ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Oct. 9, 2024
Noong nakaraang Lunes, Oktubre 7 ay pormal na tayong nagsumite ng certificate of candidacy (COC) sa Manila Hotel kasama ang aking buong pamilya at sa kauna-unahang pagkakataon ay sumama rin ang anak kong abogado na si Inah Revilla na lalong nagpalakas ng aking loob para muling sumabak sa aking kandidatura bilang senador sa 2025 midterm elections.
Tatakbo tayo sa ilalim ng Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD), ang pinakamalakas at pinakamalaking partido sa kasalukuyan kung saan ako mismo ang chairman. Ako ay kaanib ng Lakas-CMD simula pa noong ako ay unang pumalaot sa pulitika tatlong dekada na ang nakararaan.
Kaya naman nitong Lunes ay pormal na nating sinelyuhan ang ating kandidatura sa pagka-senador sa darating na halalan. Ang inyong lingkod, na sa loob ng tatlong termino bilang mambabatas sa Senado na pinagkatiwalaan ng sambayanan, ay muling lalaban at titindig para patuloy na maging tagapagsulong ng kapakanan ng bawat isang ordinaryong Pilipino.
Bahagi tayo ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas Senate slate ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, Jr. (PBBM) na binubuo ng 12 senatorial candidates mula sa iba’t ibang major political parties sa bansa kabilang ang Lakas-CMD.
Nagpapasalamat ako sa ating Pangulo at kay Lakas-CMD President Speaker Martin Romualdez sa tiwala na pinagkaloob nila sa akin upang maging isa sa mga kandidato na ilalaban ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas. It’s an honor to run under this slate whose great aspiration is to stand up for the welfare, interests, and rights of every Filipino.
Nagsilbi na tayo ng tatlong termino sa Senado (2004-2010; 2010-2016; 2019-hanggang sa kasalukuyan) at naging kasangkapan sa pagpasa ng maraming landmark laws na direktang magbebenepisyo sa maraming Pilipino hanggang sa kasalukuyan kabilang dito ang “Kabalikat sa Pagtuturo Act” (RA 11997), Expanded Coverage of Centenarians Act (RA 11982), “No Permit, No Exam Prohibition Act” (RA 11984), “Free College Entrance Examinations Act” (RA 12006), Granting Night Shift Differential Pay to Government Employees (RA 11701), at “Permanent Validity of the Certificates of Live Birth, Death, and Marriage Act” (RA 11909).
Ako rin ang author ng batas upang maging lehitimo na ang mga batang isinilang sa labas ng pagsasama ng legal na mag-asawa at idagdag pa ang motorcycle helmet act, at napakarami pang iba.
Hindi naman sa pagyayabang ngunit ako ay nagtala ng perfect attendance sa Senado at nakapagsumite ng kabuuang 1,979 bills and resolutions, kung saan 339 sa mga ito ay umiiral ng batas.
Sa ating halos dalawang dekadang paninilbihan bilang senador, marami na tayong naipasang mga batas na talagang pinakikinabangan ng ating mga kababayan. Hindi natin sinayang ang tiwala ng sambayanang Pilipino. Sinigurado ko na bawat sentimo na pinapasahod sa akin gamit ang buwis ng taumbayan, naibalik natin sa kanila sa pamamagitan ng pagsusulong at pakikibaka sa pagpasa ng mga makabuluhang batas.
Kaya nang tanungin tayo ng mga sumalubong sa ating media hinggil sa mga balakin natin para sa ikaapat na termino natin sa Senado ay sinabi kong ipagpapatuloy natin ang pakikipaglaban sa social justice, kapakanan ng mga manggagawa, seguridad sa pagkain, public infrastructure, at karagdagang benepisyo pa para sa mga government employee.
I am happy to say that because of the people’s trust, I was able to deliver my pact with the people. Ngayon, muli kong iniaalok ang aking kakayahan sa ating mga kababayan para patuloy silang paglingkuran.
While we have accomplished so much, work never ceases and there is still much to be done. Kagaya ng pagtugon sa pagtaas ng presyo ng bilihin, paghahatid ng pagkain sa bawat hapag, mga programa para sa mga magsasaka at mangingisda, pagbibigay solusyon sa baha, pagbubuo ng makabagong Philippine Building Code, pagsasaayos ng retirement system sa hudikatura, dagdag benepisyo para sa mga barangay worker, nurses, guro, at iba pa. Ayan ang ating mga isusulong kung tayo ay muling mabibigyan ng pagkakataon upang makapaglingkod para sa ating ikaapat na termino.
Ang midterm election ay nakatakda sa Mayo 12, 2025 kung saan 12 senador ang kailangang ihalal.
Kung ibabase natin sa track record ay kitang-kita naman na hindi tayo nagbutas lang ng upuan sa Senado. Posibleng mapalawak pa natin ang tinatamasang benepisyo ng ating mga senior citizen na tayo rin naman ang may akda.
Kaya naniniwala akong hindi naman tayo pababayaan ng ating mga tagasuporta. Sabagay matagal pa naman ang campaign period at hindi ko kailangang isa-isahin pa ang ating mga nagawa sa Senado pero halos dalawang libong bills at resolusyon lahat ‘yan — hindi na masama.
Wala naman tayong ibang hangad kundi ang mapabuti ang kalagayan ng ating mga kababayan at hindi na ito pangako dahil nagawa na natin ang marami sa mga ito at napakarami ko pang nagawang panukala na hindi pa naisusumite.
Ito rin ang dahilan kaya nais ko na muling tumakbo bilang senador dahil gusto kong ipagpatuloy ang santambak na inihanda ko pang panukala para sa kapakanan ng ating mga kababayan.
Mahirap lang kasing magsalita, pero kung ihahambing sa iba pang senador ang ating mga nagawa — hindi man tayo nangunguna ngunit sigurado akong hindi tayo nahuhuli dahil halos 400 batas ang ating naipanalo na ngayon ay pinakikinabangang batas na ng bawat Pilipino.
Ayoko namang ipamukha sa taumbayan ang aking mga nagawa — ngunit dinaluhan natin lahat ng mga lugar na naging biktima ng kalamidad at nabahaginan natin ng ayuda tulad ng food packs at cash assistance sa tulong ng ating Bayanihan Relief (BR) staff na araw at gabing naghahanda para makapagbigay ng tulong sa ating mga kababayan.
Matapos ang napakaraming pagsubok — heto at nabigyan tayong muli ng pagkakataong mapasama sa Alyansa Para sa Bagong Pilipinas Senate slate ni PBBM na may pinakamalinaw na adhikain kung paano isasaayos ang bansa at kung paano mapapalawak pa ang benepisyo ng ating mg kababayan. Saan pa ba tayo? Alam na this!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com