ni Anthony E. Servinio @Sports | Nov. 14, 2024
Ang mga opisyales na sina Darwin Patacsil at Rowena Tan ng APO Half Marathon, Jenny Lumba ng Green Media Events, Kaye Javellana at Joel Cervania ng Team Malofit ang mangangasiwa sa 2025 Race to Reforest na gaganapin sa Pebrero 23, 2025 sa isang lugar sa NCR sa idinaos na media launching ng patakbo sa McDonald, PRC, Makati City. (Gen Villota)
Hindi na kailangang maghintay ng isang taon at magbabalik na agad ang mas pinalaking APO Half-Marathon sa Pebrero 23, 2025 sa Mall of Asia.
Handog ng kapatiran ng Alpha Phi Omega at Green Media Events 2025 edisyon ito ay may pamagat na “Race To Reforest” para sa Million Trees Foundation.
Tampok muli ang Half-Marathon o 21.1 kilometro kasama ang 10 at 5 kilometro. Lahat ng makakatapos ay gagawaran ng medalyang ginto (21.1), pilak (10) at tanso (5) na may kasamang t-shirt at regalo mula sa mga sponsor.
Dahil katulong ang APO Runners, asahan na maaalagaan ang kapakanan ng lahat ng kalahok sa pamamagitan ng sapat na inumin at mga nakaantabay na paunang lunas at tulong medikal.
Subalit bilang isang fun run, tiyak na aabangan ang mga ihahandang lechon sa mga piling himpilan sa kahabaan ng ruta. Naging mas malalim ang layunin ng Race To Reforest matapos ang mga bagyong tumama sa bansa kamakailan.
Nadiin ang kahalagahan ng pagtatanim ng puno upang makatulong maiwasan ang mga pagbaha. Maaaring magpalista online na sa My Run Time at may diskwento ang mga maaga.
Antabayan din ang pagpapalista sa mga mall at sa mga ibang mga fun run. Ginanap noong nakaraang Abril ang huling patakbo ng APO Fun Run. Matagumpay na nakalikom ito ng pondo para sa Philippine Animal Welfare Society (PAWS) na isinusulong ang karapatan ng mga alagang hayop.
Samantala, nakatakda ngayong Nob. 17 ang huling yugto ng seryeng Takbo Para Sa Kalikasan na Earth Run sa Cultural Center. Susundan nito ang mga naunang matagumpay na karera Fire Run, Water Run at Air Run. Official media partner nito ang Bulgar.