ni Anthony E. Servinio @Sports | September 13, 2024
Mga laro ngayong Biyernes – San Leonardo, NE
5 p.m. Valenzuela vs. Paranaque
7 p.m. Nueva Ecija vs. Cam Sur
Sasalubungin ng host Nueva Ecija Granary Buffalos ang rumaragasang bisita Cam Sur Express sa pagpapatuloy ng 2024 National Basketball League (NBL-Pilipinas) President’s Cup ngayong Biyernes sa Nagano Gym sa San Leonardo.
Ganado ang Buffalos at determinado laban sa nangungunang Express simula 7:00 ng gabi. Itinala ng Nueva Ecija ang unang panalo sa Nikkelham Valenzuela Workhorse, 129-102, noong Setyembre 1 sa Palayan City sa likod ni Best Player sentro Kian Fontanilla. Kailangan niya ngayon ng tulong nina Juancho Tolentino, Edgie Jejillos at buong koponan upang bahiran ang perpektong 4-0 kartada ng mga bisita.
Sisiguraduhin ng Express na sulit ang malayong lakbay sa gitna ng patuloy na mahusay na ipinapakita ng mga baguhang sina Jerome Almario at Rafael Vibares. Maliban sa dalawa, balanse ang atake ng Cam Sur at kahit sinong ipasok ay nag-aambag.
Sa unang laro, tiyak na makakamit ng Valenzuela (0-3) o Paranaque Smile 360 (0-4) ang unang tagumpay sa torneo sa unang laro ng 5 p.m. Nasa ilalim ng liga ang dalawang koponan at ang isa pang talo ay malalagay sa alanganin ang pag-asa nilang mapabilang sa semifinals.
Sasandal muli ang Workhorse kay sentro Mark Jones Redulfa at mga guwardiyang sina Andrew Valencia at Marte Gil. Maliban sa Buffalos ay natalo sila sa Cam Sur, 80-131 at Tikas Kapampangan, 52-103.
Dikit ang apat na talo ng Paranaque at lumalamang lang ng 5.3 puntos ang mga kalaro. Kailangan lang nila mahanap ang huling sipa at maaaring manggaling kay Angelo Obuyes, JR Galit, Vincent Rocero o Johnlor Llarves.
Lilipat ang NBL-Pilipinas sa Colegio de Sebastian sa Linggo sa San Fernando. Unang haharapin ng defending champion Taguig Generals ang Buffalos at susundan agad ng host Tikas at Express.