ni Anthony E. Servinio @Sports | September 7, 2024
Mga Laro ngayong Linggo – Araneta
9:00 AM UE vs. UST (W)
11:00 AM Adamson vs. FEU (W)
1:00 PM UE vs. UST
3:00 PM Adamson vs. FEU
6:30 PM DLSU vs. NU
Nagpadala ng mensahe ang host University of the Philippines ng kanilang determinasyon na mag-hari matapos mabigo ang Ateneo de Manila University, 77-61, sa unang laro ng ika-87 UAAP Men’s Basketball Tournament Sabado ng gabi sa Araneta Coliseum. Lamang ang Blue Eagles, 13-8, ngunit nagising ang Fighting Maroons at kinuha ang unang quarter, 17-16.
Inakyat ito sa 50-32 sa gitna ng third quarter at inalagaan ito ng mabuti ng UP hanggang huling busina. Nagsumite ang beteranong point guard Joel Cagulangan ng 17 puntos, pitong rebound at 10 assist. Sumuporta si Francis Lopez na may 14, kasama ang dalawang malakas na dunk sa huling apat na minuto na lalong nagdiin sa Blue Eagles, habang nagsungkit ng 17 rebound at pitong puntos si 6’10” sentro Quentin Millora-Brown.
Nanguna sa Blue Eagles ang baguhan na si Jared Bahay na may 13 puntos, ang parehong manlalaro na pinag-agawan ng dalawang nagharap na paaralan matapos magtapos ng High School sa Ateneo de Cebu.
Parehong nag-ambag ng tig-11 puntos sina Joshua Lazaro at Shawn Tuano habang humakot ng 11 rebound si Lazaro. Hinila pababa ang Ateneo ng kanilang minintis na 21 free throw.
Nagsama para sa 12 lang ang kanilang first five at napatawan ng kanyang ika-lima at huling foul si sentro Victor Balogun na may walong minuto pa sa huling quarter. Susunod para sa UP ang University of the East sa Setyembre 14. Bago noon, maglalaro ang Ateneo at University of Santo Tomas sa 11, lahat sa Araneta.