ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Nov. 15, 2024
Hindi masama ang pagbabago, pero dapat walang maiiwan sa ere — dapat na unahin muna ang kapakanan ng mga empleyado ng Optical Media Board (OMB) na biglang mababago ang takbo ng buhay dahil lamang sa biglang pagre-resign ng dating namumuno.
Nadiskubre kasi sa budget hearing sa Senado noong nakaraang Lunes na walang lumalagda ngayon sa mga voucher para sa suweldo, benepisyo at iba pang dokumento ng mga empleyado ng OMB matapos magbitiw bilang OIC-CEO si James Ronald Macasero na naghain ng kandidatura para sa darating na eleksyon.
Dahil dito, nanganganib na walang sasahurin ang mga empleyado ng OMB ngayong Disyembre kung kailan nalalapit na ang pagdiriwang ng Pasko.
Bukod dito, may panukala na rin ang mga kasama kong senador na tuluyan nang buwagin ang OMB dahil wala na umanong function ang ahensya kung saan wala nang namimirata ng mga pelikula ngayong online streaming na ang uso.
Ang inyong lingkod ay dating chairman ng Videogram Regulatory Board na naging OMB, at ngayon at chairman ng Senate Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation, na nakikisimpatya sa mga kawani ng pamahalaan na maaaring mawalan ng trabaho sakaling matuloy ang panukalang pagbuwag sa OMB.
Nakakaawa kasi ang sitwasyon ng mga empleyado ng OMB dahil sa pagkawala ng namumuno sa kanila na nagbibigay ng direksyon. Nandiyan din ang pangamba na tuluyan nang buwagin ang kanilang ahensya. Ang sa akin lang, kung talagang aabot man doon ay hindi dapat pabayaan ang mga empleyado.
Dapat munang isaayos ang kalagayan ng mga empleyado bago pa man ituloy ang anumang uri ng pagbabago para masigurong nasa maayos na sitwasyon ang mga empleyado. Puwede silang bigyan ng training para mailipat sa ibang mga ahensya ng pamahalaan. Huwag lang natin sila iwan sa ere ng basta-basta.
Ramdam ko ang mga empleyado na mawawalan ng trabaho sakaling matuloy ang pagbuwag dito — lalo na ‘yung mga padre de pamilya at mga breadwinner na sila lamang ang inaasahan sa kanilang pamilya na ang tanging nalalaman lang naman ay manatiling tapat sa naturang ahensya.
Hindi magandang balita ito para sa kanila lalo pa’t ilang linggo na lamang ay Pasko na at nahaharap ang lahat sa mga gastusin.
Marahil, ilan sa mga empleyado na mawawalan ng trabaho ay kilala ko pa at naisaayos natin ang kanilang sitwasyon noong tayo pa ang namumuno sa OMB. Kaya masakit din sa akin kung aabot sa ganito ang kahihinatnan.
Napakarami ng accomplishments natin noong tayo pa ang namumuno sa OMB. Ilang matagumpay na pagsalakay ang dating isinagawa sa mga bentahan at gawaan ng piniratang pelikula na ipinagbibili sa pamamagitan ng DVD at VCD.
Ilang ulit nating pinasagasaan sa pison sa loob ng Camp Crame ang mga nakumpiska nating DVD at VCD upang masigurong hindi na babalik sa pamilihan ang mga nasamsam nating piniratang pelikula at kanta.
Dahil sa sunud-sunod na pagsalakay natin sa mga ito ay muling sumigla ang paggawa ng mga pelikula at napakalaki talaga ng naitulong ng OMB sa entertainment industry. Kasama natin sa pagtatrabaho ang mga empleyadong ngayon ay nanganganib na mawalan ng hanapbuhay.
‘Yung ilan sa kanila ay itinaya pa ang buhay para lamang sa mga isinagawa nating pagsalakay at dahil nga sa pagre-resign ng namumuno sa kanila ay bigla na lamang silang mapapariwara.
Sa kapasidad ko bilang senador ay hindi ako papayag na basta na lamang mauwi sa wala ang kanilang pagsisikap at sana ay makumbinsi ko ang mga kasamahan kong senador na unahin muna ang mga empleyado bago magdesisyon sa nais nilang pagbabago. Sana, maitawid ko ito!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com