ni Ador V. Saluta - @Adore Me! | May 18, 2022
Isa umano sa mga plano ni McCoy de Leon noong bago pa ang pandemya ay layasan ang Pilipinas at sa ibang bansa na lang manirahan kasama ang kinakasamang si Elisse Joson at ang kanilang baby na si Felise.
Sa dami raw ng kanilang trabaho ni Elisse, naging hadlang ito para sa kanilang dalawa. Kulang daw ang kanilang oras dahil sa paghihigpit sa trabaho, gaya ng programang It's Showtime, kung saan sila nagkakilala.
Sa nasabing show, halos araw-araw silang nakatali sa kanilang trabaho at konti na lang ang nakatuon sa kanilang pribadong buhay.
Pagtatapat ni McCoy sa isang panayam, "Lagi ko siyang gustong itakas sa ibang bansa," natatawa niyang bungad.
"Pero siyempre, batambata pa ako nu'n, hindi pa ako nakaipon. ('Yung) Dating love team namin, sobrang araw-araw 'yung trabaho namin kaya siguro 'yung time na 'yun, 'yun din ang nakakahadlang. Kumbaga, konti lang talaga 'yung free time namin. Kahit (makapunta) sa ibang lugar, mahirap, kasi 'yung oras talaga (sagabal)," katwiran ng actor.
Kaya naman sinasamantala nila ng asawa at anak na magtodo-bonding. Kagagaling lang nila sa Panglao, Bohol kung saan nila isinelebreyt ang first birthday ng kanilang anak at kamakailan lang ay nasa Boracay sila kasama ang ilang kaibigan at miyembro ng kanilang pamilya.