ni Anthony E. Servinio @Sports | Feb. 5, 2025
Photo: Mapapalaban si Justine Baltazar ng Converge Fiberxers kontra Rain or Shine. (Reymundo Nillama)
Laro ngayong Miyerkules – Araneta
5 PM ROS vs. Converge 7:30 PM Ginebra vs. Magnolia
Panahon na para magseryoso at quarterfinals na ng 2024-25 PBA Commissioner’s Cup ngayong araw sa Araneta Coliseum. Unang sasalang ang #6 Rain Or Shine laban sa #3 Converge at susundan ng salpukan ng #4 Barangay Ginebra at #5 Meralco sa mga seryeng best-of-three.
Ganado ang ROS matapos nila talunin ang TNT noong Biyernes, 106-96, para umangat sa #6. Tinalo naman ng FiberXers ang Elasto Painters sa elimination, 103-96, noong Enero 14.
Napiga ng Converge ang panalo sa mahusay na laro nina Alec Stockton, Jordan Heading, Kevin Racal at Justine Arana upang takpan si import Cheik Diallo na 8 puntos lang ang ambag.
Tanging sina Jhonard Clarito, Beau Belga at import Deon Thompson ang bumuhay sa ROS.
Tinapos ng Gin Kings ang elimination sa 91-87 tagumpay sa All-Filipino Bolts noong Enero 29.
Malaking tanong pa rin ang lagay ng likod ni Bolts import Akil Mitchell na liliban laban sa Ginebra at Magnolia at pumasok sa quarterfinals bitbit ang dalawang sunod na talo.
Sasandal muli ang Gins kay Brownlee, Troy Rosario, RJ Abarrientos, Japeth Aguilar, Stephen Holt at Scottie Thompson na lahat gumagawa ng 10 o higit pa bawat laro. Tatapatan nina Chris Newsome, Bong Quinto at Chris Banchero.
Nakuha ng Hotshots ang huling upuan sa q'finals sa bisa ng 112-81 tagumpay sa NLEX noong Linggo. Haharapin ng Hotshots ang #1 NorthPort sa Huwebes bago magkita ang #2 TNT vs. #7 HK Eastern sa Aquino Stadium.
Samantala, sina dating MVP Ramon Fernandez, Atoy Co at Allan Caidic ang mga hurado na pipili ng 10 manlalaro upang mabuo ang PBA’s 50 Greatest Players sa ika-50 taon ng liga ngayong Abril.
Kasama nila sina dating Commissioner Sonny Barrios, Coach Dante Silverio at mga sports media Ding Marcelo, Nelson Beltran, Al Mendoza, Joaquin Henson at Andy Jao.