ni Anthony E. Servinio @Sports | August 23, 2024
Laro ngayong Biyernes – Yogyakarta
8 p.m. Pilipinas vs. Indonesia
Masusubukan agad ang bagong tuklas na husay ng Alas Pilipinas sa pagharap nila sa host Indonesia sa unang araw ng pangalawang yugto ng SEA Men’s V.League 2024 ngayong Biyernes simula 8:00 ng gabi sa Yogyakarta. Patutunayan ng mga Pinoy Spiker na hindi tsamba ang kanilang tanso sa unang yugto noong nakaraang linggo sa Ninoy Aquino Stadium.
Matatandaan na sumuko ang Alas sa mga bisitang Indones – 23-25, 25-19, 25-11 at 25-21 – kung saan nasayang ang 17 puntos ni kapitan Bryan Bagunas at 16 ni Michaelo Buddin. Ngayon, wala si Bagunas na napilay ang tuhod habang inihatid niya ang huling serbisyo ng laro kaya mas malaki ang inaasahan kay Buddin na napiling Best Outside Spiker at Kim Malabunga na hinirang na Best Middle Blocker ng torneo.
Pagkatapos ng Indonesia ay haharapin ng Alas ang kampeon ng unang yugto Thailand sa Sabado. Tatapusin nila ang kampanya kontra Vietnam sa Linggo ang parehong koponan na binigo nila upang maitala ang unang panalo sa dalawang taon ng V.League at ilatag ang daan patungong tanso.
Samantala, may inihahandang mga laro o munting torneo ang Philippine National Volleyball Federation (PNVF) upang markahan ang isang taon bago magsimula ng FIVB Men’s World Championship sa bansa mula Set. 12 hanggang 28, 2025. Maliban sa Pilipinas, pasok na sa torneo ang defending champion Italya, Poland, Slovenia, Pransiya, Japan, Iran, Qatar, Ehipto, Algeria, Libya, Estados Unidos, Canada, Cuba, Argentina, Brazil at Colombia habang malalaman sa Agosto 30 ang 15 iba pang kalahok ayon sa FIVB Ranking.