ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | August 5, 2024
Totoo man na mas mabilis ang paghupa ng baha ngayon, hindi pa rin tama na mapunta rito ang usapan! Kasi hindi na dapat pinag-uusapan ‘yung paghupa, ang kailangan ay ‘yung hindi na magbabaha. Hindi sapat na mabilis humupa ang baha dahil hindi naman talaga dapat bumabaha.
Dito tumakbo ang talakayan sa isinagawang pagdinig sa Senado at bilang chairman ng Senate Committee ay hinimay nating mabuti hanggang kaliit-liitang detalye kung bakit hindi nareresolba ang pagbaha.
Nagpatawag tayo ng hearing makaraang dumanas na naman tayo ng grabeng pagbaha kamakailan dulot ng Bagyong Carina na imbes na masolusyunan ay tila mas lumala pa.
Sa pinakahuling pagdinig na dinaluhan ko sa Senado ay halos isang taon pa lamang ang nakararaan at patungkol din ito sa matinding sitwasyon ng ating mga kababayan na palaging lumulubog sa baha tuwing napapalakas ang pag-ulan.
Kaya sa pagpasok pa lang ng taon ay palagi nating pinapaalalahanan ang mga ahensya na isaayos ang mga imprastruktura at drainage para sa paparating na tag-ulan at La Niña. Ngayon, heto na naman tayo, same problem. Walang pagbabago, nandito tayo at pag-uusapan ang pananalasa ng bagyo tapos palaging maganda ang sinasabing solusyon pero pagdating ng ulan — baha rin.
Sa gitna ng talakayan ay ipinakita natin ang isang footage kung gaano katindi ang epekto ng naturang bagyo sa iba’t ibang rehiyon na sumira ng mga pananim at iba pang kabuhayan.
Noong nakaraang Linggo, nag-conduct tayo ng onsite at aerial inspection sa Caloocan, Malabon, Navotas, Bulacan, Pampanga at kahapon lamang, sa Rizal. Sa Metro Manila, may ilang bahagi na lagpas tao ang naging baha. Umabot pa nga sa bubong ng mga bahay. Sa ilang parte naman ng Central Luzon, lubog din sa baha ang mga bahay at hanapbuhay. May mga lugar, baha pa rin hanggang sa ngayon. Sa CALABARZON, nag-trending din ang naging bilis na pagtaas ng tubig kung saan hindi na nadaanan ang mga kalsada.
Nabatid na sa kabila nang paulit-ulit nating paalala na paghandaan ang paparating na tag-ulan ay tila walang naririnig ang mga ahensyang itinalaga ng pamahalaan para tugunan ang kalagayan at kaligtasan sana ng ating mga kababayan.
At hanggang sa kasalukuyan ay nananatiling walang integrated national master plan for flood management. Inamin naman ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na 18 major river basins sa bansa ay may master plan bawat isa, ngunit hindi ito naging katanggap-tanggap maging sa kapwa ko mga senador dahil nga sa naging resulta kamakailan.
Kung wala kasing integrated national master plan para resolbahan ang baha, patuloy na magiging patse-patse ang ginagawa nating mga proyekto para tugunan ito. Kahit pa matapos ang mga naturang proyekto, kung hindi magiging holistic ang approach, maililipat lang natin sa ibang lugar ang baha.
Dapat ay pang-buong bansa ang solusyon dahil kailangan talaga ng unified master plan at hindi ‘yung tapal-tapal lamang. Isang patunay diyan ‘yung kahit ang daming proyekto ay paulit-ulit pa rin ang baha dahil nga sa hindi ito epektibo.
Lumabas sa pagdinig na nasa 5,500 flood control projects ang pinamahalaan ng DPWH at napakarami pang minor projects ang isinasagawa sa iba’t ibang bahagi ng bansa ngunit hindi naman maramdaman ang resulta.
We think that since there is no integrated national master plan, the projects being mentioned by DPWH are being implemented sparsely. Kumbaga, patse-patse. Kaya siguro nandiyan pa rin ang baha.
That is why I eagerly call on them to already make the master plan. Kayo na rin ang nagsabi, sa meeting kasama si Pangulong Bongbong Marcos, ang specific instruction niya ay dapat holistic at in integrated manner ang pagresolba natin sa problema sa baha. With that being said, the only way to do that is to have a master plan.
Kaya, kailangan nang mabuo at maipatupad ‘yang master plan na iyan. At in the interim, habang wala pa, dapat may mga contingencies kayo para hindi na babaha ulit tuwing uulan.
Sana lang sa susunod na lulutang na ang mga ahensyang ito sa Senado ay solusyon na ang kanilang sasabihin at hindi palusot lang kung bakit bumabaha pa rin.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com