ni Ador V. Saluta - @Adore Me! | July 7, 2022
Maraming netizens ang nag-react sa umano'y "kabobohan" ng aktres na si Ella Cruz na hindi nag-review ng Philippine history kaya nag-viral ang naging pahayag nitong, “History is like tsismis."
In fairness, bagama't nega, nakatulong kay Ella ang tinuran dahil nakikilala na siya ngayon at baka makatulong sa promo ng pelikula nilang Maid in Malacañang.
Patuloy pa ring nagte-trending ang isyu ni Ella at nakarating na rin ito sa ilang mambabatas kaya't naisip nilang panahon nang ibalik ang subject na Philippine History sa high school.
Lingid marahil sa kaalaman ni Ella na noong kapanahunan ng kanyang lolo, lola at mga magulang, talagang pangunahing subject sa high school ang Philippine History at hindi naman tsismis lang ang pinag-aralan at itinuro ng mga guro sa kanilang mga estudyante.
Isa sa mga nagtutulak nito ay ang representative ng ACT Teachers Partylist na si France Castro. Sinasabi niyang itong pinagpipiyestahang isyu ni Ella Cruz sa social media ay nagpapatunay na kailangan na talagang ibalik ang subject na Philippine History para hindi raw ituring ng bagong henerasyon na parang “tsismis” lang ang ating kasaysayan.
Ayon kay Rep. Castro, dahil sa sinabi ni Ella, nakikita tuloy ang “destructive effects” ng kawalan ng Philippine History bilang mahalagang subject sa basic education.
Kaya't payo ng mga netizens kay Ella, "No words, no mistakes. Many words, many mistakes!"