News @Balitang Probinsiya | September 2, 2024
Isabela -- Isang magsasaka ang namatay matapos matuklaw ng ahas kamakalawa sa bukid ng Brgy. Laluanan, Tumaini sa lalawigang ito.
Kinilala ang biktima na si Primo Lungayan, nasa hustong gulang at nakatira sa nabanggit na barangay.
Ayon sa ulat, nagtungo sa bukid si Lungayan para kumuha ng labong sa kawayanan, pero hindi na ito nakauwi.
Agad pinuntahan ng kanyang pamilya ang kawayanan at dito natagpuan ang biktima na may apat na tuklaw ng ahas.
Dinala pa ng mga kamag-anak si Lungayan sa ospital, pero idineklara itong dead-on-arrival.
BATANG BABAE, SUGATAN SA MOTORSIKLO
AKLAN -- Isang 11-anyos na batang babae ang sugatan nang mabangga ng isang motorsiklo kamakalawa sa Brgy. New Buswang, Kalibo sa lalawigang ito.
Dahil menor-de-edad ay hindi na isinapubliko ng pulisya ang pangalan ng biktima na nakatira sa nabanggit na bayan.
Ayon sa ulat, tumatawid sa kalsada ang biktima nang mabangga ng motorsiklo na minamaneho ng hindi pinangalanang rider.
Nabatid na nagtamo ang biktima ng sugat sa paa at katawan, at agad itong dinala ng mga saksi sa pagamutan.
Nangako naman ang rider na sasagutin niya ang gastos sa ospital at lahat ng danyos na nangyari sa biktima.
HVT SA DROGA, NASAKOTE
GENERAL SANTOS CITY -- Isang HVT na drug pusher ang dinakip ng mga otoridad sa buy-bust operation kamakalawa sa Brgy. Dadiangas sa lungsod na ito.
Ang suspek ay kinilala ng pulisya sa alyas na “Michael”, nasa hustong gulang at residente ng nasabing barangay.
Nabatid na may tinanggap na impormasyon ang mga otoridad na nagbebenta ng shabu si “Michael” kaya naaresto ang suspek sa buy-bust operation.
Napag-alaman na nakakumpiska ang mga otoridad ng mga pakete ng hinihinalang shabu at markadong pera sa pag-iingat ng suspek.
Nakapiit na ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.