapagtibay ang law enforcement, masagip ang mga nabibiktima upang magbagong buhay, mapalakas ang rehabilitation efforts tulad ng pagtayo ng dagdag na rehab centers sa mga rehiyon, at iba pa.


Mahalaga na balikan natin ang nasabing kampanya at suriin ang mga epektibong pamamaraan na puwedeng magamit sa kasalukuyan. Titingnan din natin ang iba’t ibang alegasyon hinggil sa pagpapatupad nito dahil nais nating mapalakas ang mga mekanismo upang maiwasan ang anumang paglabag sa batas diumano sa pagtugis sa mga kriminal.


Tulad din naman ng sinabi ni dating Pangulong Duterte noon sa kapulisan: gampanan ang tungkuling proteksyunan ang buhay at kapakanan ng bawat Pilipino sa paraang naaayon sa batas. Ayaw nating mangyari na ang durugista ang muling maghasik ng lagim. Kapag bumalik ang ilegal na droga, babalik ang kriminalidad at korupsiyon sa bansa.


Bilang chairperson ng Senate Committee on Health, may masamang epekto rin ang droga sa kalusugan lalo na sa mental health. Nais nating makabuo ng mga batas para maiwasan ang paglaganap nito at mabigyan ng pagkakataon ang mga nalulong sa droga na magbagong buhay.


Magiging patas tayo sa imbestigasyong ito. Ang tanging hangarin natin ay maproteksyunan ang buhay ng bawat Pilipino, matigil ang kriminalidad at ilegal na droga, alang-alang sa kinabukasan ng mga kabataan. Bilang chairperson din ng Senate Youth Committee, ang kaligtasan ng ating mga anak ang aking prayoridad.


Ang taumbayan na ang humusga kung nakinabang ba ang Pilipino sa laban kontra droga. Katotohanan lamang ang ating hangarin dito dahil Karapatan ng taumbayan na malaman ang katotohanan.


Samantala, patuloy naman tayo sa pagseserbisyo sa ating mga kababayan. Nasa Bulacan tayo noong October 16 at nag-inspeksyon sa Super Health Center sa Guiguinto. Pinangunahan din natin ang pamamahagi ng tulong sa 1,000 mahihirap kasama si Mayor Agay Cruz. Sa ating pakikipagtulungan, nabigyan din ang mga benepisyaryo ng tulong pinansyal.


Naging panauhing tagapagsalita tayo noong October 17 sa ginanap na Philippine Society of Mechanical Engineers National Convention na idinaos sa Pasay City. Matapos ito ay personal nating sinaksihan ang Friends Rescued Deradicalization Program closing ceremony para sa 25 dating rebelde na ginanap sa kampo ng 402nd Infantry “Stingers” Brigade sa Butuan City, Agusan del Norte sa paanyaya ni Governor Angel Amante. Pinangunahan din natin ang pamamahagi ng ayuda para sa 515 maliliit na negosyante, na sa ating inisyatiba ay napagkalooban ng DTI ng tulong pangkabuhayan.


Kahapon, October 18 ay binisita natin ang ating mga kababayan sa Davao Oriental upang tulungan ang 1,500 mahihirap sa Lupon. Sa ating pakikipagtuwang sa kanilang lokal na pamahalaan ay nabigyan din sila ng tulong pinansyal. Personal tayong namahagi ng suporta para sa 500 residenteng kapos ang kinikita katuwang si Coun. Don Montojo. Ininspeksyon din natin ang Super Health Center na ating isinulong doon. Matapos ito, dumiretso tayo sa Davao City at dumalo sa ginanap na St. John Paul II College of Davao 24th Founding Anniversary.


Wala ring tigil ang aking Malasakit Team sa pag-alalay sa ating mga kababayang nangangailangan. Tumulong tayo sa 85 na nasunugan sa Brgy. 145, Pasay City.


Nabigyan din ng tulong ang 50 maliliit na negosyanteng naapektuhan ng sakuna sa Maragusan, Davao de Oro, na sa ating inisyatiba ay may tulong pangkabuhayan ding natanggap mula sa DTI.


