Sanhi ng pamamaga ng apdo
- Shane Ludovice
- Apr 28, 2020
- 2 min read
Dear Doc. Shane,
Ako ay 31 years old at may problema sa aking apdo. Ang sabi ng doktor namamaga raw ito ayon sa test na isinagawa niya. Hindi niya naipaliwanag kung bakit nagkakaroon ito ng pamamaga. Ano ba ang mga posibleng sanhi nito at paano magagamot? - Isabel
Sagot
Ang pamamaga ng apdo o cholecystitis ay kadalasang sanhi ng pagkakaroon ng bara sa mga daluyan ng bile papalabas ng apdo. Ang ilan sa maaaring makabara sa daluyan ng bile ay ang mga namuo o tumigas na sangkap sa loob ng apdo (gallstones), pagkakaroon ng peklat sa mga daluyan ng bile, maging ang pagliit ng mga daluyang ito.

Maaaring lunasan ang pamamaga ng apdo sa pamamagitan ng mga antibiotic, endoscopic retrograde cholangiopancreatography (ERCP), maging ng operasyong cholecystectomy.
Mayroong dalawang uri ng cholecystitis. Ang mga ito ay ang acute cholecystitis at ang chronic cholecystitis:
Acute cholecystitis. Ito ay nagdudulot ng matinding pananakit sa apektadong bahagi, pagkahilo, pagsusuka at pagkakaroon ng mataas na lagnat.
Chronic cholecystitis. Ito ay ang banayad na pamamaga ng apdo subalit, higit na mas tumatagal kaysa sa acute cholecystitis. Ang sakit na ito ay nagbubunga ng nanunumbalik na pananakit na maaaring banayad lamang at walang ibang sintomas. Kapag lumala, nagdudulot ito ng pagkapinsala at ng pagkakaroon ng peklat sa mga bahaging nagsisilbing dingding ng apdo.
Mga sanhi:
Bato sa apdo (gallstones). Isa sa mga pangunahing dahilan ng pagkakaroon ng cholecystitis ay ang pagtigas ng mga namuong mga sangkap sa apdo. Ang mga namuong sangkap o mga bato ay bumabara sa mga daluyan. Dahil dito, mamamaga ang bahaging ito ng katawan.
Pagkakaroon ng tumor. Ito ay maaari ring bumara sa mga daluyan ng bile papalabas ng apdo. Dahil dito, maiipon ang mga bile at magdudulot ng pamamaga na maaaring mauwi sa pagkakaroon ng bara sa daluyan ng bile.
Pagkakaroon ng pinsala sa mga ugat na daluyan ng dugo. Kapag nagkaroon ng malubhang karamdaman, maaaring mapinsala ang mga ugat na daluyan ng dugo. Dahil dito, magkakaroon ng problema sa pagdaloy ng dugo papunta sa apdo na isa rin sa mga maaaring sanhi ng pagkakaroon ng cholecystitis.
Mga sintomas:
Paglobo ng tiyan o pagdanas ng kabag
Pagkamaselan ng kanang itaas na bahagi ng tiyan
Pagbaba o tuluyang pagkawala ng ganang kumain
Pagkahilo at pagsusuka
Pagpapawis
Maaari itong iwasan sa pamamagitan ng ilan sa mga sumusunod:
Pag-iwas sa mga pagkaing may saturated fat
Pagkain sa tamang oras
Pag-eehersisyo sa loob ng 30 na minuto, limang araw bawat linggo
Pagbawas ng timbang na tumutulong sa pag-iwas sa bato sa apdo




Comments