ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | August 12, 2024
Labis ang ating kagalakan nang lagdaan na sa wakas ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act No. 11997, o ang Kabalikat sa Pagtuturo Act (KAP).
Ang inyong lingkod kasi ang may-akda at sponsor ng naturang batas, at ang pag-apruba sa IRR ay pagtatapos ng mahabang proseso na pinagdaanan nito at ngayon ay handa nang ipatupad dahil isa nang ganap na batas.
Kung inyong matatandaan, ang inyong lingkod din ang nagsulong sa pagkakapasa ng batas, mula sa pagsulat at pagbuo ng panukala, maging sa sponsorship nito hanggang sa interpellation kung saan humarap tayo sa mga kapwa natin senador upang iparating at ipagdiinan ang kahalagahan ng agarang pagsasabatas nito.
Sa wakas, the long wait is over! Matagal man ang naging laban, naipanalo pa rin natin ang kapakanan ng ating mga guro. Ang pag-apruba ng IRR ang hudyat na ready for implementation na ang batas na ating inilaban na maipasa. Garantisadong matatanggap na ng ating mga bayaning guro ang P10,000 teaching allowance. Ito ang pangarap natin para sa kanila bilang suporta at pagkilala sa napakahalagang papel na ginagampanan nila sa sektor ng edukasyon.
Pinasasalamatan din natin ang bagong kalihim ng Department of Education (DepEd) na si Senador Sonny Angara sa agarang pag-approve sa nasabing IRR.
Itinatag ng KaP Act at ginawa nitong permanente ang pagbibigay ng teaching allowance sa mga guro ng pampublikong paaralan. Umpisa next year, makakatanggap na ang mga titser ng P10,000 para ipambili ng mga kagamitan para sa aktwal na pagtuturo ang mga kaakibat na gastusin.
Sa ating mga guro, natupad na natin ang ating pangako sa kanila. Pero gaya nga ng lagi kong sinasabi, this is not the last, marami pa tayong mga isusulong na mga panukala para sa kanilang mga karapatan at kapakanan.
Alam din naman natin ang hirap na pinagdaraanan ng iba nating mga manggagawa at sana ay huwag silang managhili sa mga guro dahil alam din naman natin kung gaano kahirap ang kanilang sitwasyon kaya bahagya natin silang inuna ngunit hindi naman natin pababayaan ang hanay ng mga manggagawa.
Nais ko lang bigyang-pugay ang kabayanihan ng mga guro na marami ang kinakailangan pang tumawid ng ilog at maglakad ng milya-milya sa mga lalawigan para lamang makapagturo.
Kung tutuusin ay hindi naman para sa sarili ang karagdagang P10,000 allowance dahil sa ibinibili rin nila ng chalk at iba pang materyales sa pagtuturo na dati-rati ay ibinabawas nila sa kanilang suweldo na kanilang pasanin sa pang-araw-araw na gastusin.
Ganyan nagsasakripisyo ang ating mga guro, hindi baleng mag-abono basta makapagturo lang sa kanilang mga estudyante na isa sa sandigan ng pag-unlad ng bansa.
Kaya ang bahagyang pagpaparayang ito ng ibang manggagawa para sa ating mga guro ay hindi naman nakapanghihinayang dahil sila ang nagtataguyod sa ating mga anak at sila rin ang tumatayong pangalawang magulang sa oras na nasa eskwela ang ating mga anak.
Lalo na noong nakaraang pandemya, maraming mga guro na bukod sa itinataya nila ang kanilang buhay ay nag-aabono rin sa pambili ng tingi-tinging internet connection para lamang makapagsagawa ng online classes.
Kumpara sa ibang propesyon ay hindi sila nagrereklamo sa dusang kanilang pinagdaraanan araw-araw basta’t maitawid lamang ang pangangailangan ng mga mag-aaral.
Medyo may katagalan din ang tiniis ng ating mga guro bago ito inaprubahan, ngunit ngayong isa nang ganap na batas ay malaking inspirasyon ito hindi lang sa hanay ng mga guro dahil pag-asa rin ito sa iba pang manggagawa na ipinaglalaban din na mabigyan ng karagdagan at permanenteng benepisyo.
At dahil naipanalo natin ang laban na ito ay isusunod naman natin ang kalagayan ng mga manggagawa. Hindi rin kasi tayo si engkatada na sa isang kumpas ay mangyayari ang lahat, medyo may kahirapan din ang pakikipagtalastasan sa mga kapwa natin mambabatas para makapagpasa ng isang batas.
Pero labis ang ating kagalakan na natupad ang pangako natin sa mga guro dahil nakitaan na natin ng pag-asa ang iba pa nating panukala na isang araw ay magiging matagumpay din para sa kapakanan ng ating mga kababayan.
Hindi naman tayo nagpapabaya sa ating trabaho — wala tayong iniisip kundi ang mapagaan ang kalagayan ng marami nating kababayan sa pamamagitan ng pagsusumite ng mga kinakailangang batas.
Dahil sa karagdagang allowance na ito ng mga guro ay inaasahan nating mas magiging mabuti ang performance ng ating mga guro na sa huli ay ang mga mag-aaral din ang makikinabang at sa kalaunan ay ikauunlad ng ating bansa.
Sana lang ay naipaliwanag natin ng maayos at naunawaan ng iba pang manggagawa kung bakit bahagya nating binigyang prayoridad ang ating mga guro.
Kumbaga ay una-una lang, pero lahat naman ay iniisip natin. Ang panalong ito ng mga guro ay panalo rin ng maraming manggagawa.
Sana ay maibsan na ang mga gurong nagtitinda ng kung anu-ano sa loob ng classroom para lamang may pandagdag sa kanilang mga gastusin sa kanilang pagtuturo.
Muli tayong nagpapasalamat sa ating newly confirmed DepEd Sec. Angara for making the approval of Kabalikat sa Pagtuturo Act’s IRR one of the first acts of his good and promising administration.
Wala naman tayong ibang hangad kundi ang mabigyan ng disenteng pamumuhay ang ating mga guro gayundin ang iba pang manggagawa, at naniniwala akong matutupad ang pangarap nating ito sa mga darating na panahon.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com