ni Ador V. Saluta @Adore Me! | July 20, 2024
Maraming netizens ang nag-react sa pagra-rant ni Willie Revillame sa bago niyang programa sa TV5, ang Wil To Win. Pang-apat na araw pa lang itong napapanood sa ere, pero tila sobrang pressure na ang nararamdaman ni Willie sa programang ito. On air ay pinagsasabihan niya ang staff, sa harap ng mga contestants at audience.
Ang dating sa mga manonood, parang nagre-rehearse lang sila at sa mismong live audience ay pinagsasabihan silang mga dancers na ayusin ang pagsasayaw.
Nasabi rin ni Willie on air na nahihirapan na siya dahil siya lang daw ang gumagawa ng lahat sa kanilang bagong programa, mula hosting, production numbers ng mga dancers at guests.
Kaya’t daing ni Willie sa kanyang staff nu’ng Miyerkules, “Maawa naman kayo sa ‘kin. Ako pa bang mag-iisip n’yan? Dyusko naman! Maawa kayo sa ‘kin. Nahihirapan na ako sa show na ‘to.
“Ako lahat, maawa kayo sa ‘kin.”
Mararamdaman mo tuloy ang pressure sa loob ng studio na tila hindi alam ng mga co-hosts at staff kung ano ang gagawin. Natataranta sila.
Hindi naman bago sa mga audience o viewers ang pagtatalak ni Willie dahil noon pa man, ganu’n talaga siya. Naiintindihan naman ng iba kung saan galing o bakit ganu'n ang emosyon ni Willie dahil bago pa lamang siya sa show na kaeere lang last July 15.
Marahil ay nakadagdag pa lalo sa pressure ng host ang naglabasang ratings nu’ng July 15 to 18, kung saa’y tinalo ng Family Feud (FF) ni Dingdong Dantes sa GMA ang kanilang rating.
Nu’ng July 15, nakakuha lamang ng 2.7 percent ang Wil to Win habang 8.5 percent ang Family Feud ng GMA-7.
Nito namang July 16, naka-2.5 percent ang Wil to Win at 8.5 percent naman ang FF.
Mas bumaba ang nakuhang rating ng Wil to Win last July 17 kung saa’y naka-2 percent na lang ang show ni Willie against Family Feud na umalagwa sa 9 percent.
Dahil paramihan ng commercials, endorsers at TV ads ang labanan sa mga programa, makatagal pa kaya ng isang buwan ang show ni Wil dahil sadsad lagi ang ratings nila?
‘Pag walang masyadong commercials, ibig sabihin, tila nagsasawa na ang madlang pipol sa mga gimik nito sa TV kahit pa madalas nitong sabihin sa mga tao na ang tanging hangad niya ay maghatid ng saya sa mga manonood.
Pero tingnan din natin, baka naman sa mga susunod na araw ay makabawi si Kuya Wil.
Kanya na lang daw ‘yun… LORNA, UMAMING VERY HAPPY
Magkasama sina John Estrada at Lorna Tolentino sa seryeng Batang Quiapo bilang magkasangga. Magkaibigan at magkasangga sa tunay na buhay ang dalawa.
Subali’t sa gitna ng pinagdaraanang pagsubok ni John sa relasyon nila ng kanyang asawang si Priscilla Meirelles, may mahalagang aral daw na natutunan ang aktor mula sa kaibigang aktres, si Lorna.
Ang multi-awarded actress ang nag-interbyu kay John sa kanyang YouTube channel. Ini-upload ang episode na John en Lorna, The Lorna Tolentino Interview nitong July 16, 2024.
Sa takbo ng kanilang usapan, tinanong ni John si Lorna, “Gusto kong matutunan galing sa isang napakatalino, napakabait at napakamaka-Diyos na tao, ang pag-ibig ba, kayang ipaglaban kahit mali? Puwede bang ipaglaban?”
Sagot ni Lorna, “Kapag may mali, ipagdasal mo na sana tumama.”
Tila nagustuhan ni John ang mga sinabi ni Lorna.
Kaya naman, buwelta ng aktor, “So, ang pagmamahal kahit mali, ipagdasal mo para kung anuman, magiging tama s’ya? Ang ganda nu’n, ha? Kulang siguro ako sa dasal.”
Bago ang panayam ni John tungkol sa maling pagmamahal, inusisa muna niya ang mga nangyayari ngayon sa personal na buhay ni Lorna.
Sey ni Lorna, “Well, I’m happy, very happy.”
“Sino ba ‘yan?” sundot na tanong ni John kay Lorna.
Sagot ng actress, “‘Yun ang hindi ko puwedeng sagutin, gusto ko lang na maging pribado sana ‘yung buhay ko.”
Tanong muli ni John, “So, sinasabi mo na you’re happy now. ‘Di mo lang puwedeng sabihin?”
Sagot ni Lorna, “No, I’m happy being free.”
Tanong muli ni John, “‘Di naman ‘yun ang gusto kong sabihin,” pangungulit pa rin ni John.
“Ah, you want somebody to love me?” ani Lorna.
“Of course,” pagsang-ayon pa ni John.