by News @Balitang Probinsiya | September 17, 2024
Aklan — Isang 22-anyos na dalaga ang sugatan nang ma-hit and run ng isang tricycle kamakalawa sa Brgy, Poblacion, Kalibo sa lalawigang ito.
Sa kahilingan ng kanyang pamilya ay hindi na isinapubliko ng mga otoridad ang pangalan ng biktima na nakatira sa nabanggit na bayan.
Ayon sa ulat, tumatawid sa kalsada ang dalaga nang mabangga ng isang tricycle, pero imbes tulungan ng driver at dalhin sa ospital ay mabilis na tumakas ang suspek.
Nabatid na nagtamo ang biktima ng malaking pinsala sa paa at katawan, at agad itong dinala ng mga saksi sa pagamutan.
Nagpalabas na ng manhunt operation ang pulisya para madakip ang tumakas na driver ng tricycle.
WANTED NA RAPIST, NASAKOTE
SULTAN KUDARAT -- Isang wanted na rapist ang naaresto ng pulisya kamakalawa sa kanyang hideout sa Brgy. Kabulanan, Bagumbayan sa lalawigang ito.
Hindi muna pinangalanan ang suspek, nasa hustong gulang at pansamantalang nakatira sa nabanggit na barangay habang iniimbestigahan siya ng mga otoridad.
Ayon sa ulat, dinakip ng pulisya ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng korte kaugnay sa kinasasangkutan nitong kasong rape sa lalawigan.
Nabatid na nakita ng mga operatiba ang suspek sa nasabing lugar kaya agad itong inaresto.
Hindi naman nanlaban ang suspek at ngayon ay nakapiit na siya sa detention cell ng himpilan ng pulisya.
CONSTRUCTION WORKER, NATAGPUANG PATAY
ILOILO -- Isang construction worker ang natagpuang patay kamakalawa sa bukid na sakop ng Brgy. Alugmawa, Lambunao sa lalawiggang ito.
Ang biktima ay kinilala ng mga otoridad na si Rolando Alonday, nasa hustong gulang at residente ng bayan ng Calinog, sa nabanggit na lalawigan.
Nabatid na ilang residente ang nakatagpo sa bangkay ng biktima sa nasabing lugar.
Sa pag-iimbestiga ng pulisya ay napag-alaman na may isang tama ng bala sa ulo ang biktima.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad sa naganap na krimen.
NPA, DEDBOL SA ENGKUWENTRO
CAGAYAN -- Isang miyembro ng New People’s Army (NPA) ang napatay sa naganap na engkuwentro sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at mga komunista kamakalawa sa Brgy. Baliuag, Penablanca sa lalawigang ito.
Kinilala ang napatay na si alyas “Ka Karl,” miyembro ng komunistang NPA na nakabase sa lalawigan.
Ayon sa ulat, nagpapatrulya ang tropa ng pamahalaan nang tambangan at pagbabarilin sila ng mga komunista.
Dahil dito, gumanti ng putok ang mga otoridad kaya napatay si “Ka Karl.”
Nang makita ng ibang NPA na napatay ang kanilang kasamahan ay mabilis na tumakas ang mga komunista.