Sinuportahan natin ang pagbangon ng mga nawalan ng tirahan sanhi ng mga sakuna na napagkalooban din ng NHA ng tulong pinansyal na ating isinulong para may pambili sila ng materyales sa pagpapaayos ng kanilang tahanan. Naging benepisyaryo ang dalawang pamilya sa Cagwait at 11 sa Lianga, Surigao del Sur; at 39 sa Butuan City.


Nag-abot din ng tulong ang aking tanggapan sa mga nawalan ng hanapbuhay, at sa pakikipagkapit-bisig natin sa DOLE ay nabigyan ang mga ito ng pansamantalang trabaho. Kabilang dito ang 296 sa San Juan, La Union katuwang si VM Mannix Ortega, at 59 pa kaagapay naman si Mayor Art Valdriz; 496 sa Kayapa, Nueva Vizcaya kasama si Mayor Elizabeth Balasya; 217 sa Tigaon, Camarines Sur katuwang si Mayor Chiqui Fuentebella; 177 sa Iba, Zambales kaagapay si Gov. Hermogenes Ebdane Jr.; 66 sa Mamburao, Occidental Mindoro kasama si Coun. Jenny Villar; 148 sa Tabaco City, Albay katuwang si VG Glenda Bongao; at 64 sa Calbayog City, Samar kaagapay si BM Nanette Sabenecio.


Sinuportahan din natin bilang chair ng Senate Sports Committee, kasama ang Philippine Sports Commission, ang sports festival sa Northwestern Mindanao State College sa Tangub City, Misamis Occidental mula October 14 to 16.


Sinaksihan naman ng aking opisina ang groundbreaking ceremony ng itatayong Super Health Center sa Calasiao, Pangasinan at ang inagurasyon ng Super Health Center sa Rizal, Nueva Ecija upang mailapit ang pangunahing serbisyong medikal sa mga komunidad.


Magtatrabaho ako para sa mga Pilipino sa abot ng aking makakaya. Bisyo ko ang magserbisyo, at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

 
 

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | Oct. 16, 2024



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go

Mula nang pumasok sa serbisyo-publiko ang inyong Senator Kuya Bong Go, may isang panuntunan ako na nagsisilbing gabay sa lahat ng mga desisyon ko sa buhay — palaging unahin ang kapakanan ng kapwa Pilipino. Payo ito sa akin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na kapag inuna mo ang interes ng bayan at ng ating mga kababayan lalo na ng mga mahihirap, hinding-hindi tayo magkakamali sa paninilbihan sa mga Pilipino.


Sa ginanap na deliberasyon noong October 14 para sa panukalang budget ng Department of Social Welfare and Development, nanawagan tayo sa mga pinuno ng departamento na siguruhing ang pondo na pantulong sa mga mahihirap, nangangailangan, at nahaharap sa krisis ay agarang makarating sa kanila.


Uulitin ko, pera iyan ng taumbayan na dapat ibigay sa mga Pilipino sa oras ng kanilang pangangailangan. Kaya nga nandiyan ang mga programa tulad ng Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS. Ibig sabihin, para sa mga naghihirap ito. Hindi naman pipila ‘yan ng napakahaba, hindi magpapainit at magpapaulan ‘yan kung hindi naman nila kailangan ‘yung tulong.


Humingi tayo ng paliwanag sa DSWD kung bakit may mga ayudang inaabot ng isang taon bago ma-validate ang listahan ng mga benepisyaryo habang sa ibang lugar naman ay agad-agad at malaking halaga ang ipinamamahagi gayung wala namang kalamidad doon. Nilinaw rin natin ang nangyari sa mga lugar tulad ng Zamboanga City kung saan ang mga opisyal at benepisyaryo mismo ay nagmakaawa pa para lang i-release ang tulong na dapat nilang makuha.


Dahil dito, iminungkahi natin sa komite na huwag munang aprubahan ang panukalang budget ng DSWD hangga’t hindi nila magagarantiyahan ang patas at makataong sistema ng pamimigay ng ayuda.


