ni Ador V. Saluta @Adore Me! | August 5, 2024
Halos lahat ng Pilipino sa buong mundo ay nagbubunyi sa pagkapanalo ng ating Pinoy gymnast na si Carlos Edriel Yulo matapos nitong maiuwi ang gold medal para sa men’s gymnastics floor exercise ng Paris Olympics sa Bercy Arena, Paris, France nu'ng Sabado ng hapon, Agosto 3 (Sabado ng gabi sa Pilipinas).
Kapansin-pansin na sa pagkapanalo ni Carlos, hindi man lang nagpapahatid ng pagbati o panayam sa social media ang kanyang inang si Angelica Yulo dahil inaasahan ng mga netizens ang pagbati ni Angelica sa anak para sa karangalang ibinigay nito sa bansang Pilipinas.
Sabi ng ilang netizens, hindi raw nagbunyi o nag-cheer ang ina ni Carlos pati ang pamilya nito.
Mas nag-cheer pa raw ang ina nito sa isang Japanese gymnast.
Dahil dito, lumikha ng intriga ang huling Facebook (FB) post ni Angelica na mas natuwa pa siya sa pagkapanalo ng Japanese gymnast na si Shinnosuke Oka, kung saan nagkomento si Angelica ng “Japan pa rin talaga. Lakas."
Pang-labindalawa si Carlos sa 24 finalists ng nasabing kompetisyon.
Tila nasakyan naman ng mga kababayan nating Pinoy na may problema sa pagitan ng mag-ina.
Nu'ng Pebrero 17, 2023 ang huling pagkakataong binati ng kanyang ina si Carlos ng “Maligayang kaarawan.” Isang belated greetings ito dahil Pebrero 16 ang 23rd birthday ni Carlos.
Mula noon, wala nang post si Angelica tungkol kay Carlos. Hindi na rin niya binabanggit ang pangalan ng anak.
Pinagdududahang patungkol pa rin kay Carlos ang ang kasunod na FB posts ni Angelica na may petsang Agosto 1, 2023.
Sabi nito sa kanyang post, “Dami nagsasabi sa ‘kin na baka raw nagayuma ka, nakulam ka or dinasalan ka. Ayaw ko sanang maniwala, in this age, uso pa ba talaga ‘yan?
“Kaso parang mukhang totoo dahil baka pati ang sarili mo ay 'di mo na kilala. Manalamin ka, masyado ka nang mataas, baka dumating ang araw, sumadsad ka sa lupa.”
As of today, wala pang ibinibigay na pahayag sa pagitan ng mag-ina na sina Angelica at Carlos tungkol sa kanilang hindi pagkakaunawaan dahil nagsimula lamang maungkat ang isyu nang maging instant celebrity si Carlos, simula nang manalo ito sa Paris Olympics.
Pero ayon sa mga nakakaalam ng kuwento, may kinalaman daw sa usaping pananalapi ang isyu.
Diumano, naglalambing ang ina ng gymnast ng malaking halaga pero hindi ito naibigay ng anak.
Nagluluksa ang Philippine showbiz industry dahil sa pagpanaw ng Regal matriarch at showbiz icon na si Lily Monteverde o mas kilala sa showbiz bilang Mother Lily kahapon, Agosto 4, 2024 (Linggo), at 3:18 nang madaling-araw.
Kinumpirma ng isa sa mga anak ni Mother Lily na si Goldwin Monteverde ang malungkot na balita sa social media.
Pumanaw ang Regal Films matriarch sa Medical City, Pasig City sa edad na 85, makalipas lamang ang pitong araw mula nang pumanaw ang kanyang asawa na si Leonardo “Father Remy” Monteverde noong Hulyo 29, 2024.
Inihatid si Father Remy sa kanyang huling hantungan sa Heritage Park, Taguig City, noong Sabado nang tanghali, Agosto 3, 2024.
Naulila ni Mother Lily ang kanyang mga anak na sina Winston, Sherida, Roselle, Dondon, at Goldwin.
Habang isinusulat namin ang balitang ito ay wala pang inilalabas na pahayag ang pamilya sa dahilan ng pagkamatay ni Mother Lily.
Taos-puso po kaming nakikiramay sa pamilyang naiwan ng Regal matriarch.