ni Ador V. Saluta - @Adore Me! | April 7, 2022
Isa na namang kuwentong awayan ng mag-partner ang nasilip ng ilan sa video clip ni Baron Geisler at ng asawa sa Instagram ng aktor nu'ng nakaraang araw.
Nadiskubre ang awayan sa pagitan ng dalawa dahil sa 'di sinasadyang pagpo-post ng aktor sa kanyang Instagram account, dahilan para makarating ito sa vlogger na si Ogie Diaz.
Palaisipan kay Mama Ogs (tawag kay Ogie) kung aksidente ba o sinadyang i-post ni Baron ang away nilang mag-asawa. Bago pa man ito kumalat, ngayo'y burado na ang nasabing video sa IG account ng aktor.
Ani Mama Ogs, "Nakakaloka ito, jusko! Bago pa mabura, eh, ipinakita po namin sa inyo ito, ha?
"Oo, kasi nga, parang... Hindi ko alam kung sinadya o hindi sinadya na mai-post ni Baron Geisler 'yung away nila ng jowa niya."
Habang pine-play nila ang nasabing video clip, tina-translate naman ni Ogie ang pinagsasasabi kay Baron ng jowa niya.
Kuwento pa ni Ogie sa nasabing video clip, "Nasa kama si Baron, tapos parang tumatalak 'yung misis niya, at ang sabi ng misis niya, 'Ano? Gusto mong magpasaklolo? Tawagan mo 'yung sugar mommy mo.'
"'Yung sa buwisit nu'ng misis, isinaboy kay Baron 'yung parang tubig kaya nakita sa binti ni Baron na parang basang-basa siya. Tapos kumalat din sa kama. Ayun nga, sabi ni Baron, 'Sino ba ang kailangan ng rehab?' or 'Sino ba ang kailangang magpa-rehab?' So, parang ang sinasabi ni Baron, 'Hindi ako ang dapat magpa-rehab,' parang ganu'n."
Payo naman ni Ogie, dapat ay hindi na nagbi-video si Baron lalo na sa away nilang mag-asawa.
"Dapat sana ay maayos na 'yan. At oo nga, nakakahiya naman, Baron, na ibini-video mo pa. Dapat, hindi na, pag-usapan n'yo na lang," sey pa ni Mama Ogs.