Huwag dapat pagsamantalahan ang kahinaan ng mga Pilipinong may pinagdaraanang krisis. Naghihirap na nga, pahirapan pa ang pagkuha ng ayuda. Huwag na dapat pahirapan ang mahihirap, ibigay agad ang ayuda nang walang pili, walang delay, at walang halong pulitika!


Kaya rin walang tigil ang ating pagseserbisyong may tapang at malasakit. Sa ating munting paraan bilang inyong Mr. Malasakit na ang tanging bisyo ay magserbisyo, sinisikap nating ilapit ang serbisyo ng gobyerno sa mga nangangailangan nito.


Bumisita tayo sa Davao Oriental noong October 12 at nakipagpulong sa mga lider ng San Isidro. Sinaksihan natin ang turnover ng mga ambulansya para sa Banaybanay at Governor Generoso na ating isinulong. Namahagi rin tayo ng tulong para sa 1,000 residenteng kapos ang kinikita katuwang si Mayor Angel Go.


Patuloy din ang ating pakikipagkapit-bisig sa mga lider ng iba’t ibang komunidad kaya dumalo tayo kahapon, October 15, bilang guest speaker sa ginanap na Gender and Development Seminar ng mga barangay official ng San Carlos City, Pangasinan sa imbitasyon ni Mayor Ayoy Resuello, na ginanap sa Quezon City. Matapos ito ay dumiretso tayo sa Tagaytay City para dumalo sa ginanap na PCL Northern Samar Seminar sa paanyaya ni PCL Provincial President BM Gina Silvano.


Ang aking Malasakit Team naman ay patuloy ang pag-iikot sa iba’t ibang komunidad para maghatid ng tulong. Sinaksihan namin ang inagurasyon ng itinayong Super Health Center sa Tagudin, Ilocos Sur, upang ilapit ang pangunahing serbisyong medikal sa komunidad.


Binalikan natin at muling sinuportahan ang mga nawalan ng tirahan sanhi ng iba’t ibang kalamidad sa Agusan del Norte kabilang ang 13 sa Buenavista, 13 sa Bunawan, at 31 sa Prosperidad. Tumulong tayo sa pagbangon ng dalawang pamilya sa Cagwait, Surigao del Sur at pito sa Socorro, Surigao del Norte. Nabigyan din sila ng ayuda mula sa NHA na ating isinulong para may pambili ng materyales tulad ng pako at yero na pampaayos ng kanilang tahanan.


Tuluy-tuloy din ang ating pagtulong sa mga nawalan ng hanapbuhay na sa ating pakikipagtulungan sa DOLE ay nabigyan din ng pansamantalang trabaho. Kabilang sa kanila ang 98 sa Currimao, Ilocos Norte kaagapay si Mayor Edward Quilala. Sa Sultan Kudarat, naging benepisyaryo ang 110 sa President Quirino katuwang si Mayor Maria Sandigan, at 110 din sa Esperanza kaagapay naman si Mayor Charles Ploteña.


Nahatidan din ng tulong ang 740 mahihirap sa San Vicente, Camarines Norte katuwang si Mayor Jhoana Ong, at 100 sa Padada, Davao del Sur kaagapay si Brgy. Kap. Stephanie Lanticse.


Naalalayan ang mga maliliit na negosyante sa Davao de Oro gaya ng 70 sa New Bataan, at 50 sa Nabunturan. Bukod sa ating tulong ay nakabenepisyo rin sila sa programang pangkabuhayan na ating isinulong kasama ang DTI.


Sinuportahan ko naman ang pagdaraos ng sports festival sa Bongabong, Oriental Mindoro kasama si BM Lito Camo at pati na rin sa Northwestern Mindanao State College sa Tangub City, Misamis Occidental kamakailan. Gayundin, ang Fatima Basketball League Finals sa Davao City. Bahagi ito ng ating inisyatiba bilang chairperson ng Senate Committee on Sports, at Committee on Youth na engganyuhin ang kabataan to get into sports, stay away from drugs to keep us healthy and fit!


