ni Ka Ambo @Bistado | Oct. 1, 2024
Tatakbo sa Senado si Bosya Imee nang solo.
Kumbaga, hiwalay muna ang decolor-sa-puti.
----$$$--
MALAKING bawas sa kalidad ng Bagong Pilipinas Senate slate ang presidential sister.
Meaning, hindi pa man nagsisimula — nanghina na.
----$$$--
NAUNA nang nagpahayag si ex-Sen. Ping Lacson na siya rin ay tatakbong independent tulad ni Manay Imee.
Ibig sabihin, less two na agad ang tiket ni PBBM.
------$$$--
MALINAW na hindi solido ang Bagong Pilipinas ni PBBM.
Aktuwal nang natunaw ang UniTeam.
----$$$--
DAHIL sa pagkawala ni Madame Marcos sa admin ticket -- hindi ito matatawag na “Marcos Team”.
Malinaw na ang milyung-milyong “botong Marcos” ay hindi mahihigop ng admin ticket.
-----$$$--
KUNG susuriing mabuti, ang admin team ay hindi isang Marcos Team dahil walang “Marcos dito”.
Opo, tama kayo, ang Bagong Pilipinas ay isang “Romualdez Team”.
-----$$$--
IMBES na impluwensiya ng Marcos sister ang nagbuo sa admin ticket, hinihinalang may lihim na “kamay dito” si Speaker FM Romualdez.
Malaki talaga ang “tama ninyo”: Ang midterm election sa Mayo 2024, ay preview ng magaganap sa 2028 election.
-----$$$--
ANUMANG resulta ng midterm senatorial election ay hindi repleksyon ng performance ni PBBM, bagkus ay masasalamin dito ang potensyal ng Romualdez presidential dream.
Sa ganyang pananaw, mabubuo ang oposisyon -- at pagbuo ng karibal na ticket.
-----$$$--
MATAPOS ang eleksyon sa Mayo, tulad sa mga nagdaang panahon ang “poder” ng sinumang pangulo ay unti-unting ninipis — at lalabas ang kulay ng mga oportunista.
Lalayo na sa kanyang puwitan ang mga hunyango.
----$$$--
ANG mga hunyango ay lilipad tulad ng mga paruparo at dadapo sa inaakalang magwawagi sa 2028 election.
Sakaling maramdaman na si Speaker Romualdez ang magwawagi — ang poder ay biglang mahihigop mula kay PBBM patungo sa kanyang pinsan.
Senaryong iyan, papayag ba si VP Sara na maagaw nang lihim ang Malacañang ng isang kinukutya niyang Tambalolos?
-----$$$--
KAHIT si Manay Imee ay mahihirapang tanggapin na ang magiging susunod na tagapagmana ng Malacañang ay isang Romualdez.
Ang anumang maniobra sa midterm election ay panukat sa 2028.
‘Yan mismo ang barometro na gagamitin nina Romualdez, Imee at mga Duterte.
-----$$$--
ANG ibang grupo ay nagkalasug-lasog pero antayin ang maniobra ng mga multi-bilyonaryo.
Binansagan ng batikang komentaristang si Ka Popo, a.k.a. Rolly Cleofas ang mga ito bilang komprador.
----$$$--
ANG alyansa ng mga komprador — ay siyang lihim na nagdidikta umano ng resulta ng alinmang eleksyon tulad din sa United States.
Ang unlimited resources ng mga komprador ay pinakakawalan sa lahat ng grupo.
Pinakamalaki sa kandidatong kaya nilang diktahan.
----$$$--
ANG mga komprador din ang gumagastos sa mga “pekeng presidentiable” na nagkakamal ng salapi — matalo man o manalo, mayroon na silang “tabo”.
Tumutustos din ang mga ito sa mga potential winner sa lehislatura upang maidikta umano ang mga probisyon ng batas na pabor sa kanilang interest.
Entiendes?!
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.