ni Ambet Nabus @Let's See | Jan. 23, 2025
Photo: Martin Nievera at Fyang - FB, IG
Marami ang natuwa at nakisimpatya kay Martin Nievera dahil kahit halatang napipikon na ito ay pasimple nitong “natarayan” si Fyang, ang grand winner ng Pinoy Big Brother (PBB) Gen 11.
Isa kasi sa mga hosts ng isang podcast ang naturang grand winner kasama pa ang dalawang kapwa galing sa Bahay ni Kuya nang maging guests nila ang concert royalties na sina Martin Nievera at Pops Fernandez with Ogie Alcasid.
Obviously, para ito sa promotion ng kanilang mga shows this February, at dahil target din nila ang Gen Z audience, nag-guest nga sila sa naturang podcast.
Ang siste, idinaan sa kung anik-anik na pagpapatawa nu’ng Fyang ang pag-intro kina Pops at Martin, at halatang-halata na hindi nga niya kilala si Pops bilang tinaguriang Concert Queen.
Nakakaloka pa nga ‘yung tinuran ni Martin na, “Where did you get this girl?” remark kahit naka-off mic ito, dahil feeling nga niya ay hindi nag-research man lang sa info nila ang naturang host.
Pakuwela pa nga si Ogie sa pagbibigay ng magandang adjectives kina Pops at Martin, pero itong Fyang na host ay tila idinaan lang sa pagpapakakikay ang pakikipag-usap na may “level-level” pa itong sinabi.
Well, ‘yan na nga ba ang sinasabi namin sa mga gusto lang makahawak ng mikropono. At least man lang sana ay nabigyan ng tamang info ang mga hosts tungkol sa guests nila.
Wala ring ginawa ang dalawang male co-hosts ni grand winner para saluhin man lang ito sa kahihiyang pinagsasabi sa mga bisita nila. ‘Kaloka!
Binastos sa Sinulog Festival parade…
ANDREA, BINIGYAN NG MOTEL CARD NG MALE FAN
Kuwela rin at pinupuri ng netizen ang naging reaksiyon ni Andrea Brillantes sa pinag-uusapang “motel card” na iniabot sa kanya ng isang male fan habang nasa parada ito sa Sinulog Festival sa Cebu City.
Matapos kasing maiabot sa aktres na agad din namang binasa ni Andrea ay mabilis din nitong naihagis pabalik sa nagbigay ang naturang motel card na tumatawa.
“Very game, sport lang,” sey ng netizen sa reaksiyon ni Blythe na tila sinakyan na lang marahil ang male fan na tinawag na “impertinente” o bastos ng mga nakakita ng video.
“Isn’t that a form of sexual harassment, too?” tanong naman ng ilang netizens na nagsabi pang binastos nga ang aktres sa ganoong paraan.
“Tama lang na ibinato n’ya pabalik ‘yung card. Dapat nga, minura pa n’ya, eh,” hirit naman ng mga babaeng nakaramdam ng kabastusan ng lalaking nag-abot ng motel card.
After ipagpalit ng mister sa kapwa Pinay sa US…
AI AI, PINAG-IISIPAN NANG BAWIIN ANG GREEN CARD NI GERALD
Tila pinag-iisipan na umano ni Ai Ai delas Alas ang pagbawi ng green card ng nakahiwalay nitong asawa na si Gerald Sibayan.
Ito ang nasagap naming tsika mula sa ilang tao na malapit sa aktres-host.
Nag-iipon lang umano ng mas konkreto pang mga evidence si Ai Ai para gumaan naman daw ang loob nito, if ever ngang gagawin niya ang naturang hakbang laban sa dating asawa na tila nag-e-enjoy ng buhay sa Amerika.
Matatandaan kasing last year ay ipinahayag ni Ai Ai na never niyang babawiin ang green card ni Gerald dahil umano may maganda naman silang pinagsamahan.
Pero ngayong 2025 ay tila may mga nagpapatunay na nagkaroon nga ng third party ang naging hiwalayan nila at isang “Pinay” sa USA rin ang umano'y karelasyon ni Gerald.
Mismong si Ai Ai ay may pa-blind item na post sa kanyang socmed accounts and though never niyang pinangalanan ang dating asawa, lahat ay naniniwalang ito nga ang binabanggit ng komedyana na may “Pinay mistress”.
Lahat nga ng mga comments ng mga netizens ay nag-uudyok kay Ai Ai na bawiin na nito ang green card para raw matikman din nito ang ganti sa panlolokong ginawa kay Ai Ai.
Go!