Sa rami ng pagsubok na ating hinaharap, palagi nating isaisip at isapuso ang tunay na diwa ng pagmamalasakit at pagseserbisyo sa kapwa. Unahin natin ang kapakanan at interes ng mga mahihirap at pinakanangangailangan, at tandaan natin na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

 
 

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | Oct. 12, 2024



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go

Bilang mga lingkod-bayan, may pananagutan tayo sa taumbayan. Ang bawat aksyon at kawalan ng aksyon natin ay sumasalamin sa ating mandato na magserbisyo sa kapwa.


Ang bawat opisyal ay dapat na may isang salita dahil tiwala ng taumbayan sa gobyerno ang nakasalalay rito. Kaya naman sa nakaraang public hearing para sa panukalang budget ng Department of Health, mariin ang paalala natin sa DOH at mga attached agencies nito, gaya ng PhilHealth, na ang hinihingi ng taumbayan ay isang salita at palabra de honor. 


Iba’t ibang commitments ang inilatag ng PhilHealth kasunod ng paulit-ulit na panawagan ng inyong Senator Kuya Bong Go na mas pagandahin nito ang serbisyo at mga benepisyo. Trabaho natin na bantayan at hindi tigilan ang PhilHealth hanggang matupad ang mga pangakong nito. 


Para patunayan ang kanilang sinseridad at bago aprubahan ang budget sa kalusugan, humihingi tayo ng signed commitment letter mula sa PhilHealth na tutuparin nila ang lahat ng kanilang mga ibinahaging pangako sa mga nakaraang pagdinig ng Senate Committee on Health na tayo ang chairman. 


Kabilang sa mga repormang ito ang pagtataas sa case rates o halagang sasagutin ng PhilHealth; dagdagan pa ang mga sakit na puwedeng i-cover; ibaba ang contribution o kaltas sa sahod ng mga regular member; palawakin ang benefit packages katulad ng para sa dental, visual at mental health; magbigay ng mga assistive devices, tulad ng wheelchairs at salamin, ayon sa rekomendasyon ng mga doktor; magpamahagi ng libreng gamot; at rebisahin ang mga outdated na polisiya tulad ng 24-hour confinement rule kung saan kailangan pang ma-confine sa ospital ang maysakit para lang ma-cover ng PhilHealth, at ang hindi pagsama sa emergency care sa mga benepisyong covered ng PhilHealth. 


Bagama’t nasimulan na ang reporma sa pamamagitan ng pagtanggal sa hindi makataong single period of confinement policy kung saan maaari lang i-cover ng PhilHealth ang sakit isang beses sa loob ng 90 araw, simula pa lamang ito sa mga ipinaglalaban nating reporma upang maproteksyunan ang buhay at kalusugan ng bawat Pilipino. 


Sa parte ng DOH, hinihingi naman natin sa kanila na ipakita ang kanilang dedikasyon at sinseridad na titiyakin nila na ang tulong pampagamot ay magiging accessible sa sinuman ayon sa Universal Health Care Law at Malasakit Centers Program Law na ating isinulong bilang principal sponsor at author ng naturang batas. Importanteng masiguro ang uninterrupted at unhampered operations ng Malasakit Centers dahil ito ang nilalapitan ng mga mamamayan upang makahingi ng tulong pampagamot mula sa gobyerno. 


Sa datos ng DOH ay umaabot na sa mahigit 15 milyong Pilipino ang natulungan ng Malasakit Centers. Batas na ito at malaki ang pakinabang lalo na ng mahihirap na pasyente. Huwag nating ipagkait sa mga Pilipino ang serbisyo at malasakit na ang pondo ay galing din naman sa kaban ng bayan o sarili nilang bulsa.

Paalala ko sa mga kapwa ko public servants, hindi pribilehiyo kundi karapatan ng taumbayan na sila ay mapagserbisyuhan. Ilapit natin ang serbisyo sa tao at huwag pahirapan ang mga naghihirap na.


Samantala, naging panauhing tagapagsalita tayo noong October 9 sa ginanap na 3rd National Convention ng Philippine Alliance of Retired Educators na idinaos sa Pasay City. Nagbigay tayo ng suporta sa mga dumalo at pinahalagahan ang papel ng mga guro sa paghubog ng mga kabataan na itinuturing na pag-asa at future leaders ng bayan. 

