ni Ador V. Saluta - @Adore Me! | September 2, 2022
Matagal-tagal na ring nawala sa sirkulasyon ang aktor na si Kit Thompson, simula nang masangkot at makulong dahil sa kasong isinampa ng kanyang ex-GF na si Ana Jalandoni matapos itong magreklamo ng pambubugbog.
Sa bisa ng piyansa, pansamantalang nakakalaya si Kit dahil patuloy pa rin ang kaso.
Hindi pa rin iniuurong ng sexy star ang isinampang demanda laban sa ex-BF na aktor.
Subali't sa kabila ng kanyang pinagdaraanan, marami pa ring direktor at kasamahan sa industriya ang naniniwala at nagtitiwala kay Kit, dahilan para isama ang controversial actor sa Showroom, isang project ng 3:16 Media Network na pinamamahalaan ni Len Carillo, na siya ring Viva Films unit head at producer ng film directed by Direk Carlo Obispo.
Ang pelikula ay isinulat at pagbibidahan din ni Quinn Carrillo kasama sina Rob Guinto at Emilio Garcia.
Paliwanag ng producer kung bakit may tiwala pa rin siya sa aktor, nakatrabaho na raw niya noon si Kit sa pelikulang Moonlight Butterfly na launching movie ni Christine Bermas at wala raw naman siyang naging problema sa aktor. Magaan din daw itong katrabaho at mahusay umarte.
Para naman kay Direk Carlo nang malaman niyang si Kit ang isa sa mga magiging bida ng pelikula ay kaagad na niyang sinabihan ang production na ipa-block na kaagad ang schedules niya. Ganu'n daw siya ka-excited na makatrabaho ang binata.
Ayon pa sa director at co-producer ng Showroom ay wala silang pakialam sa kung anuman ang naging isyu noon ni Kit sa kanyang dating karelasyon. Ang importante raw sa kanila ay kung paano ito magtrabaho sa set.
Nahingan ng pahayag si Kit sa ginanap na storycon ng pelikula at aniya, masarap sa pakiramdam na sa kabila ng mga nangyari sa personal na buhay niya ay may mga tao pa ring nagtitiwala sa kanya.
“Siyempre ano, thankful ako na may mga taong you know… tiningnan pa rin kung paano ako magtrabaho, na nakasama ako at kung paano ako. So, nakaka-touched, nakakatuwa na…
Kasi akala ko, ang hirap kasi, eh, ang hirap lang kasi you know, I think everything is turning… Hindi ko ma-articulate ang sarili ko.
“Pero 'yun nga, nandu'n pa rin nga na may mga tao pa ring naniniwala sa ‘yo. And it inspires me to do better and be better for myself.”
Sa naging pahayag ni Kit ay pinasalamatan din niya ang kanyang management team, ang Cornerstone na hindi rin daw bumitaw sa kanya sa kabila ng mga nangyari.
“I’m thankful na I’m back! Actually, ipinagdasal ko nga ito, eh, I think a week ago or something. Habang nag-iisip ako, nagdasal lang ako and eto, dumating nga. So I thank the Lord for this,” madamdamin subali't masayang pahayag ni Kit sa mga dumalong press people.