ni Ador V. Saluta @Adore Me! | Jan. 14, 2025
Photo: Julia Montes at Coco Martin - Instagram
Hindi man tahasang kinukumpirma ng magkasintahang Coco Martin at Julia Montes ang tunay nilang relasyon, basang-basa naman ng mga netizens sa kanilang mga galaw at pictures na ipino-post sa social media kung ano’ng meron sila.
Kung dati ay hindi nga makalabas na magkasama ang dalawa at patago ang kanilang mga date dahil baka makunan ng camera, ngayon ay okay lang kahit magka-holding hands at magkayakap pa sila sa mga larawan.
Pahayag ni Coco sa isang panayam kung bakit lantaran na sila ngayon ni Julia, “Dati, lahat nakatago.
“Ayaw ko namang ipagkait kay Jules (tawag niya kay Julia) na hindi man lang kami makalabas. Dati kasi, lahat ‘yan, nakatago.
“Alam mo, ‘di naman n’ya sa ‘kin sinasabi (kung ano ang gusto niya), na para bang, ‘Ano ‘to? Habambuhay na lang ba na para bang never mo akong…’ Alam mo ‘yun?
“Ayoko namang ipagkait kay Jules na ‘di man lang kami makalabas o makakain (sa labas). Hindi ko man lang s’ya masuportahan.”
Ikinatuwa naman ng mga fans ni Coco na finally ay handa na nga silang magpakatotoo ni Julia at buksan ang kanilang relasyon sa madlang pipol.
Anyway, sa panibagong taon ng kanyang seryeng Batang Quiapo (BQ), maraming papasok na bagong karakter sa serye at inaabangan na ito ng madlang pipol matapos mamatay ang dalawang cast members na sina McCoy de Leon at Irma Adlawan (bilang si Olga).
Kaya naman hinuhulaan ng mga netizens kung sa taong ito papasok si Julia Montes sa Batang Quiapo (BQ). Abangan!
Sa balitang iba’t ibang personalidad ang papasok sa ika-2 taon ng Batang Quiapo, may tsismis ding lumulutang na hanggang 2025 na lang daw ang serye ni Coco Martin.
Paliwanag dito ng vlogger at talent manager na si Ogie Diaz, “On a yearly basis kasi ang pagtatapos ng Batang Quiapo. Eh, lalo na ngayon, grabe ang utak ni Coco d’yan. At bukod pa d’yan, eh, maraming characters na naman ang lalabas (aabangan).
“Ako naman, naniniwala ako na ‘pag kumikita ka, ‘di dapat patayin. Ang feeling ko naman, ‘yung sinasabi nilang hanggang 2025, itutuloy hanggang 2026 na naman ito.”
Sa pagkakaalam ni Ogie, “Maraming characters pa ang lalabas.”
Pera sa kampanya, naging bato pa…
AI AI AT BOSS TOYO, TODO-HINAYANG SA PAG-ATRAS NI CHAVIT
Malaki ang panghihinayang ni Comedy Queen Ai Ai delas Alas at ng nagso-showbiz na rin na si Boss Toyo sa pag-atras ni dating Gov. Chavit Singson sa pagtakbo bilang senador sa midterm elections sa Mayo, 2025.
Malaking budget ang mawawala sa kanilang dalawa.
Balitang nakakontrata ng milyun-milyong piso ang dalawa sa pagsama nila sa election campaign ni Manong Chavit sa duration ng campaign period.
Pero, nand’yan pa rin ang binitawang salita ni Manong Chavit na kukunin niyang mga artista sina Ai Ai at Boss Toyo kapag inumpisahan na niyang mag-produce ng pelikula sa GMA-7.
Si Chavit ang bumibili dati ng GMA-7 Network pero aniya, “May hindi napagkasunduan,” at ayaw na niyang mag-elaborate pa.