Binisita rin natin ang mga kababayan natin sa Bulacan at personal na namahagi ng tulong para sa 1,500 mahihirap sa Hagonoy. Katuwang si Mayor Baby Manlapaz, isinulong natin na mabigyan ang mga benepisyaryo ng tulong pinansyal ng lokal na pamahalaan. 


Nasa Tarlac City naman ang aking Malasakit Team kahapon, October 11, at nag-inspeksyon sa itinayong Super Health Center sa lugar. Nakapagpaabot din tayo ng tulong katuwang si Mayor Cristy Angeles para sa 2,000 mahihirap na residente, na napagkalooban din ng tulong pinansyal ng lokal na pamahalaan. Ginanap ang pamamahagi ng tulong sa Gymnatorium na ating sinuportahang maipatayo. 

Sinaksihan din ng aking opisina ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa Buenavista, Quezon noong araw na iyon. 


Nagtungo naman ang ating Malasakit Team sa iba’t ibang komunidad para maghatid ng tulong sa ating mga kababayan. Tinulungan natin ang 34 biktima ng sunog sa Brgy. Lapasan, Cagayan de Oro City at ang 42 na binaha at biktima ng landslide sa Jose Abad Santos, Davao Occidental. 


Binalikan natin at muling binigyan ng tulong ang mga nawalan ng tirahan sa Lanao del Sur kabilang ang 308 sa bayan ng Picong at 197 sa Malabang. Nakatanggap din sila ng tulong pinansyal mula sa NHA na ating isinulong para may pambili sila ng materyales tulad ng mga pako at yero na pampaayos ng tahanan. 


Naayudahan din ang mga mahihirap nating kababayan gaya ng 740 sa San Vicente, Camarines Norte katuwang si Mayor Jhoana Ong; at 750 sa iba’t ibang bayan sa Southern Leyte kaagapay sina Gov. Damian Mercado at BM Ina Marie Loy.

Patuloy ang ating suporta sa mga nawalan ng hanapbuhay, na sa ating pakikipagkapit-bisig sa DOLE ay nabigyan din ng pansamantalang trabaho. Naging benepisyaryo ang 469 sa Villanueva, Misamis Oriental katuwang sina Mayor Jennie Uy-Mendes at VM Jeric Emano; 130 sa Solano, Nueva Vizcaya kaagapay si VG Eufemia Dacayo; 77 sa Lingig, Surigao del Sur kasama si Mayor Elmer Evangelio; 145 sa Mabini, Davao de Oro katuwang si VG Tyron Uy; at 42 sa Ormoc City, Leyte kaagapay si Mayor Lucy Torres Gomez.


Natulungan din natin ang mga mahihirap na manggagawa sa Guimaras kabilang ang 36 sa Nueva Valencia katuwang si Kap. Veronica Ortiz; 90 sa Jordan kaagapay si Kap. Marcelo Malones Jr.; 36 sa San Lorenzo kasama si Kap. Evelina Salcedo; at 36 pa sa Buenavista. Sa Iloilo, natulungan din ang 30 sa Tigbauan at 30 sa Tubungan katuwang si VG Tingting Garin.


Tulong pangkabuhayan naman ang ating isinulong bukod sa suporta mula sa aking tanggapan na ating ipinamahagi para sa mga maliliit na negosyante sa Davao de Oro kabilang ang 50 sa Mawab, 70 sa Maco, 50 sa Montevista at 80 sa Compostela katuwang din ang kanilang mga LGU. 


Nagkaloob din ang aking tanggapan ng karagdagang tulong para sa 333 estudyante sa General Trias City, Cavite katuwang si BM Morit Sison. Sinuportahan naman natin ang 79 scholars mula sa iba’t ibang unibersidad sa Pangasinan.

Ilapit natin ang serbisyo sa mga taong nangangailangan. Patuloy akong magseserbisyo sa mga kapwa Pilipino sa abot ng aking makakaya. Bisyo ko ang magserbisyo, at naniniwala akong ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page