16.4M Pinoy, umaasa sa libreng serbisyong legal... PAO, nanawagan ng dagdag na abogado

by BRT @News | October 10, 2026

Photo: PAO Chief Atty. Persida Acosta - FB
Nanawagan ang Public Attorney’s Office (PAO), sa pamumuno ni Atty. Persida Rueda-Acosta, ng karagdagang abogado upang matugunan ang pangangailangan ng mahigit 16.4 milyong Pilipinong umaasa sa libreng serbisyong legal.
Sa kasalukuyan, nananatili sa 1:2 ang public attorney-to-court ratio, malayo sa target na 1:1, sa kabila ng mahigit 2,670 abogado at 392 tanggapan ng PAO sa buong bansa.
Ayon kay PAO Supervising Administrative Officer Nelson Acevedo, nakamit ng ahensya ang 100 porsiyentong obligation at disbursement rates noong 2025. Inaprubahan din ng DBM ang 178 karagdagang posisyon.
Dahil dito, hinimok ni Bagong Henerasyon Rep. Roberto Nazal Jr. ang Kongreso na dagdagan ang pondo ng PAO.
“Hindi ba dapat tayong magbigay ng karagdagang pondo sa mga ahensyang tulad ng PAO na nagpatunay na kaya nilang ganap na gamitin at ilabas ang kanilang budget, lalo pa’t malinaw na may hindi pa natutugunang pangangailangan para sa kanilang mga serbisyo?” ani Nazal.
Tiniyak naman ng PAO na patuloy itong magbibigay ng libreng legal na payo, representasyon sa korte at counseling sa mga kwalipikadong kliyente, sa kabila ng kakulangan sa mga abogado.





Comments