ni Ambet Nabus @Let's See | Oct. 12, 2024
Photo: Kylie Padilla, Aljur Abrenica at Robin Padilla - IG
May mga netizens na rumesbak kay Kylie Padilla matapos nga itong mag-post sa socmed (social media) ng tila patama nito kay Aljur Abrenica, na kamakailan lang ay nag-file ng COC para tumakbong konsehal sa Pampanga.
Hindi man nga binanggit si Aljur sa post, naniniwala naman ang majority na ang ex ni Kylie ang tinutukoy nito sa hirit niyang: “A good indicator of a great leader is a man who can lead his family. That is his first unit, his first community. A man who raises his kids with good values, integrity, and humility,"
Siyempre, hindi rin nagpahuli si AJ Raval sa pag-post, bagama’t hindi rin pinangalanan si Kylie ay agree naman ang lahat na sagot ‘yun ng live-in partner ni Aljur sa ex-wife nito.
Dahil du'n ay muling naglabasan ang mga opinyon mula sa lumang isyu ng umano’y “kabitan at pangangaliwa”, hanggang sa pagdamay na nga sa tatay ni Kylie na si Sen. Robin Padilla, na kesyo dapat daw ay nag-iingat si Kylie sa pag-aakusa, lalo’t kilala naman daw sa pagkakaroon ng ibang pamilya ang tatay niya.
Ganunpaman, may mga defenders din si Kylie na binansagan ding “kabit at mang-aagaw” si AJ.
Nakakaloka lang talaga ang socmed, mga Ka-BULGAR, 'noh? Wala ka talagang lusot kahit saan ka lumugar. Lahat nasasangkot, lahat nadadamay.
HABANG busy ang marami sa mga isyu ng artistang lalahok sa pulitika, nasa iba naman ang atensiyon ni Diether Ocampo.
Bilang nasa aktibong coast guard duty ang dating hunk actor, nangunguna ito sa pag-iikot para i-promote ang isang advocacy.
Ito ‘yung Takbo Para Sa West Philippine Sea, kung saan iniikot nila ang mga major cities sa bansa upang mag-raise ng awareness tungkol sa West Phil. Sea.
Bilang coast guard officer, hinihikayat ni Diet dahil siya ang nagsisilbing mukha ng programa, na habang need natin ang ehersisyo at fitness through running o jogging ay binibigyan nga tayo ng impormasyon at awareness tungkol sa mga karapatan natin sa yamang-dagat na sakop ng Pilipinas.
Sey nga ng marami sa advocacy na ito ni Diet, “That’s far better than being or getting into politics. Not self serving but indeed selfless and very patriotic, nakakahanga.”
Nagsimula ang programa nitong June at patuloy na umiikot around the country and soon, tutungo sila sa ibang bansa, bitbit ang nasabing awareness campaign and advocacy.
TUNAY namang mabait at mabuting tao si Julie Anne San Jose.
Kahit sandamakmak na bashing ang inabot nito dahil nga sa ‘inappropriate dress and song performances’ sa loob ng simbahan, inako nito ang paghingi ng apology.
Hindi na naghintay pa si Julie Anne na magsanga-sanga pa ang opinyon at hindi na siya nag-defend pa ng sarili.
Kahit ang organizer at mismong pari ng simbahan ay humingi na rin ng dispensa kasabay ng statement ng Sparkle management na artist house ni Julie Anne.
Very good ka d’yan, Julie Anne. At sana ay tanggapin na ng lahat ang apology at patawarin na ang mahusay na singer-host na kilala naming noon pa man ay matulungin na talaga.