top of page
BIDA - BELA ARCAL, TODO-PAAWA SA PBB, MADIR SINIRAAN, NIRESBAKAN_FB Circulated.jpeg

Sahod sa 'Pinas, mababa... Pinoy na nag-a-abroad, go lang! — Castro

Writer: BULGAR
BULGAR
21 hours ago
2 min read

ni Mylene Alfonso @News | November 5, 2026



Atty. Claire Castro - PCO

Photo: PCO



Hindi dapat pigilan ang mga kabataang Pilipinong nagnanais magtrabaho sa ibang bansa dahil makatutulong din ito sa kanilang pamilya at sa ekonomiya ng bansa.


Ginawa ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro ang reaksiyon kaugnay sa naging pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) na nanganganib ang labor supply sa bansa dahil sa dumaraming Pilipinong nangingibang-bansa bunsod ng mababang sahod at tumataas na presyo ng mga bilihin.


“Unang-una ang mga kabataan na nagnanais magtrabaho sa ibang bansa ay hindi natin dapat mapigilan. Kaya nga po nagkakaroon ng programa ang gobyerno sa upskilling, reskilling para magkaroon ng global competitiveness, magkaroon ng tamang paghahasa ang ating mga kababayan dito man sa Pilipinas o sa ibang bansa,” wika ni Castro sa Palace briefing.


Ayon kay Castro, patuloy na namumuhunan ang pamahalaan sa mga programang upskilling at reskilling sa pamamagitan ng TESDA, Commission on Higher Education (CHED) at Department of Education (DepEd) upang higit na mahasa ang kakayahan ng mga kabataan at maging globally competitive.


Ipinaliwanag din niya na ang tinatayang 10 porsiyentong pagkawala sa labor supply na binanggit sa pag-aaral ay may kaugnayan sa job mismatching o hindi pagtutugma ng kasanayan ng mga manggagawa sa mga available na trabaho.


“Ang sinabi na maaaring maging losses, 10% loss ay itinutumbok nila ang job mismatching at kaya nga po ang utos ng Pangulo especially sa ating CHEd, TESDA at Department of Education ay hasain ang ating mga kabataan at para mas maging competitive sila sa kanilang pagtatrabaho,” aniya.


Dagdag pa ni Castro, hindi nangangahulugang lahat ng kabataan ay aalis ng bansa dahil patuloy ding nagsisikap ang pamahalaan na makahikayat ng mas maraming mamumuhunan upang makalikha ng mga trabahong angkop sa kakayahan ng mga Pilipino.


“Kung sila man po ay mag-a-abroad hindi po masasabing, hindi na sila maaasahan kung anuman ang kikitain nila abroad, ito naman po ay makakatulong sa kanilang pamilya, sa kanilang pangangailangan, pati na po sa ekonomiya ng ating bansa,” pagtatapos niya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page