ni Mary Gutierrez Almirañez | May 14, 2021
Watawat ng Pilipinas ang naging inspirasyon sa inirampang national costume ni Rabiya Mateo sa 69th Miss Universe pageant, kung saan nauna nang nagpatalbugan ang mga kandidata ng iba’t ibang bansa na napanood via YouTube channel ng Miss Universe at Lazada kaninang umaga.
"I feel like I'm a Victoria's Secret angel right now," sabi pa ni Mateo habang suot ang national costume sa isang video clip na in-upload ng Miss Universe Twitter page.
Ayon sa ulat, pinagtulungan ng jewelry designer na si Manny Halasan at ng yumaong Pinoy international designer na si Rocky Gathercole ang pagdidisenyo sa damit ni Mateo.
Si Mateo rin ang unang pambato ng ‘Pinas na sumailalim sa pangangalaga nina Miss Universe 2011 3rd runner-up Shamcey Supsup at beauty queen maker Jonas Gaffud.
“This outfit is inspired by the Philippine flag. The blue represents royalty, red stands for the courage and strength for an independent woman and yellow, the color of sun and stars, symbolizes freedom to choose whoever you want to be,” paglalarawan pa ng host habang rumarampa sa stage si Mateo.
Nakatakdang ganapin ang coronation night sa ika-16 ng Mayo (May 17 Manila time) na maaaring mapanood sa A2Z channel ng Philippine TV.