ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | August 28, 2024
Personal tayong nagtungo sa Hong Kong noong nakaraang Linggo upang mabisita at makamusta ang napakarami nating overseas Filipino workers (OFWs) doon.
Hindi ko napansin ang malayong paglalakbay para makarating ng Hong Kong dahil sa unang pagdating pa lamang ay libu-libong kababayan na natin ang sumalubong at lahat ay tuwang-tuwa sa ating pagdating — marami rin ang naluluha dahil sa kaligayahan.
Ilang grupo ng ating mga kababayan sa Hong Kong ang nakipag-ugnayan sa atin para sa isang meet and greet na agad nating pinagbigyan at hindi nga tayo nagkamali ng pagpapaunlak dahil ramdam na ramdam natin ang kanilang pangungulila sa ating bayan at lalo na sa kanilang mga mahal sa buhay.
Nawa ay naibsan natin kahit bahagya ang lungkot na nararanasan nila sa kanilang pananatili sa ibang bansa para lamang maitaguyod ang kani-kanilang pamilya dahil hindi biro ang maghanapbuhay abroad — kaya nga sila tinawag na bayani ng makabagong panahon dahil sila ang mga mandirigma na nagbubuwis ng buhay para labanan ang kahirapan.
Sa totoo lang ay may opisyal tayong lakad sa lugar na iyon nang makipag-ugnayan sa atin ang ilan sa mga kababayan kung saan marami sa mga OFW ang day off at nagtitipun-tipon lang sa isang kilalang lugar sa HK.
Hindi na tayo nagdalawang-isip at agad nating tinungo ang naturang lugar kung saan nagkukumpulan ang ating mga kababayan at mula doon ay walang humpay na ang ingay at lahat ay sumalubong, yumakap at humalik na daig pa ang kanilang kamag-anak na hindi nila nakita sa napakahabang panahon.
Bahagya tayong tumigil at nakipagkuwentuhan sa mga kababayang OFW at doon ay medyo napaluha tayo sa iba’t ibang kuwento na kanilang ibinahagi, ngunit sa kabuuan ay maayos naman ang kanilang kalagayan -- lamang ay hindi maiiwasan na may iba tayong kababayan na hindi pinalad sa kanilang pinapasukan at nais na lumipat ng trabaho.
Inipon naman natin ang lahat ng kanilang mga sumbong at sisikapin nating maiparating sa kinauukulan ang kanilang mga kahilingan sa legal na paraan.
Sa ilang sandaling pakikipagniig natin sa mga OFW ay kita-kita natin ang kanilang pananabik at dahil dito ay tiyak na muling mauulit ang pagbisita nating ito sa kanila hindi lang sa Hong Kong kundi sa napakarami pang bansa para mabigyan din natin sila ng pagkalinga kahit sandali.
Ang mga kababayang umiiyak sa ating pagdating ay pawang mga nakangiti na sa kanilang pag-alis na tila punumpuno ng lakas para sa panibagong pakikibaka sa kanilang pananatili roon bilang manggagawa.
Dahil sa pangyayaring iyon ay nabuo sa aking isipan na ang pagdalaw ko sa kanila ay nagbigay ng malaking kasiyahan at kahit paano ay naibsan ang kanilang pangungulila, kaya sisikapin kong maulit pa ito basta’t itutulot lang ng pagkakataon.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com