ni Ka Ambo @Bistado | Mar. 31, 2025

Marami ang kwidaw kung ano ang pinasok na kasunduan ng Pilipinas sa US.
Walang ispesipikong detalye kung ano ang napagkasunduan.
---$$$--
BINABANGGIT dito ang industrial defense agreement.
May konotasyon ito ng malakihang pagmamanupaktura o paggawa ng mga produktong panggiyera.
----$$$--
PARA higit na maunawaan at magkaroon tayo ng ideya, mahirap tungkabin ang detalye hinggil dito, pero kapag tinalakay natin ang sitwasyon sa Ukraine ay posibleng hindi ito nalalayo.
Sa ngayon, masigla ang industrial defense sector sa Ukraine dahil gumagawa sila ng iba’t ibang klase ng drone o unmanned warcraft.
----$$$--
ISA sa posibleng napagkasunduan ay may kinalaman sa potensyal na magmanupaktura rin sa Pilipinas ng mga modernong gamit sa digmaan.
Walang masama, bagkus ay magiging aktibo ang bansa sa malawakang preparasyon sa digmaan.
---$$$--
TIYAK na papalag ang ibang sektor, pero magpapagulo lang ‘yan ng sitwasyon — dahil tulad sa Ukraine, hindi puwedeng tumanggi ang mga ito sa ‘kapritso’ ng US.
Eh, ang Pilipinas, puwede bang pumalag?
----$$$--
Sa totoo lang, ang China ay pumapalag at kumokontra dahil -- hindi sinasadya, mistulang preparasyon ito kontra sa mga banta ng Tsekwa hindi lang sa Pilipinas kundi maging sa Taiwan.
Makakatuwang ng Pilipinas ang mga kaalyado tulad ng Japan, South Korea, Australia, New Zealand at maging ang France o Britain kung kailangan.
----$$$--
MAPAPANSIN natin na ang mga international news ay karaniwang tungkol sa preparasyon sa digmaan.
Pinakamainit dito — ay ang posibilidad na biglang sunggaban ng Mainland China ang pinaninindigan nilang probinsya — ang Taiwan.
----$$$--
KAHIT ang Palawan ay mistulang inaangkin din ng China bukod ang karagatang kanilang kinokontrol sa West Philippine Sea.
Hindi na lalayas pa ang China sa WPS, kaya bang awayin ng Pilipinas ang Beijing nang hindi kasama ang US at mga kaalyadong bansa?
Ang sagot: Hindi!
----$$$---
SA ngayon, ang Syria ay pinagpapartehan ng malalaking bansa — na may magkakaibang ideolohiya.
Nais ng Israel na makontrol ang ilang teritoryo ng Syria pero nanindigan ang Turkey na hindi sila papayag na magkahati-hati ang orihinal na teritoryo ng Syria.
----$$$--
MALINAW na hindi pa tapos ang digmaan sa Middle East, bagkus ay nagbabagong anyo lang ito — at higit na mabibigat ang mga masasangkot.
Paano kung biglang maggiyera ang Israel at Turkey?
----$$$--
IMBES na humupa, lalong nabibingit sa Ikatlong Digmaang Pandaigdig ang ibabaw ng mundo.
Hanggang kailan ito matatapos?
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.